Buklurin ang sambayanan para patalsikin ang pasista, traydor at korap na rehimeng US-Duterte! Isulong ang pakikibaka para sa pambansa paglaya, hustisya at demokrasya!
Mensahe sa ng Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan sa ika-46 na anibersaryo ng NDF
Nakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa lahat ng kaalyado nito sa National Democratic Front (NDF) sa okasyon ng ika-46 taong anibersaryo nito. Kasama ang 17 alyadong organisasyon, nagsisilbi ang NDF bilang solidong bag-as para pagkaisahin ang sambayanang Pilipino sa kanilang makasaysayang pakikibaka para sa pambansa at panlipunang paglaya.
Binubuklod sa NDF ang malawak na masang anakpawis, pangunahin ang mga manggagawa at magsasaka, pati na ang masang malaproletaryado, mga walang hanapbuhay, at mga migranteng manggagawa, at iba’t ibang saray ng petiburgesya kasama ang mga intelektwal, propesyunal at mga mababa ang sweldo. Pinagkakaisa dito ang iba’t ibang demokratikong sektor kabilang ang kababaihan, mga taong-simbahan at mga kabataan. Hinihimok rin nito ang panggitna o pambansang burgesya na makipagkaisa sa komun na hangarin para sa kalayaan mula sa dayong dominasyon.
Sa pagbubuklod ng lahat ng patriyotiko at demokratikong uri at sektor, inihihiwalay ng NDF ang mapang-api at mapagsamantalang uri ng malalaking burgesyang komprador at panginoong maylupa na matagal nang naghahari sa reaksyunaryong estado sa Pilipinas. Nangangayupapa sila sa dayong interes at nagtatraydor sa pambansa at demokratikong interes ng sambayanang Pilipino.
Ang mga alyadong organisasyon nito ay binubuklod ng 12-Puntong Programa ng NDF na layong wakasan ang naghaharing malakolonyal at malapyudal na sistema at ilatag ang batayan para sa pagsulong ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon sa hinaharap. Kinakatawan ng programa ng NDF ang modernong pagbaklas sa lumang bulok na sistema na itinatag sa mahigit isang siglo ng kolonyalismo at neokolonyalismo ng US. Taliwas na taliwas ang programa ng NDF sa mabilis na sumasadsad na pandaigdigang sistemang kapitalista na ilang dekada nang saklot ng walang-awat na krisis.
Ang mga alyadong organisasyon ng NDF ay mahigpit na pinagkakaisa ng kanilang komun na pagkilala at tiwala sa pamumuno ng uring manggagawa bilang susing elemento sa rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Pilipino sa panahon ng imperyalismo. Ang uring manggagawa na kinakatawan ng Partido ay nagsisilbing abanteng destakamento at pinakamatibay na bag-as ng NDF, at nagbibigay dito ng siyentipikong pananaw sa mga usaping pangkasaysayan at pangkasalukuyan at sa mga tungkulin para isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Ang NDF ang pinakakonsolidadong organisasyong nagkakaisang prente sa Pilipinas.
Ang mga alyadong organisasyon ng NDF ay nagkakaisa sa pagsuporta sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka na isinusulong ng BHB. Ang kanilang kasapian ay matabang lupa para sa pagrerekrut ng mga Pulang mandirigma ng BHB. Nagbibigay sila sa BHB ng suportang pampulitika at materyal.
Sa pagsusulong ng armadong pakikibaka, naitatag ng mga rebolusyonaryong pwersa ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan na nagsisilbing batayang mga yunit ng umuusbong ng Demokratikong Gubyerno ng Bayan (DGB) sa Pilipinas. Sa pagsasama-sama ng mga saligang rebolusyonaryong organisasyong masa na nasa pundasyon ng rehimeng bayan, ang NDF ang kumakatawan sa DGB sa pamprubinsya, panrehiyon at pambansang antas.
Sa mahigit 30 taon, kinatawan ng NDF ang DGB sa pakikipagnegosasyong pangkapayapaan sa GRP na kalaban nito sa isang nagpapatuloy na gera sibil. Sa pamamagitan nito, nagawa ng NDF na lalong palaparin ang mga ugnay, ibayong palawigin ang kanyang programa at hikayatin ang mas marami na sumuporta sa isinusulong nitong makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.
Sa ibayong dagat, kinakatawan ng NDF ang sambayanang Pilipino sa pagtatatag ng mga relasyong bayan-sa-bayan, laluna sa iba pang mga pwersa at kilusang anti-imperyalista at mapagpalaya, gayundin, ng mga relasyong tipong-diplomatiko sa ibang mga gubyerno.
Sa kasalukuyan, kinakaharap ng NDF at sambayanang Pilipino ang bulok, traydor at pasistang rehimeng Duterte na ang iskemeng magtayo ng isang hayag na pasistang diktadura ay mabilis na lumilitaw.
Ang mga alyadong organisasyon ng NDF ay determinadong determinado na magsulong ng rebolusyonaryong paglaban sa harap ng masaklaw na todong-gera laban sa bayan na isinasagawa ni Duterte at mga death squad na militar at pulis. Sa nagdaang mga buwan, mabilis na dumami ang bilang ng mga pagpatay, okupasyong militar sa mga komunidad, pagdukot, iligal na pag-aresto, tortyur at iba pang anyo ng pag-abuso sa karapatang-tao. Pinakamalupit ang mga pag-atake sa masang magsasaka at manggagawa, subalit tumatarget din sa mga mamamahayag, mga abugado, titser, mga akademiko, estudyante, mga bata at iba pang sektor.
Ang pag-igting ng todong-gerang panunupil ni Duterte ay mahalagang sangkap ng iskema ni Duterte na iupo ang sarili bilang diktador. Layunin niyang palawigin sa poder ang sarili, ang kanyang pamilya at pangkating burukratang kapitalista. Hangarin niyang sarilinin ang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagtulak ng pederal na anyo ng gubyerno na magbibigay sa president ng sentralisadong awtoridad sa kanyang mga alyadong warlord at dinastiyang pampulitika sa mga prubinsya at rehiyon, o kung hindi man, sa pamamagitan ng tahasang pagpataw ng batas militar.
Pinag-iimbutan ni Duterte ang absolutong kapangyarihan upang patuloy niyang maibigay sa dayong malalaking kapitalista ang lubos na karapatan gamitin ang rekurso at patrimonya ng bansa kapalit ng malalaking kikbak sa mga pabigat na utang at kontrata ng gubyerno. Nais niyang kunin ang solong kapangyarihan upang kontrolin ang pondo ng estado at paluhurin ang lahat at pasambahin sa kanyang tiranikong rehimen.
Dahil sa kagustuhan niyang monopolisahin ang kapangyarihang pampulitika, lalong nahihiwalay sa pulitika si Duterte. Tumitindi ang tunggalian niya sa mga karibal na pangkating pampulitika. Ang malawak na masa ay napupukaw at tumatatag ang loob na manindigan laban sa rehimeng Duterte at sa iskema nito para sa isang pasistang diktadura.
Paborableng paborable ang mga kundisyon para palawakin at palakasin ang malapad na nagkakaisang prenteng anti-pasista at anti-traniya. Ang pagtatatag ng pinakamalapad na nagkakaisang prente ang susi sa paggapi sa rehimeng US-Duterte. Dapat nitong pukawin at pakilusin ang milyun-milyong mamamayan upang ipamalas ang kanilang kapasyahang pampulitika sa mga demonstrasyon at iba pang anyo ng mga aksyong masa.
Dapat magsilbing matibay na bag-as ng nagkakaisang prenteng anti-Duterte ang NDF at lipusin ito ng militansya at tapang na pangibabawan ang kampanyang panunupill ng tiranikong rehimen.
Habang lumalala ang krisis ng naghaharing sistema sa ilalim ng rehimeng US-Duterte, dapat ubos-kayang itaas ng NDF at ng mga pwersa ang kamulatang pampulitika ng malawak na masa at ipakita ang pangangailangan para isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon.
Dapat samantalahin nito ang kasalukuyang sitwasyon para higitan ang lahat ng nakaraang nagawa nito sa pag-oorganisa sa malawak na masa at pagtitipon ng wala pang kapantay na suporta para sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka.
Mabuhay ang National Democratic Front! Mabuhay ang sambayanang Pilipino! Ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte!