Bukas na liham para sa mga kagawad ng midya at artista ng bayan
Sa mga kapatid namin sa hanay ng mass media at mga artista ng bayan,
Maaalab na pagbati mula sa mga kasama! Hangad naming datnan kayo ng sulat na ito na nasa mabuting kalagayan at ligtas sa anumang kapahamakan kasama na ang inyong mga mahal sa buhay.
Sumulat kami sa inyo upang ipahayag ang aming taos-pusong pasasalamat at pagsuporta sa inyong mithiin at tungkulin bilang boses ng mga inaapi at tagapagpadaloy ng katotohanan sa malawak na mamamayan.
Batid namin ang nararamdaman ninyong takot para sa inyong buhay at kabuhayan. Tulad ng iba pang maralita’t pinagsasamantalahan, hindi kayo ligtas mula sa pagwawasiwas ni Duterte ng pasismo. Nagawa nitong ipasara ang ABS-CBN, isa sa pinakamalalaki at pinakamatatagal na institusyon sa larangan broadkas– paano pa nga naman ang mga baguhan? Ngunit dapat nating tandaang walang tunay na lakas ang mga pasistang tulad ni Duterte sa harap ng nagkakaisa at organisadong pagkilos ng mamamayan. Ang batas at estado ay dapat nagsisilbi sa atin. Hindi tayo ang dapat manikluhod sa atas ng hungkag na estado at mangatog ang tuhod sa pagsunod ng mga mapanupil at hindi makatwirang batas.
Karapatan nating magngalit at manawagan ng hustisya! Karapatan nating mag-organisa at ipaglaban ang malayang pamamahayag! Paano naging krimen ang mag-isip nang kritikal at mangahas na magsalita? Sa panahong ginigipit ang mga batayang karapatan ng mamamayang matagal nang ipinaglalaban, tungkulin nating lahat na lumaban.
Sa gitna ng paglaganap ng pananakot ng estado, ginagampanan ninyo ang isa sa pinakamahahalagang tungkulin sa lipunan. Kayo ang daluyan ng boses ng mga inaapi. Kayo ang mga tagapagpadaloy ng katotohanan sa malawak na hanay ng mamamayan. Mula sa inyong mga pahayagan, dyornal, broadkas at iba pang mga porma ng sining naitatala ang kasaysayan ng pagsasamantala, pakikibaka ng mamamayan, hanggang sa paglaya ng lipunan. Malaki ang ambag ninyo sa pagpasa ng karanasan at praktika ng pakikibaka para sa mga susunod pang henerasyon.
Ang manahimik at magposturang walang pinapanigan ay katumbas ng pagpanig sa nagsasamantala. Walang dapat ikatakot dahil hindi kayo nag-iisa sa labang ito. Sa panahong kayo’y nanghihina, nawawalan ng loob o nagdududa sa paghakbang, balikan ninyong narito ang malawak na hanay ng mamamayang sumusuporta sa inyo. Sabay-sabay tayong magpapatuloy sa pakikibaka para maitatag ang tunay na malaya, makatarungan, demokratiko at masaganang lipunang nais natin para sa atin at sa susunod na henerasyon.
Bukas ang rebolusyonaryong kilusan sa lahat ng nais magpakupkop upang makaligtas sa pasismo ng estado. Taos-pusong tatanggapin ng mga yunit ng BHB at ng mga sonang gerilya ang lahat ng artista ng bayang handa nang tumangan ng armas at i-alay ang kanilang mga talento at buong panahon sa mamamayan.
Para sa paglaya ng sambayanan,
ARMAS-Bikol