BUKAS NA LIHAM: Panawagan sa lahat na barangay opisyal sa Probinsya ng Camarines Sur
Sa lahat na mga barangay opisyal magkaisa at magtulungan para bigyang proteksyon ang mamamayan sa mga ginagawang paglabag sa karapatang-pantao sa pinaigting na pasismo ng rehimeng US-Duterte sa mamamayan para supilin at pahupain ang mamamayan na naghahangad ng tunay na demokrasya, katarungan, kapayapaan at kaunlaran para sa kanilang buhay.
Ang kampanya ng AFP at PNP sa inyong lugar lalo sa mga interior na bahagi para sa kanilang programang PDT (peace and development) sa ilalim ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC), sa balangkas ng Task Force Katoninongan asin Kauswagan na kampanya sa buong Kabikolan, layunin ng kampanya na wakasan ang insurhensya sa lugar sa pamamagitan ng paghahatid ng mga batayang serbisyo katulong ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Sa katunayan ay matagal na itong ipinangako subalit hanggang sa kasalukuyan ay mahirap para sa kanila na tuparin ang ganitong mga programang magbibigay ng kaunlaran at kapayapaan sa ating lugar dahil labag sa kanilang kalooban na ibigay sa lahat ng mahihirap ang biyayang hindi sila ang unang makikinabang. Kaya hindi ito ang solusyon para sa komprehensibong pagresolba sa kahirapan lalo na ang problema ng mga magsasaka. Bagkus ay magreresulta lang ang kanilang kampanya ng pagkaalarma, takot at pagkakawatak-watak ng ating mga taumbaryo dahil sa mga ginagawa nilang pananakot, panghaharas, at sapilitang pagpapasurender sa mga pinagsususpetsahan nilang nagsusuporta sa kilusan para makuha nila ang nakalaan na pondo para sa mga surrendere. Ang nakikinabang para sa mga pondong nakalaan ng gobyerno ay ang mga matataas na opisyal ng AFP. Matagal na rin nila itong ginagawa mula pa sa mga nagdaang rehimen subalit wala itong magandang naidulot sa ating mamamayan dahil ang kanilang ginagawa ay para sa kanilang interes.
Sa lahat na mga Bikolano huwag kayo matakot na manindigan at ipaglaban ang inyong karapatan na ipagtanggol ang inyong mga kabarangay, laban sa anumang mga pang-aabuso na ginagawa ng mga militar sa ating mga lugar na nasasakupan. Tulad ng pagbabase sa sentrong baryo gamit ang mga pampublikong pasilidad (simbahan, barangay hall, day care center, outpost, pagbase sa kabahayan ng masa at iba pa), sapilitang pagkuha ng litrato sa mga tao na kinakausap para palabasin na mga surrender, pagpapasabong na sila mismo ang nangunguna kahit ayaw pumayag ang mga barangay opisyal, pagpapatupad ng curfew at sapilitang pagpapabantay sa mga barangay tanod para sa kanilang seguridad.
Ipaglaban ang karapatang pantao!
Tutulan at labanan ang pang-aabuso ng AFP/PNP!
Tutulan ang task force katuninongan at kauswagan!
Ilantad ang pekeng pagpapasurender!
Isulong ang pagkakaisa ng lahat na taumbaryong biktima ng pang-aabuso at karahasan!
Mabuhay ang rebolusyon!
Michael Robredo
Tagapagsalita, NGC-BHB West Camarines Sur