Bukas na liham sa PNP, PDEA at iba pang ahensyang imbwelto sa pagpapatupad ng madugong gera kontra droga
Pagbati at pangangamusta ang ipinapaabot sa inyo ng Romulo Jallores Command (RJC-BHB Bikol). Alam naming muling nababalot sa ligalig at kontrobersya ang inyong mga institusyon matapos ang engkwentro sa pagitan ng PNP at PDEA sa kurso ng isang buy bust operation sa Quezon City. Isang kasapi ng PDEA at tatlong pulis ang namatay sa insidente. Mahigpit naming ipinapaabot ang aming pakikiramay sa inyo at sa kanilang mga pamilya.
Maling isabak kayo ng inyong mga upisyal at magbuwis kayo ng buhay para sa isang marahas at walang katuturang gera. Ginagamit lamang ng pasistang gubyernong ito ang usapin ng paglaganap na droga sa bansa upang ipain ang mga inaapi’t pinagsasamantalahan sa kapwa nila.
Maling madagdagan ng ni isa pang pangalan ang madugong listahan ng mga sibilyang napapaslang sa inyong mga operasyon. Tila walang katapusan ang mga balita ng inaaresto at pinapatay na maralita sa mga hungkag na buy bust operation. Sa loob lamang ng apat na taon, umabot na ng puu-puong libo na ang pinaslang sa ngalan ng gera kontra droga – mga maralita, maliliit na drug users maging mga sibilyan, mga bata, matanda at may kapansanan.
Maling ulit-ulitin ang kasinungalingang sila’y ‘nanlaban’ kapalit ng mga medalya’t promosyon. Kahit paano ninyo kumbinsihin ang inyong mga sarili, alam ninyong hindi matatapos ang usapin ng droga dahil nakaupo sa Malacañang ang punong tagapagtanggol ng mga drug lord sa bansa – ang drug overlord na si Duterte.
Marami na rin sa inyong hanay ang namulat, kumwestiyon at nagtakwil sa kontra-mahirap na gera ng rehimen. Tinalikuran nila ang kanilang karera at nanindigan laban sa rehimeng US-Duterte. Bagamat alam nilang mapanganib, ilinantad nila sa publiko ang korupsyon, kawalang-katarungan at pang-aabuso sa kapangyarihang umiiral sa likod ng madugong gera kontra droga. Isiniwalat nila sa publiko ang mga pulitikong nagtatanggol at nagtataguyod ng drug trade sa loob at labas ng bansa.
Noong 2019, ilinabas ni dating PSSpt. Eduardo Acierto ang dokumentasyon ng isang imbestigasyong nagbubunyag sa kaugnayan ni Duterte at Bong Go kay Michael Yang at Allan Lim, mga utak sa pagpuslit ng shabu at operasyon ng mga laboratoryo sa paggawa nito sa Mindanao at Luzon. Noong Abril 2017, nagbitiw sa pwesto si PO1 Vincent Tacorda ng PNP Catanduanes dahil hindi na niya maatim ang sistemang umiiral sa loob ng pulisya. Pinatotohanan niya ang pagtatanim ng ebidensya sa mga sibilyan, ang mga ekstrahudisyal na pamamaslang at ang korupsyon. Aniya, inuutusan sila ni dating Catanduanes Provincial Dir. Jesus Martires na hindi ideklara nang buo ang halaga ng drugs na nakukumpiska nila upang magamit ang pera bilang pondo sa mga susunod na operasyon.
Hindi pa huli para sa inyo. Hindi pa huli para itakwil ang gera kontra droga at ang pasismo at pumanig na sa masang inaapi’t pinagsasamantalahan. Hindi pa huli para tumigil, talikdan at tanggihang maging instrumento pa ng isang estadong walang ibang ginawa kung hindi pahirapan at maghasik ng teror laban sa mga maralita. Kung sakaling mahanap ninyo sa inyong konsensyang tunay na magmalasakit sa taumbayan, handa ang Pulang hukbo at ang buong sambayanang Pilipinong tanggapin kayo sa kanilang hanay.
Para sa katarungan,
Ka Raymundo Buenfuerza, Tagapagsalita
Romulo Jallores Command (RJC-BHB Bikol)