Bukas na liham para sa masa ng Sorsogon na ginigipit ng AFP
Nitong mga nakaraang taon, agresibong ipinatupad ng rehimeng US-Duterte ang mapanlinlang na programang E-CLIP na dili iba’t ang pagpapasuko sa mga NPA at panggigipit sa masang pinagbibintangang kalahok sa rebolusyonaryong kilusan.
Marami sa inyo at inyong kapamilya ang naobligang pumasok sa programang ito at idineklara bilang “rebel returnees” o mga “balik-loob” kahit na karamihan sa inyo ay hindi naman NPA.
Nauunawaan naming karamihan sa inyo ay tinakot, nilinlang at pinwersang sumakay sa pagpapasuko. Sa hangaring lulubayan ng militar, may ilan ang nadala ng pangakong “lilinisin” ang pangalan o buburahin ang mga dating kaso kapalit ng pagsurender. May ilan dating NPA na inakalang matatahimik ang buhay nang pumasok sa patibong na ito sa takot sa mga kasong maaaring harapin nila sa reaksyunaryong korte.
Subalit hindi nagkasya ang AFP na pumayag kayong tawaging “sumurender.” Marami sa inyo ang patuloy na pinipilit na magbigay ng impormasyon at ituro ang mga kakilalang nasa rebolusyonaryong kilusan. Ang ilan naman ay inobligang sumama sa mga operasyong militar bilang giya at pananggalang laban sa NPA. Isinubo kayo sa sitwasyong hindi kayo makatatanggi kahit labag sa kalooban ninyo ang magpahamak ng kapwa.
Tulad ng ibang programa ng gobyerno, mapanlinlang at batbat ng korapsyon ang E-CLIP. Di lingid sa amin na mas lumala ngayon ang sitwasyon ninyo. Wala silang tinupad sa kanilang mga pangako. Mayorya sa inyo ang hindi nakakuha ng ipinangakong ayudang pinansya. Ang tanging nakuha ay isang plastik ng grocery na pinamimigay tuwing may pagtitipon o seremonya para sa mga pinasuko. May mga pinangakuan sa inyo ng trabaho ngunit iilan lamang ang nakakuha at walang kasigaruduhan kung hangang kailan may trabaho. Mas malala pa, paulit-ulit pa rin kayong hinaharas at tinatakot kahit “sumurender” na, may ilang halos hindi na pinalalabas ng bahay o baranggay.
Ang masahol pa, kapag ayaw mag-aktibo laban sa NPA ang isang “surenderee” o wala nang pakinabang para sa estado ay sila na mismo ang pumapatay dito. Ganito ang sinapit ni Michael “Ka Teban” Bagasala, isang dating kasama na sumuko noong 2018. Pinatay sya ng mga elemento ng PNP at 31st IBPA nitong Enero 24. Tinortyur siya para piliting ituro ang mga kaanak niyang aktibo daw na NPA. Pinatay siya dahil wala siyang maibigay na impormyon. Pinalabas na lamang na nanlaban siya nang sisilbihan diumano ng warrant of arrest para sa kaso niyang murder na nakasampa raw sa korte sa Gubat, Sorsogon. Ibig sabihin, hindi iniuurong ng gobyerno ang mga kasong nakasampa laban sa mga sumuko para magamit na pampresyur sa kanila.
Pinatay si Bagasala para lalong takutin ang mga “rebel returnee” na ayaw magpagamit sa AFP laban sa rebolusyonaryong kilusan na siyang nais ng gobyernong nagpasuko sa inyo.
Wala kayong maaasahang proteksyon, kapayapaan o kaginhawahan mula sa reaksyunaryong gobyerno. Kahit mga pumayag na “sumurender” na ay walang ligtas sa kalupitan at bangis ng estado. Batid ng NPA na naghahanap kayo ng matatakbuhan at mahihingan ng tulong.
Kilala ninyo ang rebolusyonaryong kilusan at alam ninyo na ito lamang ang may tunay na malasakit sa mga inaapi. Bukas ang kilusan na kausapin kayo, dinggin ang inyong mga daing at tulungan kayong gawan ng remedyo ang inyong problema. Dapat ninyong mabatid na lagi ninyong masusulingan ang NPA. Handa ang kilusan na kanlungin kayo sa harap ng dinaranas ninyong panggigipit ng militar.
Nakahanda ang NPA-Sorsogon na tumulong para kayo ay makatindig at lumaban. Ginagawa ngayon ng NPA ang lahat nitong makakaya para ipagtanggol ang masang Sorosoganon at parusahan ang mga pasistang sundalo at upisyal ng AFP na nasa likod ng mga pagpatay, pagtortyur, panggigipit at pananakot sa masa ng Sorsogon. Sa mga labis na ginigipit ng militar, maaari kayong tanggapin ng NPA-Sorsogon para bigyang proteksyon o magsilbi bilang buong-panahong mandirigma. Kung inyong pipiliin, maaari kayong tulungan ng NPA na ilagay sa ligtas na lugar na malayo sa walang patawad na panggigipit at pamimilit ng militar at iba pang galamay ng estado.
Habampanahong nasa panig ninyo ang NPA sa inyong pakikibaka para sa inyong kagalingan at mga karapatan. Kasama ninyo ang NPA sa paglaban para ibaba ang upa sa mga niyugan, para itaas ang presyo ng niyog at ng kopra, para itaas ang sahod ng mga manggagawang bukid at iba pa ninyong mga kahilingan laluna sa harap ng matinding krisis at pagbagsak ng kabuhayan. Patuloy kayong tutulungan ng NPA sa pagbubuo ng mga samahan para palakasin ang inyong boses sa pagsigaw ng inyong mga kahilingan.
Para sa patuloy na pagkakaisa ng NPA at ng masa,
Samuel Guerrero, Tagapagsalita
Celso Minguez Command BHB-Sorsogon