Bunton ng mga kasinungalingan at panlalansi ng 5th ID
Masyadong halatado ang pinatindi at sinkronisadong kampanya ng kasinungalingan at panlalansi ng iba’t ibang dibisyon ng Armed Forces of the Philippines sa nakaraang ilang buwan, na grumabe pa nitong Oktubre, na ang pinakapaborito nila ay ang mga diumanong sunud-sunod na pagsurender ng mga mandirigma, milisya at baseng masa ng New People’s Army. Hindi patatalo at nakikipagdaigan dito ang 5th Infantry Division Philippine Army.
Ilang araw pa lamang ang nakalipas, ibinalita ng 5ID PA ang diumanong “pagsurender ng anim na kasapi ng NPA” sa Ilagan City at Nueva Vizcaya na dala-dala ang isinalong nilang mga armas. Subalit kahit ang mga karaniwang mamamayang nakarinig at nakabasa sa naturang balita ay nakahalatang isa na naman itong sinalamangkang propaganda ng AFP. Ito’y dahil ipinakilala lamang ang mga diumanong “surenderi” sa kani-kanilang mga “alyas” daw at di sinabi ang mga tunay at buo nilang pangalan, at sa inilabas nilang litrato ay tinakpan ang kanilang mga mukha at may halos magkakaparehong malulusog na pangangatawan, halos magkakaparehong tangkad at halos magkakaparehong kasuotan (pawang mga naka-T shirt, short pants at sandalyas). Malamang na mga militar din o mga istambay lamang na pinulot sa kung saan-saan ang mga pinahilera at linitratuhang huwad na surenderi.
Gumagawa ng mga ganyang kabalbalan ang 5ID PA upang huwag madaig ng iba pang mga dibisyon ng Philippine Army na pawang magagaling ding magpalabas ng mga komedya ng “pagsurender.” Bagama’t alam nilang imposibleng mangyari, naghahabol ang AFP sa ibinigay na taning dito ng rehimeng Duterte na paggapi sa CPP-NPA sa pagtatapos ng termino nito, na mahigit kalahating taon na lamang. Bahagi ng paghahabol nila ang pinatinding mga palabas ng pagpapasuko, bilang gatasan at sikwatan nila ng malaking halagang ibinubulsa ng mga heneral mula sa malaking badyet ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP); para makakuha ng promosyon sa kanilang diumanong mga “achievement”; at para palabasing matagumpay ang kampanyang kontra-insurhensya ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), na nanghihingi na naman ng ilang bilyong badyet para rito sa taong 2022.
Halos kasabay ng naturang balita, iniharap din sa media ang isang nagpakilalang “Ka Kira”, na bumubula ang bibig sa pagluluwa ng kasinungalingan. Totoo na may ganyang tao na sumampa sa NPA sa Cagayan noong 2017, na madikit sa mga kalalakihang hukbo at isang taon pa lamang makaraang sumampa ay itinanan niya ang kanyang iskwad lider. Nanirahan sila pagkatapos sa iba’t ibang probinsya, at dahil walang mahanap na pagkakakitaan ay sumurender at tumanggap ng malaking pabuya sa militar kapalit ng pakikipagkusabahan sa kanila. Walang naging ganyang isyu at malaking kasinungalian ang pinalalabas nitong negatibong karanasan diumano niya sa isang yunit ng NPA noong naroroon pa siya.
Kaugnay nito, si Ivylyn Corpin na regular na sinuswelduhan ngayon ng 5ID at aktibong nagpo-post sa Facebook page ng 5ID PA ay mas walang pakundangan kung magbuga ng mga kasinungalingan. Tumakas siya sa isang yunit ng NPA makaraang imbestigahan siya sa di niya maipaliwanag na paggastos sa mahigit P200,000 badyet ng kinabibilangan niyang yunit. Isinama niya sa pag-alis ang kanyang karelasyon (Rico), na di-nagtagal ay sumurender at nagpagamit sa militar kapalit ng malaking pabuya, kabilang ang pagkakaroon ng bahay. Kumikita ang mag-asawang ito sa militar mula sa kanilang pagpaparatang sa mga karaniwang mamamayang bilang mga diumanong pwersa o baseng masa ng NPA, pagtuturo ng mga pinaglibingan ng mga nagmartir na mandirigma ng NPA, pagtuturo ng mga imbak na gamit militar ng NPA, pagsasalita sa mga pa-miting ng militar sa mga baryo at sa propaganda nila sa mass media at social media.
Ikinukumpara nina Corpin ang relatibong magaan na nilang buhay sa piling ng militar sa mahirap na buhay at puspusang pakikibakang naranasan nila sa NPA. Pero sasandakot lamang ang mga katulad nila na para lamang sa pansariling interes ang itinataguyod at nangabulok at nadapa sa lusak sa proseso ng maigting na pakikibaka. Ang kalakhang mayorya ng mga opisyal at mandirigma ng NPA ay may mataas na rebolusyonaryong kamulatan at disiplina, ipinagpapanguna ang kapakanan ng sambayanan at walang kapagurang isinusulong ang pakikibaka para sa tunay na pagbabagong panlipunan, gaanuman kahirap at kapanganib ang sinusuong sa landas ng rebolusyon, at buhay man ay ialay kung kinakailangan. Kaylanman ay hindi naunawaan ni Corpin, “Kira” at katulad nila ang kahulugan ng pagiging rebolusyonaryo, ang simulain ng rebolusyon at ang pinakamatayog na adhikaing paglingkuran ang sambayanan.
Isa pang madalas na nilulubid ng 5ID ang diumanong mga labanan sa pagitan ng mga tropa nila at mga gerilya ng NPA, na sa katotohanan ay misencounter sa pagitan ng mga yunit ng AFP sa ilalim ng dibisyon at kung saan ay nalagasan sila sa mga labanang ito, katulad ng pinalabas nila sa Cabagan at Ilagan City sa Isabela, at sa diumanong pangalawang labanan, noong Setyembre 28, sa Sta. Teresita, Cagayan na kung saan ay makapal ang mukha nilang ibinabando na nakasamsam pa diumano sila ng tatlong high-powered rifles mula sa NPA!
Nais palabasin ng kanilang mga psy-war operations at kampanya ng panlalansi na patuloy na humihina at patungo na sa pagkalansag ang mga yunit ng NPA at pumapanig na sa reaksyunaryong gubyerno at sistemang mapagsamantala at mapang-api ang mga mamamayan sa Cagayan Valley. Ngunit kabaliktaran ito sa mga tunay na nangyayari sa malawak na kanayunan ng rehiyon. Sa kabila ng ilang pangyayaring nagkakaroon ng kaswalti sa mga labanan sa panig ng mga Pulang mandirigma, patuloy ang pagdagsa ng mga kabataan mula sa mga baryo at bayan hanggang sa mga lungsod na sumasapi sa NPA. Di sinasadyang inaamin ito ng 5ID PA kapag inuulat nito sa mass media ang pagkasawi o pagkadakip ng ibang mga gerilya na humigit-kumulang isang taon pa lamang sa NPA.
Di rin maikukubli ng 5ID PA ang malaking kabiguan ng focused military operations nito kapag inilalahad sa media na nanduon uli at nagbababad ang mga tinagurian nitong Community Support Program (CSP) sa mga baryo na dati na at di-mabilang na ulit nang nagpapabalik-balik, nanghahalihaw, nananagasa sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan, at nagsasagawa ng mga mapanlinlang na maliliit na proyekto sa baryo sa nakaraang ilang dekada na pero hanggang ngayon ay di pa nito masabi-sabing pumanig na ang mga taumbaryo sa reaksyunaryong gubyerno. Ang ipinang-aaliw lamang ng 5ID sa sarili nito ay kapag naibalitang “nagdeklara” ng ganito at ganyang baryo at bayan ng pagiging “persona non grata” ng NPA, na sa aktwal ay ipinilit itong gawin ng mga militar sa mga konseho de barangay at mga militar mismo ang gumawa at nagtayo ng mga placard, nagsulat ng pahayag sa media at lumitrato sa mga tagabaryong pumapanig na diumano sa militar.
Sa kabuuan, lalo pang tumaba ang lupa para sa pagsulong ng rebolusyon para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Ang dati nang nagnanaknak na sistemang panlipunang mapagsamantala at mapang-api ay higit lalong nasadlak sa walang kaparis na lalim sa panahon ng pandemyang COVID-19. Ang napakarami at dati nang mga kinasusuklaman at isinusukang mga manipestasyon ng nabubulok na sistemang pinaghaharian ng sasandakot na malalaking panginoong maylupa, burgesyang kumprador at burukrata-kapitalistang tagasilbi sa interes ng mga dayuhang kapitalista ay sige pang nabulgar at lumala sa gitna ng patuloy na pagsasamantala at pang-aapi sa mga magsasaka at manggagawang bukid, manggagawa at mala-manggagawa, pambansang minorya, petiburgesya at lokal na kapitalista ng mga mangangamkam ng lupa, usurero-komersyante, burukrata-kapitalistang kurakot at mangungulimbat at mga imperyalistang Tsino, Australiano, Amerikano at iba pang dayuhan sa pagmimina, logging at namumuhunan.
Sa panahon ng pandemya at maging sa panahon ng matitinding kalamidad, nasaksihan ng masa ng sambayanan ang malubhang kapabayaan ng gubyerno sa kanilang kapakanan, kalusugan at kaligtasan na sinabayan ng walang kasing-garapal na pagbulsa sa bilyon-bilyong badyet na disin sana’y nailaan para sa pagsugpo sa COVID-19, kalusugan, kaligtasan at kapakanan ng milyun-milyong mamamayan. Ang sistema ng “blended learning” ay lalo pang nagtulak sa pagkamulat ng mas maraming kabataan upang makibaka at lumahok sa mas masaklaw na kilusang bayan. Sa paglawak ng naaabot ng mga yunit ng NPA na mga baryo at bayan bunga ng kanilang mga pagpupursigeng maabot at mapaglingkuran ang mas malawak na hanay ng masa, nasaksihan ang pagdami ng mga kabataan at iba pang api na lumalahok sa hukbong bayan at pumapailalim sa mga organo ng Pulang kapangyarihang pampulitika.
Ito ang katotohanang nais ikubli ng mga bunton ng kasinungalingan at panlalansi ng 5ID PA.