Bundok at bukid sa Quezon, binomba
Apat na araw nang binobomba at iniistraping ng pinagsanib na pwersa ng 59th IBPA at 85th IBPA ang mga kabundukan at bukid sa mga bayan ng Lopez, Gumaca, Pitogo at Macalelon.
Ayon sa nakuhang ulat, mula Nobyembre 12 ng gabi bago pa ang engkwentrong labanan ng NPA at 85th IBPA sa Barangay Gitnang Barrio, may mga putukan at pagsabog na bandang alas syete ng gabi sa bahagi rin ng bayan ng Gumaca.
Nasawi ang isang NPA sa naturang labanan.
Noong Nobyembre 15 ng gabi, naganap naman ang misencounter ng 59th IBPA sa Sityo Malaking Batolinaw, Barangay San Jose, Macalelon.
Isa pang labanan, madaling araw ng Nobyembre 16 ang nangyari sa Sityo Alat-Alatin ng Barangay San Francisco B, Lopez kung saan halos buong umaga na binomba at niratrat ang mga bundok sa lugar.
Nababahala ang mga residente sa iba’t ibang barangay dahil halos gabi-gabi ay may naririnig na putok at sabog sa kanilang lugar.
Samantala, kinukundena ni Ka Cleo del Mundo, tagapagsalita ng NPA sa lalawigan, ang atrosidad at pagsira ng AFP sa kabuhayan at paggambala sa matahimik na pamumuhay ng mga magbubukid.
“Imbis na pagkain at bakuna ang dalhin ng AFP sa kanayunan — bomba at pagkabahala ang kanilang sagot sa daing ng masang magbubukid. Sagad sa buto ang pagkahumaling ng mga sundalo sa gera, sa gabi’t araw nitong pambobomba sa kanayunan.”
Ayon kay del Mundo ay labag sa batas ng digma ang paggamit ng sobrang puwersa at lakas pamutok lalo na kung wala itong tiyak na target.
Sa inisyal na tala, sa pagpasok ng buwan ng Nobyembre, aabot na sa 40 baryo sa 4 bayan ng Quezon ang apektado ng tuloy-tuloy na operasyong militar, air surveillance, pambobomba at istraping sa mga kanayunan.
“Nananawagan kami sa lahat ng mamamayan na ilantad at labanan ang ‘di makatwirang paggamit ng AFP at ni Digong Duterte ng mapaminsalang armas na siyang gumagambala at wumawasak sa kabuhayan ng mga magbubukid sa lalawigan,” pagdidiin ni del Mundo. #