Bulok, kriminal na PNP sa ilalim ng berdugong si Sinas, pananagutin ng mamamayan
Sinusuportahan ng MGC-NPA ST ang mataas na kahilingan ng bayan na panagutin ang nabubulok, kriminal at pasistang aparatong Philippine National Police (PNP) at ang namumuong panawagang alisin sa pwesto ang hepe nitong si Debold Sinas. Marapat na pagbayarin ang mga pasistang tagapagtanggol ng estado upang bigyang-katarungan ang mga biktima at hawanin ang daan sa pagkakamit ng hustisyang panlipunan.
Pinatingkad ng mga pinakahuling kaganapan ang kawastuhan ng panawagan ng bayan. Nitong buwan, ni-reyd at iligal na inaresto ng mga pulis ang mga kabataan, guro at boluntir na tinaguriang Lumad 26 na nagsasangtwaryo sa University of San Carlos Cebu. Tigas-mukhang tinatawag na “rescue” ang reyd ng PNP Region 7 sa inimbentong dahilan na nagsasanay diumanong maging NPA ang mga kabataan. Walang naloko ang PNP dahil batid ng bayan na ang mga Lumad ay biktima ng kontra-rebolusyonaryong gera na nagpasara sa mga lehitimong eskwelahan ng mga Lumad sa Mindanao.
Ang ganitong klase ng maramihan at orkestradong pang-aaresto ay naging talamak sa pamumuno ng sagadsaring pasistang si Sinas. Sa kanya ang kasiraang-puri ng pamumuno sa pananalasa ng Oplan Sauron/SEMPO sa Negros bilang dating hepe ng PNP Region 8. Sa pag-upo bilang pinuno ng PNP, pinalawak niya sa buong bansa ang mga operasyong SEMPO at ala-Sauron na nagresulta sa karumal-dumal na pagpaslang at pag-aresto sa mga sibilyan na tinatakang kalaban ng estado. Ang Sauron/SEMPO ay isang marahas na tipo ng operasyon na hinulma ng NTF-ELCAC bilang bahagi ng maruming kontra-rebolusyonaryong gera.
Alinsunod sa Sauron/SEMPO, nagpakabihasa ang PNP sa pagpapatupad ng mga lihim, planado at sinkronisadong pang-aatake laban sa mga aktibista at sinumang tinatakan ng rehimen na may kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan at pinalalabas na napatay na mga NPA sa engkwentro. Gumagamit ito ng mga minanupakturang warrant of arrest at labis-labis na pwersa laban sa mga sibilyang komunidad. Modus nito ang iligal na pang-aaresto, reyd sa mga bahay at opisina, tanim-ebidensya hanggang walang pakundangang pagpatay sa mga target.
Hudyat ng madugong SEMPO ang masaker sa siyam na magsasaka sa Sagay, Negros Occidental noong Oktubre 2018. Noon namang Oktubre 2019, sabay-sabay na dinakip ang 62 magsasaka, unyonista at maging mga taong-midya at menor de edad. Naghasik ng teror ang mga operasyong ala-Sauron/SEMPO sa Masbate, Samar, Sorsogon at Iloilo—mga lugar na pinangangalandakan ng AFP-PNP na balwarte ng CPP-NPA. Isa sa kahindik-hindik na krimen bunsod nito ang pagpaslang sa siyam na minoryang Tumandok na sinabayan ng pag-aresto sa 17 katutubo nitong Disyembre 30, 2020 sa Iloilo.
Dinanas ng Batangas ang ala-Sauron/SEMPO na operasyon noong Mayo 10, 2020. Sinugod ng 1,000 tropa na kalakha’y pulis ang Barangay Coral ni Lopez sa Calaca. Bilang panindak, gumamit sila ng 59 sasakyan at umatake nang hatinggabi. Hinalughog at niransak ang kabahayan. Nagtanim ng ebidensya at hinuli ang anim na kasapi ng lokal na samahan at opisyal ng barangay na kalauna’y tinawag na Calaca 6.
Sa Rizal, naganap ang masaker sa limang sibilyan sa isang mango farm sa Baras, Rizal nitong Disyembre. Madaling araw na nilusob ang farm. Pinahirapan at tinoryur bago walang awang pinaslang ang mga biktima. Inilulusot nila ito bilang diumano’y “engkwentro” sa pagitan ng mga pulis at mga NPA.
Produkto ng kriminal at mersenaryong tradisyon ng PNP ang marumi at karumal-dumal na mga operasyon ng PNP laban sa mamamayan. Ang PNP ang pinakamalaking kriminal na organisasyon na pinamumugaran ng mga sindikato sa kalakalan sa droga, kidnap for ransom, prostitusyon, at iba pang antisosyal na aktibidad. Mismong si Duterte ang umamin na pulos mga heneral ng pulis ang nasa tuktok ng narcolist.
Labanan ng magkaribal na sindikato sa bentahan ng iligal na droga ang pinakahuling insidente ng sagupaan sa pagitan ng PDEA at Quezon City Police. Hindi ito misenkawnter na nais palabasin ng PDEA at PNP kundi onsehan sa bentahan ng droga sa pagitan ng magkakaribal na sindikatong namumugad sa PDEA at PNP. Lalong tumitibay ang hinala ng publiko sa pagkakabuhul-buhol ng paliwanag nina Gen. Debold Sinas ng PNP at Wilkins Villanueva ng PDEA sa ipinatawag nilang press conference.
Upang protektahan ang mga iligal na negosyo, kalakaran na sa PNP ang pagkitil ng buhay, pagbaluktot sa batas, pagtatakip sa mga salarin at pagtatanim ng ebidensya. Lalong hinasa ang ganitong kasanayan ng mga pulis sa madugo at bogus na gera kontra-droga kung saan pinatay ang aabot sa 30,000 tao nang walang pananagutan.
Matapos gamitin sa mga tulak at adik, ginagamit na rin ngayon ng mga hitman ng PNP ang estilong Tokhang na pamamaslang laban sa mga maralitang lider-masa at rebolusyonaryo. Sa ilalim ni Sinas pinaslang si NDFP Consultant Randall Echanis at mga retiradong lider ng CPP na sina Eugenia Magpantay at Agaton Topacio. Utang na dugo ng PNP sa mamamayan ng Katagalugan ang pagsalbeyds kay Mario “Ka Jethro” Caraig sa Laguna at extrajudicial killing kina Ermin “Ka Romano” Bellen at dalawa pang kasama sa parehong probinsya.
Hustisya ang daing ng mamamayan para sa patong-patong na mga kaso ng PNP. Pinagbabayad ng taumbayan ang hepeng si Sinas na mismong representasyon ng lahat ng kabulukan ng institusyon ng pulis. Sa kriminal, pasista at bulok na PNP, iisa ang sigaw ng bayan: singilin, singilin, pagbayarin!
Tumutugon ang rebolusyonaryong kilusan at NPA sa panawagang ito. Nakatudla ang mga yunit ng NPA na magpatupad ng mga taktikal na opensiba upang pagbayarin ang mga pasistang kaaway ng sambayanan, kabilang ang mga pulis na sumasama sa mababagsik na focused military operation sa kanayunan.
Ganap lamang na mabibigyang hustisya ang mga biktiima ng PNP at rehimeng Duterte sa pagwawagi ng demokratikong rebolusyong bayan. Pagsapit ng tagumpay ay wawasakin ang mga mapanupil na aparato ng estado kasama ang PNP at pananagutin ang mga tulad ni Sinas na may mabibigat na kasalanan sa mamamayan. Tatamasahin ng bayan ang tunay na kapayapaan at kaayusan na nagkabatay sa hustisyang panlipunan at nagtatanggol sa demokratikong karapatan.###