Bulok ang reaksyunaryong sistema, lumahok sa digmang bayan at kamtin ang tunay na pagbabago!
Read in: English
Sa pagnanais na pagtakpan ang kanilang karumal-dumal na krimen, ilinabas na ng pulis ang kanilang huling alas – palabasing NPA ang pinakabagong dagdag sa kanilang mga pinaslang na sina Jemar Palero at Marlon Naperi. Ang totoo, hindi kasapi at hindi kailanman naging kasapi ng anumang yunit ng BHB sa Kabikulan sina Jemar at Marlon.
Ilang ulit na nga bang narinig ng madla ang ganitong palusot? Sino na lang ba ang napapaniwalang ang lahat ng mga bata, senior citizen, may sakit at karamdamang kanilang pinaslang, ginahasa, tinortyur at inabuso ay pawang mga kasapi ng NPA? Lahat na lamang ng mangahas mag-isip nang obhetibo at pumuna sa gubyerno, NPA. Lahat nang may paninindigan, NPA. Lahat nang may integridad at kumakatig sa katwiran, NPA. Tiyak, maging sa kanilang hanay ay isinusuka na ang palabas na ito.
Ang hindi nauunawaan ng mga buhong na pulis at militar at ng kanilang mga amo, sa pagpapasikip nila ng espasyo para sa mga demokratikong karapatan at kalayaang sibil ng mamamayan lalo nilang namumulat ang sambayanan sa katotohanang wala talagang aasahang pagbabago at hindi kailanman magiging bukas sa boses ng nakararami ang isang sistemang nagsisilbi lamang sa naghaharing-uri. Sa pagyurak nila maging sa mga pinakabatayang karapatan ng mamamayan, lalong dumarami ang nagigising sa walang kasalbahang kabulukan ng gubyerno. Sa pagpatay nila sa mga artista ng bayan at aktibistang magsasakang gaya nina Jemar at Marlon na walang ibang sandata kundi ang kanilang mga salita, lalong nagiging malinaw na hindi kailanman mapayapang mareresolba ang ugat ng kahirapan sa bansa. Kung ang mismong mga otoridad at namumunong siya dapat tumitiyak sa kapakanan ng mamamayan ang siyang pangunahing tagapagtaguyod ng karahasan at kaguluhan, ano pa ang aasahan sa kaayusang ito? Tanging sa landas ng armadong pakikibaka may laban ang mamamayan. Tanging sa landas ng rebolusyon may puwang ang katarungan para sa lahat ng inaapi at pinagsasamantalahan.
Nananawagan ang Romulo Jallores Command-BHB Bikol sa publikong singilin at panagutin ang mga kriminal na AFP-PNP-CAFGU at ang rehimeng US-Duterte sa loob at labas ng korte. Dahil sadyang bingi at bulag ang batas ng reaksyunaryong sistema, tumangan ng armas at kamtin ang panlipunang katarungan at pagkakapantay-pantay sa landas ng demokratikong rebolusyong bayan. Wakasan na ang tiraniya ni Duterte at magpunyaging wala nang mga ulol-sa-kapangyarihang gaya niya ang makapaghasik ng lagim sa lipunang Pilipino at sa kinabukasan ng sambayanan. Ang masa ang mapagpasya. Nasa kamay ng mamamayan ang pag-asa at ang tunay na pagbabago. Isulong at ipagtagumpay ang makatwirang digma ng mamamayan!#