Bukas na Liham sa mga Mindoreño
Mahal na mga kababayan,
Mainit na pagbati at pangungumusta sa’yo at sa inyong buong pamilya. Hangad namin ang ligtas ninyong kalagayan at kalusugan lalo na ngayong mas mabilis ang pagkalat ng bayrus na COVID-19 na may iba’t ibang variant na.
Gumawa kami ng sulat na ito upang alarmahin kayo sa isang panganib na nakaambang maganap sa Mindoro na dapat nating pagtulungang sawatain.
May mga indikasyon na isusunod ang Mindoro matapos ang “Bloody Sunday” sa CALABAR (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal) ng Timog Katagalugan. Isa nang palatandaan nito ang pag-aresto kay Genalyn “Ate Neneng” Avelino, isang lider magsasaka mula sa Rizal, Occidental Mindoro noong Pebrero 23 sa kasong rebelyon at insureksyon. Kilala siyang aktibong lider magsasaka at namuno sa mga pagkilos para sa tunay na reporma sa lupa at laban sa Rice Tariffication Law. Bukod dito, ang mga human rights defenders sa isla ay nakararanas ngayon ng sarbeylans at direktang komprontasyon mula sa mga alagad ng batas.
Ang Bloody Sunday ay isang Synchoronized Enhanced Military and Police Operation (SEMPO) na gumamit ng 43 teams ng pinagkumbinang operatiba ng AFP at PNP. Nagkahugis ito sa ala-Tokhang na sabayang madugong pagsalakay sa mga sibilyan at progresibong aktibistang tinatakan na mga terorista at kaaway ng estado. Naganap ang pag-atake dalawang araw matapos ang isang pananalita ni Duterte na nag-aatas na patayin/tapusin ang mga komunista.
Binihisan ng AFP at PNP ng pagiging lehitimo at ligal ng operasyon sa pamamagitan ng pagmanupaktura ng court order kasabwat ang ilang kriminal na Huwes ng korte. Pinaghitsura itong kampanya laban sa kriminalidad – sa loose firearms, iligal na droga at terorismo upang alisin ang anggulo ng pampulitikang panunugis at pagsupil laban sa mga taong nagdadala ng kasalungat na pampulitikang paniniwala at tindig sa rehimen.
Naging biktima sa Bloody Sunday ang mga unyonista, human rights defenders, mangingisda, environmentalists at maralita sa kalunsuran na bahagi ng tinaguriang cause-oriented groups dahil sa dinadala nilang mga isyung panlipunan at masasabing dikit-sa-bitukang mga usapin. Kaya hindi sila mga kriminal na siyang nais palabasin ng AFP-PNP. Hindi rin sila mga NPA dahil umaayon sa Bill of Rights ng mismong konstitusyon ng reaksyunaryong Government of the Republic of the Philippines (GPH) ang paraan ng pagsusulong ng kanilang adbokasiya.
Nasasariwa sa atin ang serye ng pagpatay sa mga sibilyan sa Mindoro noong Oplan Habol Tamaraw na ipinatupad ng berdugong si Col. Jovito Palparan sa ilalim ng dating pangulong Gloria Macapagal Aroyo. Pinaunlad na nila ang pamamaraan ngayon sapagkat kakutsaba na nila ang mga huwes bilang taga-manupaktura ng kautusan ng korte para magmukhang ligal ang operasyon.
Sa aktwal, ekstra hudisyal na pamamaslang pa rin ang nagaganap dahil ang mandamyento ay pagrekisa o pag-aresto lamang pero pinalalabas na nanlaban ang target kaya nauuwi sa armadong engkwentro. Saka tataniman ng ebidensya ang target. Ito ay luma nang pormula na araw-araw nating natutunghayan mula nang umupo sa kapangyarihan ang mas berdugo pa kay Palparan na Rodrigo Duterte.
Nasa likod ng mga atakeng ito ang Executive Order 70 na nagtayo ng NTF-ELCAC at Anti –Terrorism Law ng pasistang Rodrigo Duterte kung kaya walang pakundangan ang impyunidad o kawalang pananagutan ng mga pwersang panseguridad ng estado sa kanilang krimen. Layunin nitong busalan ang bibig at supilin ang makatarungang pakikibaka ng sambayanan na naggigiit ng karapatang mabuhay nang may dignidad at iligtas sa kasumpa-sumpang kagutuman ang kanilang pamilya dulot ng mga pasista, anti-mamamayan at maka-oligarko at makadayuhang patakaran at programa ng rehimeng US-Duterte.
Kaya nananawagan kami sa inyo na huwag magpagamit sa hibang, berdugo, taksil sa bayan at anti-mahirap na rehimeng US-Duterte. Ang karapatan na ipinaglalaban ng mga makabayan na aktibista ay karapatan ninyo, karapatan nating lahat at ang tanging nasa isip ay ang kapakanan ng mga mahihirap na pamilya at sambayanan. Samantala, kilalanin natin ang kabayanihan ng sinumang taong nangangahas lumaban sa mga imbing pakana ng rehimeng ito.
Suportahan natin ang mga lehitimo, makatarungan at makabayang pagkilos ng ligal na demokratikong kilusan ng mga magsasaka, mangingisda, katutubo, kababaihan, kabataang estudyante, mga nasa transportasyon, propesyunal, taong simbahan, kawani sa pribado at pampublikong opisina, at mga maliliit na negosyante. Lahat ng nabanggit na grupo ay may mga lehitimo at makatarungang isyu sa kanilang hanay na dapat nilang aktibong harapin at ipaglaban. Kung ang lahat ng grupong ito ay mag-uusap at magbubuo ng pagkakaisa maiiwasan natin ang madudugong komprontasyon na siyang nais ihasik ng rehimeng Duterte upang itulak ang pasista at maka-dayuhang adyenda nito.
Kami, sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ay patuloy na kumikilos upang ipagtanggol ang mga batayang karapatan at kagalingan ng sambayanang Pilipino ayon sa pambansa-demokratikong programa. Itinutulak tayo ng rehimeng ito na pag-ibayuhin ang pagkilos at mas pataasin ang kahandaan sa pagtatanggol ng sambayanan. Dapat tayong magsikhay sa pagtatayo ng demokratikong gobyernong bayan na tunay na demokratiko at malaya sa kontrol ng dayuhan sa pamamagitan ng pagsusulong ng digmang bayan.
Naninindigan kami na ang mamamayan ay may batayang karapatang tao kahit sa panahon ng digmaan alinsunod sa internasyunal na makataong batas. Kapwa na kinikilala ito ng NDFP at GPH na pirmado sa isang makasaysayang papel kasunduan na Comprehensive Agreement for the Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Naninindigan kaming makatarungan ang humawak ng armas at maghimagsik laban sa tiraniko at mamamatay taong rehimeng US-Duterte. Dakilang tungkulin ito ng lahat ng mamamayang Pilipino para ipaglaban ang interes ng mamamayan at bansang Pilipinas. Tinatawagan namin ang lahat ng mamamayan na tugunan at gampanan ang tungkuling ito.
Sana po ay nakapagbigay linaw ang aming sulat. Sumainyo ang ibayong tatag, ibayong lakas para sa ating paglaban sa karapatan ng ating mga pamilya, mga mahal sa buhay at mahal nating bayan.
Kasama ninyo sa pakikibaka,
Ma. Patricia Andal
Tagapagsalita, NDF-Mindoro