Bukas na Liham ng Pambansang Katipunan ng mga Mabubukid-Bikol (PKM-Bikol) sa BHB
Para sa mga kasama,
Narinig namin sa balita ang nangyaring reyd sa Labo. Hindi rin lingid sa amin ang mga bira ng kasama sa Albay at sa iba pang prubinsya laban sa pwersa ng mersenaryong hukbo ng naghaharing-uri. Salamat at pagpupugay! Binigwasan ninyo ang kaaway ng mamamayan para sa lahat ng inaapi at pinagsasamantalahan. Muli ninyong ipinatanaw sa amin ang kawastuhan ng armadong rebolusyon.
Dinudurog kami ng mga halimaw na ‘yan. Ilang daantaon na nila kaming inaalipusta at ibinilanggo sa kahirapan. At nang ikuyom namin ang aming mga kamao at lumaban, tinawag nila kaming mga terorista at pinaratangang mga kriminal. Kaming mga biktima ng kanilang pang-aapi at pagsasamantala – kami raw ang terorista. Kaming inagawan na ng lahat – ng aming mga pinagpaguran, ng aming mga buhay! Kaming ipinagbili na ang aming dangal at isinangla ang mga karapatan at kalayaan. Kaming ang dugo at pawis ang siyang pundasyon ng lipunan. Kaming tinangayan ng mga minamahal, pangarap at kinabukasan.
Pero sino bang hindi matututong makidigma kung ilang salinlahi, ilang pangarap, ilang buhay na ang binura ng pasismo at terorismo ng naghaharing-uri? Silang nagsasabing mali ang pagrerebolusyon at tinatawag na karahasan ang paglaban ng mamamayan, tingnan nila kami sa mata at sabihing maling ipagtanggol ang aming karapatang mabuhay nang may dignidad. Na maling labanan namin ang pagturing sa aming masahol pa sa mga hayop na kinakatay. Na maling mag-aklas mula sa lipunang pumiga sa huling lakas namin at bilang ganti ay pumatay sa amin.
Maraming salamat at dininig ninyo kami. Ang inyong tagumpay ay aming tagumpay. Ang inyong bigwas ay hustisya para sa amin. Ang 14 na armas na nasamsam ninyo mula sa mga berdugo ay simbolo rin ng aming pagbangon. Dahil kayo ay kami rin – ang bawat isang pinagkaitan ng malakolonyal at malapyudal na lipunan ng karapatang gumising nang may kapanatagan at mamuhay nang hindi nangangamba para sa buhay at kapakanan ng minamahal sa buhay.
Muling sumambulat sa kanila ang katotohanang hindi nila mapipigilang humawak ng armas at maglunsad ng makatarungang digma ang mamamayan laban sa ilang dekada nang kawalang hustisya at panlipunang pagkakapantay-pantay. Dumaan na ang iba’t ibang gubyernong bitbit ang iba’t ibang kulay ng pare-parehong pangako. Matapos ang katakut-takot na buhos ng rekurso at modernong armas, matapos ang pinakamadudugong kampanya ng panunupil, panloloko at terorismo ng estado, hindi nila napatay at mapapatay kailanman ang ideya’t mithiing itinanim mismo ng daantaong pang-aapi’t pagsasamantala: paglaya.
Walang langit kung walang lupa. Walang paglaya kung walang lalaya. Salamat sa pagpapakilala sa armadong rebolusyon bilang natatanging landas sa pagsasakatuparan ng mithiing ito. Salamat sa inyo, kayong piniling mabuhay sa sakripisyo’t pangamba at handang i-alay ito para lang ipaunawa sa aming nakasalalay sa aming pagkilos at pagkakaisa ang pangako ng isang kinabukasang tunay na malaya’t maunlad. Tama kayo, wala kaming lupang bubungkalin kung hindi namin ito ipaglalaban. Tama kayo, wala kaming tatamasahing karapatan kung hindi namin ito igigiit.
Kasama namin kayo sa aming laban para sa lupa at ipinakitang nasa sama-samang pagtatanggol at paglilinang nito nakabatay ang pagsisikap ng isang lipunang umunlad at lumaya. Ginagabayan ninyo kami sa pagbubuo ng mga binhi ng isang demokratikong gubyernong tiyak na pinamumunuan ng mamamayan. Sinasamahan niyo kami para ipakita ang rebolusyon bilang aming makapangyarihang armas.
Salamat dahil muli ninyong pinasigla ang aming kapasyahang lumaban at kamtin ang hustisya. Haharapin namin anumang ibibigwas pa ng kaaway hawak ang panibagong giting at tapang. Pangingibabawan namin ang takot at pananahimik. Lalaban din kami’t magpupunyagi.
Dumami pa ang aming dahilan para ipagdiwang ang inyong anibersaryo – ang sa ating anibersayo. Kung kailangan niyo ng hahawak sa mga panibago ninyong nasamsam na armas, narito kami.
Salamat, aming Hukbo.