Bukas na Liham sa mga Magulang mula sa mga Anak ng Bayan
Sa ating mga Minamahal at Dinadakilang mga Ama at Ina,
Isang rebolusyonaryong pagbati!
Sa diwa ng ika-55 anibersaryo ng Kabataang Makabayan at paggunita sa Araw ni Gat Andres Bonifacio, pinagpupugayan naming mga anak ng bayan ang inyong hindi matatawaran at dakilang gampanin bilang mga ama at ina. Kayo ang nagsilbing ilaw, haligi, tagapagluwal at gabay sa pagsibol ng bagong henerasyong papanday at uukit ng kasaysayan.
Kapugay-pugay ang piliing maging magulang sa isang sistemang puno ng pagsasamantala at pang-aapi. Hindi lingid sa inyo ang hamon ng pagtaguyod sa isang pamilya: pirmihan kayong pinagkakaitan ng kabuhayan para tumugon sa arawang pangangailangan at inaalisan ng mga batayang karapatan para matamasa ang isang maunlad at malayang bukas para sa inyong mga anak.
Dinanas ninyo ang hirap at bigat ng krisis sa pag-asang makapag-ambag ng salinlahing magdadala ng magandang bukas. Araw-araw ninyo kaming iginapang at inalay ang lahat para mapagwagian ang bagsik ng kahirapan. Pamalagian kayong umaagapay at kumakalinga sa bawat naming pagkadapa at pagkabigo. Hindi kayo sumuko upang kami rin ay hindi sumuko, matuto sa pagkakamali, muling bumangon at magtagumpay. Sa inyo namin unang natutunan ang walang imbot na pagmamahal, sakripisyo at pag-aalay ng sarili para sa iba. Sa inyong pawis at dugo, lumaki kami bilang mga mabubuti at prinsipyadong tao. Sa diwa at inspirasyong ito, itinuro ninyo sa aming manindigan at lumaban.
Kaganapan ng inyong pagiging magulang ang makita kaming lumipad sa sariling mga pakpak, tumayo sa sariling mga paa at magkaroon ng sariling bait, kamulatan, prinsipyo at paninindigan. Sa kabila ng inyong sariling mga pangarap at inaasahan para sa amin, batid ninyong nakasalalay din sa amin ang katuparan ng pangarap ng milyun-milyong pang pamilyang naghahangad ng isang malaya at maunlad na bukas. Batid ninyo ang pangangailangan ng pagbabago, lalo’t alam ninyong kami rin ay magiging mga magulang at hindi kayo papayag na mamuhay ang inyong salinlahi sa sukdulang krisis at abang kalagayan.
Mulat kayong darating ang panahong handa na kaming tumugon sa hamon ng aming henerasyon: ang tupdin ang makasaysayang gampaning baguhin ang lipunan at mag-alay ng lakas, panahon at buhay para sa dakilang tungkuling paglingkuran ang sambayanan—sukat ang mawalay sa inyong piling. Bitbit ang inyong pag-unawa at pagtitiwala, buong-puso naming tinahak ang landas ng rebolusyonaryong pakikibaka.
Hindi katulad ng ipinipinta sa inyo ni Duterte at ng kanyang mga amo na mali, walang katuturan at krimen ang paglaban, tunay naming naisasalin ang inyong diwa at pagmamahal sa sa mga magsasakang nakakasalamuha namin sa produksyon, sa mga manggagawang magdamag naming nakakatalakay, at sa mga kapwa naming kabataang mulat at makulay na nagpapahayag ng kanilang mga saloobin at karapatan—ito ang tunay na larawan ng pakikibaka.
Bagamat may pangamba sa inyong mga puso, ngayon ay pinag-iisa na tayo ng pag-ibig na higit pa sa bigkis ng pagiging magkapamilya—ang pag-ibig sa bayang minamahal. Paghalawan ninyo ng inspirasyon ang libu-libong ama’t inang buong tatag na sumuporta sa adhikain ng kanilang mga anak hanggang sa maging mga aktibong kabahagi ng pagbabalikwas. Katuparan ng ating mga pangarap ang buong-panahon naming paglahok sa makatarungang digma ng mamamayan. Ang pagsisilbi sa malawak na hanay ng mamamayang api at pinagsasamantalahan ang aming propesyon, bokasyon, adhikain at buhay. Dito, sa piling ng daan-libo pang mga ama at inang tinuring kami bilang kanilang mga anak sa pakikibaka, tunay naming napapahalagahan ang inyong mga aral, sakripisyo at pangarap. Ang malayo’y mistulang malapit dahil taglay at ramdam namin ang inyong pagmamahal sa bawat masang nagpapatuloy, kumukupkop at nakakasabay namin sa paglaban. Hindi magmamaliw ang katotohanang kayo ang aming lakas upang ibayo pang magpakatatag at sumulong.
Tiyak kaming darating ang panahon na makakasama namin kayo sa dakilang layuning ito. Walang distansyang maglalayo, walang pader na makahahadlang, walang pangambang hindi mamahalin, walang tagumpay na hindi makakamtan.