Buong lakas at buong tapang na lumaban! Patalsikin ang korap, taksil, tiraniko, kriminal at pahirap sa bayan na si Rodrigo Roa Duterte!
Sapul nang maluklok sa kapangyarihan si Duterte, mahigit limang taon na ang lumipas, walang kaparis ang kanyang mga nagawang katiwalian, kataksilan, kapabayaan at kalupitan sa mamamayang Pilipino. Nagbunsod ito ng walang kasukat na kahirapan, pagdurusa at pang-aapi sa taumbayan sa ilalim ng pasistang paghahari ng rehimeng US-Duterte. Sa panahon ng panunungkulan ni Duterte, tumingkad ang kultura ng pasistang lagim at impyunidad sa hanay ng mga armadong ahente ng estado dahil na rin sa suportang tinatamasa ng mga ito mula sa pasistang si Duterte. Naging laganap ang kagutuman, kawalan ng hustisya, kapayapaan at lansakang paglabag sa karapatang pantao ng mamamayang Pilipino.
Walang maasahan ang taumbayan na mababago pa ang kanilang abang kalagayan ngayong wala nang isang taon ang nalalabi sa termino ni Duterte. Pawang mga kasinungalingan at kabaligtaran sa tunay na estado ng bayan ang mga pahayag ni Duterte sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA). Sinalubong ito ng mga kilos protesta sa iba’t ibang dako ng bansa para ipahayag ang tunay na kalagayan ng bansa at ang pagnanais ng bayan na wakasan ang paghahari ni Duterte.
Ating isa-isahin ang ilan sa mga nagawang kasalanan at krimen ni Duterte sa bayan:
a. Mahigit sa 30,000 ang pinaslang na mga pinaghihinalaang adik at tulak sa madugo ngunit huwad na gera ni Duterte laban sa iligal na droga. Dahil dito, sinampahan ng kaso si Duterte at iba pang mga kasapakat sa International Criminal Court (ICC) ng mga krimen laban sa sangkatauhan. Inaantay na lamang ang pasya ng Pre Trial Chamber (PTC) ng ICC kung isasailalim si Duterte sa full-blown investigation matapos hilingin ito ng dating Prosecutor ng ICC na si Fatou Bensouda na bigyan sila ng otoridad ng PTC para ipatupad ang kasunod na yugto na full investigation dahil naniniwala sila, bilang resulta ng ginawa nilang paunang pagsusuri (preliminary examination), na may rasonableng batayan para paniwalaan na nakagawa ang gubyernong Duterte ng krimen laban sa sangkatauhan sa gera nito laban sa iligal na droga na ipinatutupad sa bansa. Bukod kay Duterte, kabilang sa pinangalanan sa ulat ni Bensouda sina dating General at ngayon Senador Ronald “Bato” dela Rosa, ang arkitekto ng Oplan Tokhang at Double Barrel, at dating DOJ Secretary Vitaliano Aguirre II.
b. Ayon sa datos ng Karapatan, mula Hulyo 2016 hanggang Disyembre 2020, nakapag dokumento sila ng 367 kaso ng pampulitikang pamamaslang o extra judicial political killings (ejk’s) laban sa mga lider at aktibista sa hanay ng mga progresibong grupo at organisasyon. May naitala din silang 488 na kaso na pagtatangkang pagpatay.
Ayon din sa Karapatan, halos nasa 400 sa mahigit sa 700 na mga bilanggong pulitikal sa bansa ang iligal na dinakip at kinasuhan ng mga gawa-gawang kaso sa panahon ng rehimeng Duterte. Nakapagtala din sila ng 63,774 iba’t ibang kaso ng mga paglabag sa karapatang pantao mula Enero 2020 hanggang Disyembre 3, 2020 pa lamang.
Kahit sa panahon ng pandemyang COVID-19, naglunsad ang AFP at PNP ng mga operasyong militar na sumaklaw sa 1,075 barangay ng 389 bayan o siyudad sa 64 probinsya. Ipinatupad ng AFP at PNP ang walang kaparis na karahasan at terorismo ng estado sa mga mamamayang Pilipino sa anyo ng mga pagpaslang, pagpapahirap, sapilitang pagpapalikas, pananakot, at walang habas na pambobomba, panganganyon at aerial straffing lalo na sa mga komunidad at pamayanan ng mga magsasaka at pambansang minorya.
Sa unang hati ng 2021, naitala sa rehiyong Timog Katagalugan ang 13 kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang, 48 kaso ng iligal na pang-aaresto, 3 kaso ng pagdukot, 2 kaso ng pambobomba sa mga komunidad at 4 na kaso ng panliligalig (harassment) at sapilitang pagpapalayas sa mga komunidad.
Noong Marso 7, naganap sa rehiyon ang tinagurian Bloody Sunday na kumitil sa buhay ng siyam na aktibista at anim ang iligal na inaresto’t ikinulong sa pamamagitan ng gawa-gawang kaso at pagtatanim ng ebidensya.
k. Sukdulan ang kataksilan ni Duterte sa bayan nang arbitraryo nitong isinaisantabi at balewalain ang natamong tagumpay ng bansa sa Permanent Court of Arbitration (PCA) ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) laban sa lantarang agresyon, okupasyon at pang-aagaw ng bansang China sa mga teritoryo at karagatang saklaw ng Pilipinas sa Exclusive Economic Zone (EEZ) nito sa West Philippine Sea (WPS).
Sa halip na ipagtanggol at igiit ang pambansang soberenya, integridad ng teritoryo ng bansa at ang kapakanan at kabuhayan ng libong mangingisdang Pilipino, buong karuwagan at kataksilang nanikluhod, pinanigan at ipinagtanggol ng gubyernong Duterte ang pusisyon ng China sa WPS kapalit ng pangakong ayuda, pautang at pamumuhunan.
Sa kabilang banda, patuloy na pinagtitibay ni Duterte ang Mutual Defense Treaty (MDT) ng bansa sa US na siyang salalayan ng Visiting Forces Agreement (VFA) at iba pang di pantay na mga mga kasunduang militar sa US. Nitong Hunyo 22, 2021, nakakatanggap si Duterte ng P183 milyong halaga ng armas bilang ayudang militar ng US sa AFP. Sa sulsol at kumpas ng imperyalistang US, ipinatutupad ni Duterte ang mga anti-mamamayang gera at batas gaya ng JCP-Kapanatagan at Anti-Terror Law (ATL) upang makakuha ng dagdag na kagamitang militar sa US. Nagpapakatuta si Duterte sa dalawang among imperyalista kapalit ng bakuna, pondo, pautang at suporta sa kanyang diktadurang paghahari.
d. Nalugi ng P75-90 bilyon ang mga magsasaka sa palayan sa pagbagsak ng farm gate price ng palay nang ipatupad ang Rice Tarrification Law. Ganundin, lubusan nang ipinagkait ni Duterte sa milyong magsasaka at manggagawang bukid sa nyugan ang Coco Levy Fund. Ang Coco Levy Fund ay resulta ng buhay at kamatayang pakikibaka ng mga magniniyog sa Pilipinas para bawiin ang pondo na kinulimbat at pinakinabangan ng mga kroni ni Marcos tulad ni Danding Cojuanco, Juan Ponce Enrile, Maria Lobregat at iba pa.
e. Minasaker ni Duterte ang milyun-milyong trabaho. Umabot sa 9.6 milyon manggagawang Pilipino ang nawalan at nabawasan ng trabaho sa kasagsagan ng pandemya. Umabot pa ito sa 10.5 milyon pagsapit ng Enero 2021. Ayon sa ulat ng Philippine Statistical Authority (PSA) nasa 8.7 % o katumbas na 4.2 milyong Pilipino ang walang hanapbuhay noong Abril 2021. Labas pa rito ang mahigit sa 10 milyong Pilipino na kulang o part time lamang ang trabaho pagsapit ng Hunyo 2021.
g. Inilubog ni Duterte sa utang ang bansa. Umaabot na sa P 11.1 trilyon ang pambansang utang ng Pilipinas sa katapusan ng Hunyo 2021 mula sa dating P 5.9 trilyon noong Hunyo 2016. Samakatuwid, umutang ang gubyernong Duterte nang mahigit sa P5 trilyon sa loob ng 5 taon. Malayong malaki ang inutang ni Duterte kumpara sa akumuladong mga inutang ng bansa mula sa panahon ni Marcos hanggang kay Noynoy Aquino. Lumilitaw na ang bawat Pilipino ay may katumbas na utang na P100,636 sa pagtatapos ng buwan ng Hunyo 2021.
h. Kriminal na pagbabaya ni Duterte sa kinakaharap ng krisis sa kalusugan at lipunan ng mamamayan sa gitna ng pandemyang COVID-19. Palpak, pabaya at inutil ang rehimen sa pagharap sa pandemyang COVID-19 na nagresulta sa pagkakasakit ng 1,555,396 Pilipino at kumitil sa 27, 247 mga Pilipino (datos ng DOH, Hunyo 25, 2021). Sa halip na harapin ang pandemya sa paraang medikal at syensya, ipinatupad ni Duterte ang militaristang lockdown. Ipinaubaya niya sa mga retiradong Heneral ang pamamahala sa pagharap at paglaban sa COVID-19. Imbis na masawata ang pagdami ng mga nagkakaroon ng Covid-19 sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mass testing, malawakan at agresibong contact tracing at epektibong isolation and medication, dumami lamang ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao dahil sa mga artbitraryong pag-aresto ng mga pulis at militar sa mga inaakusahang lumabag sa health protocol. Labis ding iniasa ni Duterte sa pagdating ng bakuna ang paglaban sa Covid-19. Sa kasalukuyan, nasa mahigit pa lang sa 6 na milyon ang nababakunahan sa Pilipinas. Malayong malayo pa ito sa 70 milyong target na dapat mabakunahan sa pagtatapos ng taon.
Hindi rin nakapagbigay ang rehimen ng sapat na ayuda sa mamamayang apektado ng pandemya. Hindi pa rin natatanggap ng mga manggagawang pangkalusugan sa gubyerno ang kanilang alawans, hazards pay at iba pang benepisyo.
i. Laganap ang korapsyon at katiwalian sa gubyernong Duterte. Sa pondong pantugon sa COVID-19 na Bayanihan 1 at 2 pa lamang, tinatayang P168.7 bilyon ang hindi nagastos at malamang na nakurakot sa P665.7 bilyong pinagsamang pondo ng programa. Naging palabigasan ang pandemya para sa mga kurakot ng mga opisyal sa mga ahensya ng PhilHealth, Department of Health, Department of Public Works and Highways, Department of Social Welfare and Development, Department of Education, Department of Labor and Employment, Department of Agriculture at Department of the Interior and Local Government.
Maanomalya rin ang mga pondong inilaan sa NTF-ELCAC kagaya ng Barangay Development Program kung saan kagyat na kinuha ng AFP ang P19 bilyong pondo matapos ipanawagan ng mamamayang Pilipino ang pagtatanggal sa pondo ng NTF-ELCAC. Hindi nakinabang ang mga komunidad na nasa listahan nito, bagkus lalo lang naisailalim sa militarisasyon. Nalantad na ito ay gagamitin ng pangkating Duterte para sa manipulasyon ng boto at pandaraya sa eleksyong 2022.
Dapat hadlangan ng sambayanang Pilipino ang balak ni Duterte na manatili sa kapangyarihan lagpas sa kanyang termino sa pamamagitan ng pagpataw ng Batas Militar o pagtakbo bilang bise presidente katambal alinman sa anak na si Sara Duterte Carpio, dakilang alalay na si Cristopher Bong Go o Ferdinand “Bongbong” Marcos. Kung hindi man siya tumakbo bilang bise presidente, tiyak gagawin ni Duterte ang lahat ng paraan para dayain ang eleksyon. Tiyak na gagamitin Duterte ang kaban ng bayan para sa panunuhol sa COMELEC, AFP at PNP at mga lokal na opisyal ng gubyerno upang manalo ang kanyang patatakbuhing kandidato sa pagkapangulo sa Mayo 2022. Kailangan niyang tiyakin na ang papalit sa kanyang Pangulo ng GRP ay matapat niyang tauhan at magbibigay sa kanya ng proteksyon mula sa pag-uusig ng ICC at paniningil ng taumbayan dahil sa kanyang mga nagawang krimen laban sa sangkautauhan at bayan. Buong akala din ni Duterte na kapag naging bise presidente siya ay muli niyang matatamasa ang immunity from suit sa loob ng anim na taon.
l. Tahasang pag-abandona sa Usapang Pangkapayapaan sa NDFP. Lubusan nang isinara ni Duterte ang anumang puwang para sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa NDFP. Ideneklara ng Anti-Terrorism Council bilang “teroristang” organisasyon ang NDFP at ipinapawalang bisa ang lahat ng mga kasunduang napirmahan ng dalawang panig sa mga nakaraang usapang pangkapayapaan.
Ngayon higit kailanman dapat buong lakas at buong tapang tayong lumaban upang wakasan ang paghahari ng pasistang rehimeng US-Duterte. Hindi na dapat patagalin pa sa kapangyarihan si Duterte. Sa bawat araw na kanyang pananatili sa kapangyarihan dagdag na pagdurusa at kapighatian lamang ang ihahatid nito sa mamamayang Pilipino.
Lubos na maaasahan ng sambayanan ang rebolusyonaryong kilusan sa paglaban at pagbigo sa imbing pakana ni Duterte na makapanatili sa kapangyarihan lagpas sa kanyang termino. Gagawin din ng rebolusyonaryong kilusan ang kanyang bahagi para wakasan ang paghahari ng korap, inutil, pabaya, taksil at kriminal na mamamatay taong si Duterte. ###