Bukas na Liham ng PKM-Bikol para sa ika-40 araw ng pagkakapaslang kina Jemar Palero at Marlon Naperi at para sa lahat ng mga pesanteng naninindigan at lumalaban
Maituturing ang uring magsasaka bilang isa sa mga pinakadakilang artista sa kasaysayan. Anong obra maestra nga ba ang hihigit sa pagbuhay sa lipunan? Nagsilbing kanbas ang lupa at sa kanilang mga kalyadong kamay, napakain ang sangkatauhan.
Subalit ang magtanim ay hindi biro. Kayo ang nagsaka, nag-ani at nagsaing subalit gahaman nilang sinagpang ang inyong kakanin. Maghapon kayong nakayuko at buong kasaysayang pinayuyuko.
Mula lipunang pyudal hanggang sa kasalukuyang sistemang kapital, kayong nagpapakain ang sinakdal sa gutom.
Sa pagka-alipusta’t pagkatimawa, higit ninyong naipamalas ang kadakilaang ito sa pagkilala ng inyong makauring lakas upang baguhin ang lipunan sa nagpapatuloy na tunggalian ng mga uri. Mula sa paghawak ng karit, tumangan din kayo ng armas at naging makapangyarihang alyado ng uring manggagawa upang ibunsod ang pagbabalikwas ng sangkatauhan mula sa kumunoy ng pagsasamantala at pang-aapi.
Kayong mga api at ginutom na magsasaka. Binago ninyo ang kasaysayan at ang lipunan.
Ilinuwal ng inyong uri ang mga tulad nina Jemar Palero at Marlon Naperi at libu-libo pang nag-alay ng kanilang buhay para likhain ang isang obrang higit pa sa sining kung maituturing. Yinakap ninyo ang inyong proletaryong potensyal at sa proseso’y hindi na lamang naging tagapagtanim, kayo rin ay nagsilbing mga artista, siyentista, inhinyero, doktor, aktibista at higit sa lahat, rebolusyonaryo. Hinigitan niyo ang pagsisilbi hindi lang sa sariling hanay at pinaglingkuran ang kapwa ninyo aba at api.
Hindi lamang kayo tagapagpunla, kayo rin ay naging mga binhi.
At mula sa inyong mga binhi’y umusbong ang rebolusyon. Sa Pilipinas, ilinulunsad ang kasalukuyang rebolusyong Pilipino sa pamamagitan ng isang digmang magsasaka. At dahil ito’y isang digmaan, naging puhunan ng inyong tagumpay ang pagharap at pagbangon mula sa mga pag-atras at pagkadapa. Hindi nakapagtatakang ang inyong uri ang pangunahing tinututukan ng mga pagtatangka at mapanupil na gera ng bawat reaksyunaryong estado. Alam nila ang kapangyarihan ng milyun-milyong itak kaya’t alam din nila ang kapangyarihan ng milyun-milyong riple.
Hindi maisasantabi ang inalay ninyong dugo at pawis upang panatilihing mataba ang lupa para sa armadong pakikibaka. At ito’y nagbunga at yumabong. Nasapol ninyo ang kawastuhan ng digmaang ito sa mga tagumpay na inyong nakamit sa paglaban sa pyudal na tanikala. Sa pagtangan ng armas at buong-panahong pagsisilbi bilang mga tunay na Hukbo ng mamamayan, libu-libong ektarya ng lupang agrikultural ang ngayo’y sama-samang pinupunla, pinangangasiwaan at pinakikinabangan ng ating mga organisasyon. Ilampung komunidad ang natayuan ninyo ng Pulang gubyerno.
Mapagpasya ang inyong papel sa pagpapabagsak ng sistema. Mapagpasya ang inyong papel sa pagtatayo ng isang bagong lipunang tunay na malaya at maunlad.
Sa yugto ng walang-kaparis na paglubha ng krisis, hinihikayat kayo ng PKM-Bikol, ang inyong rebolusyonaryong organisasyon, na ibayong sariwain at yakapin ang inyong rebolusyonaryong kapasidad. Nananatili ang pagkukumahog ng reaksyunaryong estadong buwagin ang inyong pagkakaisa, padapain ang inyong paninindigan at durugin ang inyong paglaban. Subalit hangga’t nakatanim ang ideyang isa kayo sa nagpunla—ang ideya nang paglaya—mananatili sa pagsibol at pagyabong ang milyun-milyong pang Jemar Palero at Marlon Naperi mula sa inyong hanay. Mananatili ang digmang magsasaka hanggang sa ganap nitong tagumpay.