Bukas na liham sa mga mamamayan sa Batangas na nasalanta ng pagputok ng bulkang Taal
Para sa mahal naming mga kababayan sa Batangas at mga karatig probinsya nito:
Ang National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST) at mga kaalyadong organisasyon nito sa rehiyon ay karamay at kaisa ng mga kababayan nating nasalanta at naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal. Tagos sa aming puso’t isipan ang hirap at sakit na inyong nadarama sa kasalukuyan at maging ang labis ninyong pag-aalala sa inyong mga naiwang ari-arian, mga alagang hayop, pananim at iba pang kabuhayan. Sa pamamagitan ng mga kaalyadong organisasyon at mga kaibigan ng NDFP-ST, gumawa ito ng mga paraan paano makakatulong mula sa aktwal na paglilikas, pangangalap ng mga pagkain, tubig, gamot, materyal at iba pang pangangailangan ng mga nagsilikas nating mga kababayan. Ang mga naorganisang boluntir ng NDFP-ST ay naruon na sa lugar at sa kasalukuyang naghahatid ng tulong sa mga nasalanta nating kababayan.
Umaapela na rin ang NDFP-ST sa lahat ng ating mga kababayan na magkaloob ng anumang tulong para sa mga nasalanta at naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal. Higit sa anupaman ay sumalig tayo sa sariling lakas, pagsasama-sama at pagdadamayan upang harapin at makabangon mula sa trahedyang dulot ng natural na kalamidad.
Patuloy pang nakataas ang babala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvocs) na sa anumang oras o mga araw maaaring mapanganib na pumutok ang bulkang Taal at magdulot pa ito ng tinatawag ng Philvocs na volcanic tsunami. Pinapayuhan namin ang lahat ng ating mga kababayan na agaran nang magsilikas lalo na ang mga naninirahan sa tinaguriang mapanganib na mga lugar (danger zones). Ang iba pang mga boluntir ng NDFP-ST ay nagsitungo na rin sa lugar upang tumulong at maisagawa ang organisadong paglilikas sa ating mga kababayan na naiipit pa sa mga mapanganib na lugar dahil sa mabagal na pagdating ng tulong mula sa gubyernong Duterte at kakapusan naman ng mga lokal na gubyerno.
Sa harap ng kainutilan ng gubyernong Duterte na mabilis na ihatid ang tulong sa mga nasalanta ng pagputok ng bulkang Taal, nauna pang magpadala ang lokal na pamahalaan ng Pampanga ng 50 sasakyang convoy ng mga medical volunteers at rescue teams, mga gamot, 8,000 food packs at iba pang pangangailangan ng mga biktima habang si Gobernador Suarez ng Quezon ay isang 7-kataong rescue team lamang ang ipinagmamalaking naipadala nya.
Ang pagputok ng bulkang Taal ay may pangmatagalang epekto sa pananim at iba pang kabuhayan ng mga magsasaka, manggagawang bukid, mangingisda at iba pa lalo na yaong umaasa ang kabuhayan sa lawa ng Taal gayundin sa komersyo at iba pang pang-ekonomiyang aktibidad sa probinsya. Ang abo at buhangin na ibinuga ng pagputok ng bulkang Taal ay sisira sa kabahayan, sa libong ektarya ng pananim ng mga magsasaka hindi lamang sa mga bayang nakapalibot sa lawa ng Taal kundi maging sa kalapit na bayan sa loob ng probinsya ng Batangas, mga bayan sa hangganan ng Cavite, Laguna, Quezon at sa islang probinsya ng Mindoro. Napakalaki na din ang dinulot na pinsala sa mga fishpens/fish cages na nasa sa lawa ng Taal kung saan libong mangingisda ang apektado ang kabuhayan. May ulat na apektado din ang kita ng mga mangingisda sa mga baybaying dagat sa kanlurang Batangas hanggang sa dulong norte ng dalawang probinsya ng Mindoro dulot ng buga ng abo at buhangin ng pagputok ng bulkang Taal.
Sa ganitong kalagayan, hindi lamang nakatuon ang pansin ng NDFP-ST sa kagyat na pagtulong sa paglilikas at pagsasagawa ng mga relief operations sa mga nasalanta ng kalamidad dulot ng pagputok ng bulkang Taal. Nakatuon na rin ang atensyon ng NDFP-ST sa kasunod na yugto—ang rehabilitasyon. Sa katunayan, may mga inisyal na plano nang nabuo ang pamunuan ng NDFP-ST at mga magkakaalyadong organisasyon sa ilalim nito kung paano makakatulong sa gagawing pangmatagalang rehabilitasyon at pagbabangon muli ng kabuhayan ng mga nasalanta sa pagputok ng bulkang Taal.
Titiyakin ng rebolusyonaryong kilusan, sa abot ng kanyang makakaya, na maihatid sa taumbayang nasalanta at naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal ang mga kinakailangang tulong para sa rehabilitasyon ng kanilang mga nasirang kabahayan at kabuhayan. Batid namin na napakabigat na pasanin ang usapin ng rehabilitasyon. Bilyong halaga ang kailangan. Pero naniniwala kami na kapag malakas at masigla ang pagtutulungan at damayan nating lahat, kabilang ng iba pa nating mga kababayan sa Luzon, Visayas, Mindanao at mga nasa ibayong dagat, kakayanin nating makaalpas at makabangon muli sa pinsalang dulot ng pagputok ng bulkang Taal.
Subalit kailangan nating kumilos at makibaka upang ipanawagan at igiit sa gubyernong Duterte na laanan ng malaking pondo ang pagtulong at rehabilitasyon sa mga nasalanta at naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal. Ipanawagan na ibaling ang pondong nakalaan sa militar at kapulisan tungong pondo sa relief at rehabilitation programs nito. Nasasayang lang ang pondo ng bayan na nakalaan sa AFP at PNP sa bigong gyera kontra iligal na droga nito at sa pondong ginagamit sa mga operasyong militar ng mga ito na ang tanging napipinsala ay mga inosenteng sibilyan at kabuhayan ng mamamayan.
Kailangan ding itaas ang pagmamatyag ng mamamayan sa mga tiwaling pulitiko at upisyal ng reaksyunaryong gubyerno na sasamantalahin ang kalamidad na ito upang magkaroon ng opurtunidad na ibulsa ang milyun-milyong calamity fund na para sa mamamayan.
Kailangang magkaisa, kumilos at makibaka ang taumbayan para ipanawagan ang matagalang moratorium sa pagbabayad ng mga magsasaka sa upa sa lupa sa mga panginoong maylupa, sa taunang pagbayad sa certificate of land ownership award (CLOA) sa ilalim ng bogus na repormang agraryo ng pasistang rehimeng US-Duterte at sa pagbayad ng kanilang pagkakautang at paniningil mula sa mga institusyong pinansyal at financial cooperatives. Lalong kailangang ngayon ng kilusang masa na isulong at i-pursige ang mga pakikibaka para sa pagkakaroon ng trabaho, disenteng hanapbuhay, nakabubuhay na sahod, libre at murang pabahay, pagpapababa ng presyo ng mga pangunahing bilihin at mura at abot kamay na serbisyong pampubliko.
Mahalaga ding ipanawagan sa gubyerno ang moratorium sa pagbabayad ng dayuhang utang at pagsasantabi sa mga kwestyunableng utang na pinasok ng mga nakaraang rehimen at ng rehimeng Duterte sa bansang China at sa iba pang mga imperyalistang bansa lalo na sa Estados Unidos. Ang ibabayad sa utang ay dapat ilaan bilang pondo sa rehabilitasyon at tulong pangkabuhayan sa mga nasalanta at naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal.
Higit sa lahat, dapat kumilos at makibaka ang taumbayan para igiit sa pasistang rehimeng US-Duterte na itigil na ang pagpapatupad ng mga anti-mamamayang patakaran at polisiya na lalong nagpapahirap sa taumbayan dahil sa masugid na pagsunod nito sa mga imperyalistang imposisyon sa bansa ng US sa anyo ng neoliberalistang programa na pribatisasyon, deregularisasyon, liberalisasyon at denasyunalisasyon. ###