Bukas na liham sa mga bagong halal na lingkod-bayan sa lalawigan ng Quezon
Sa kasalukuyan ay may ginagawang lobbying ang sundalo at pulisya sa mga LGU para magpasa ng mga resolusyon na nagdideklara sa CPP-NPA-NDFP na persona non grata.
Sa ilalim ng Oplan Kapanatagan ng rehimeng US-Duterte at sa pamamagitan ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) sa Timog Katagalugan na koordinadong pinangangasiwaan ng Southern Luzon Command ng Armed Forces of the Philippines at Police Regional Office 4A at 4B ng Philippine National Police, ang pagtutulak ng ganitong pakana sa mga local government unit ay pagtatangka ng gubyernong Duterte na pagmukhaing wala nang suporta ang mamamayan sa rebolusyon na isinusulong ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army at National Democratic Front of the Philippines.
Nais rin ng RTF-ELCAC na hatiin ang mga lokal na opisyal ng LGU sa kanilang pagsuporta sa mga lehitimong pakikibaka ng mamamayan sa pagtatatak sa mga ito na front ng CPP-NPA.
Subalit katawa-tawa ang ganitong pakana. Kung kaya nananawagan kami sa mga bagong halal na lingkod-bayan sa lalawigan na huwag maging bahagi ng imbing pakana ng RTF-ELCAC.
Sa halip, ang dapat ninyong suportahan ay ang pagtataguyod ng muling pagbubukas ng peace talks na arbitraryong tinapos ni Digong Duterte dahil lamang hindi niya napasunod ang CPP-NPA na pumasok sa walang taning na tigil-putukan at kalaunan ay magsalong ng armas.
Ipapaalala rin namin na hindi totoo ang localized peace talks na sinasabi ng AFP at Department of Interior and Local Government. Sa buong bansa, wala isa mang yunit o command ng NPA ang pumapasok sa tinatawag nilang localized peace talks. Ang otorisadong kinatawan ng rebolusyunaryong kilusan ay ang negotiating panel ng NDFP.
Dagdag pa, kung seryoso kayo sa paglutas ng armadong tunggalian, ibuhos ninyo ang panahon, pagsisikap at rekurso ng local government unit para sa kapakanan ng inyong mga constituent. Sa kasalukuyan ay hinagupit ng matinding krisis ang mga magniniyog sa kanayunan ng lalawigan dahil sa matinding tagtuyot at patuloy na pagbagsak ng presyo ng kopra at buo.
Ang huling nabanggit ang marapat ninyong pag-isipan ng bubuoing resolusyon at ordinansa. Para din sa inyong kaalaman, mayroong inilabas ang Provincial Agriculture Office na Php19.9 million noong buwan ng Marso matapos diumanong magdeklara ng state of calamity sa lalawigan. Kailangan ninyong hanapin at tiyakin na makakarating ang pondong ito sa mga residente at botanteng nagluklok sa inyo sa panunungkulan.
Ang CPP-NPA ay hindi teroristang grupo. Marami sa inyo ay nakausap na ang mga opisyal na kinatawan ng rebolusyunaryong kilusan. Naging tapat at makatwiran kami sa ating mga pag-uusap.
Huwag kayong magpadalos-dalos sa pagpirma sa ilalakong resolusyon ng RTF-ELCAC dahil lamang kayo ay ginipit, tinakot o inalok ng diumano’y seguridad at kaligtasan. Kung tapat kayong lingkod-bayan, wala kayong dapat ipangamba sa rebolusyunaryong kilusan at mamamayan.