Bukas na Liham Para sa mga Kagawad ng Midya
Una sa lahat, pinagpupugayan ng NDF-Bikol ang lahat ng masa at makabayang upisyal ng lokal na gubyerno na naging bahagi sa mabilis na pagbawi at pagtitiyak ng kaligtasan nina Christian Rañon, Romel “Boboy” Esmero, Ricky Bendaña at Rico Bendaña. Noong ika-9 ng Pebrero, dinukot at iligal na dinetine ng mga elemento ng 9th IBPA ang mga nasabing residente ng Sityo Pulang Daga, Brgy. Baya, Ragay, Camarines Sur. Ipinapaabot ng rebolusyonaryong kilusan ang mahigpit na pagsuporta at pakikiisa sa pagkilos ng mamamayan upang mabawi ang natitirang biktima na si Ricky Bendaña at ligtas na makabalik sa kanilang lugar. Muling pinatunayan ng naturang insidente na sapat ang lakas ng mamamayan upang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at demokratikong interes laban sa pang-aatakeng pangunahing ilinulunsad ng reaksyunaryong gubyerno at ng kanyang mersenaryong hukbo.
Mga kasama sa midya, alam naming maging kayo ay nakararanas ng matinding panunupil at pang-aabuso. Marami sa inyo ang araw-araw nakararanas ng censorship, napipilitang lunukin ang prinsipyo upang hindi matanggal sa trabaho o kaya naman ay nakatatanggap ng banta sa buhay. Alam naming sa paninindigan ninyo para sa patas at maka-masang mga balita ay ilinalagay ninyo rin ang inyong mga sarili sa panganib. Sa ilalim ng rehimeng US-Duterte naitala ang ikalawa sa pinakamataas na bilang ng pagpaslang sa mga mamamahayag kung kaya naiintindihan naming marami sa inyo ang nangangamba para sa sariling kapakanan at para sa buhay ng inyong mga pamilya. Kamakailan lamang ay pinatay ng mga elemento ng militar si Felix Randy Malayao, isang NDFP consultant, sa Aritao, Nueva Vizcaya. Tulad ninyo, siya ay isa ring mamamahayag. Sa kanyang katapatan sa kanyang propesyon, unti-unti siyang namulat sa tunay na kalagayan ng bansa at kalaunan ay pinili ang pagsisilbi sa bayan sa pamamagitan ng pagsapi sa rebolusyonaryong kilusan. Alam naming mahirap pumiglas mula sa pambubusal laluna kung ang pinakamatataas na upisyales ng bansa at ang sandatahang lakas nito ang mismong tagapagtaguyod ng karahasan.
Ngunit mga kasama, ang pagiging mamamahayag ay isang dakilang propesyon. Mayroon kayong pambihirang pagkakataon na magsilbing boses at mata ng sambayanang inaapi at pinagsasamantalahan. Sa tulong ninyo, nailalantad ang kabulukan ng reaksyunaryong gubyerno at ibayong lumalakas ang loob ng mamamayan na manindigan para sa kanilang mga karapatan. Sa harap ng walang kasingsahol na paghahasik ng pasismo at terorismong militar ng AFP sa ilalim ng rehimeng US-Duterte, ibayo ring tumitingkad ang papel ng mga mamamahayag sa pagpapalaganap ng tunay na kalagayan sa publiko. Mula sa panahon ng La Liga Filipina hanggang sa panahon ng mosquito press nang ipinataw ni Marcos ang Batas Militar, naging bahagi ang midya ng makasaysayang tungkulin na imulat ang masa at maging bahagi ng kanilang makatwirang paglaban.
Naniniwala kami sa inyong talas at tapang na suriin ang lipunan at ang problemang bumabayo sa taumbayan. Alam naming araw-araw ninyong nasasaksihan ang kahirapan at pagdurusa ng mamamayan sa ilalim ng pamumuno ng pasista at teroristang rehimeng US-Duterte. Naiintindihan ninyo ang aral ng kasaysayan – na hindi kailanman magtatagumpay ang kamay na bakal laluna sa gitna ng papasidhing krisis ng bansa at pagsambulat ng pandaigdigang krisis. Sa ilalim ng batas militar ni Marcos, isa sa pinakamalalagim na yugto ng kasalukuyang kasaysayan ng Pilipinas, hindi nagpasupil, bagkus ibayong lumakas ang iba’t ibang porma ng paglaban ng mamamayan. Ang pasismo at terorismo ng estado mismo at ang kawalan ng paggalang nito sa mga demokratikong karapatan at interes ng masa ang siyang nagtutulak sa maraming mamamayan para ipagtanggol ang kanilang sarili at itakwil ang reaksyunaryong gubyerno.
Mga kasama sa midya, ngayon higit kailanman kayo kinakailangan ng masa. Tumampok sa balita ang pagdukot sa apat na magsasaka sa Brgy. Baya, Ragay. Bunga ng inyong kasigasigang mailabas ang balita kasabay ng kahanga-hangang pagsisikap ng masa at mga lokal na upisyal, napigilan ninyo ang plano ng militar na patayin ang apat. Kung hindi naagapan, matutulad ang apat sa nauna nang kaso ng pagmasaker at paglibing nang buhay kina Robero Naris, 30 taong gulang, Ronel Naris, 28 taong gulang at Antonio Bonagua, 19 taong gulang, ng tropa ng 9th IDPA sa Patalunan, Ragay. Kahit na alam ninyong may posibilidad na mabalingan kayo ng karahasan ng militar, buong-kapangahasan ninyo pa ring dinala at ilinabas sa publiko ang panig ng masa. Ito ang diwang marapat nating tanganan laluna sa kasalukuyang panahon.
Biyun-bilyon ang pondong ibinubuhos ng reaksyunaryong kaaway para sa kanyang todo-largang gera kung kaya napakadali para sa militar na magpalabas at magpakalat ng pekeng datos at kwentong pabor sa kanila at magkukubli sa tunay na mga pangyayari. Kapos sa ganitong rekurso ang masang lumalaban. Gayunpaman, walang-maliw at buong-tapang pa rin nilang pinagsisikapan na ilabas ang kanilang mga panawagan. Wala silang takot na ipaglaban ang kanilang interes at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan. Mga kasama sa midya, bilang daluyan ng boses ng masa, marapat lamang na mangahas ang bawat kagawad ng midyang tulad ninyo na magsaliksik at isapubliko ang tunay na kwento ng masang target ng walang patumanggang paglabag sa karapatang tao at terorismo ng militar sa ilalim ng rehimeng US-Duterte.
Manindigan para sa tunay na malaya at mapagpalayang pamamahayag! Manindigan para sa mamamayan! Palayasin ang Militar sa Kanayunan! Labanan ang Todo-Largang Gera ng Rehimeng US-Duterte!
Patalsikin ang Pasistang Diktador na si Duterte!