Buong sigla at tapang na ipagdiwang ang unang taong pagkakatatag at patuloy na pagsulong ng KASAMA-CPDF!
Pahayag ng Katipunan ng Samahan ng mga Manggagawa – Cordillera People’s Democratic Front (KASAMA-CPDF), Wilfredo “Ka Hoben” Aluba Balangay sa unang anibersaryong pagkakatag nito.
Ngayong buwan ay ipinagdiriwang ang unang taong pagkakatag ng KASAMA-CPDF Wilfredo “Ka Hoben” Aluba Balangay. Ito ay mapagpasyang naitatag noong nakaraang taon sa kabila ng tumitindi at tuloy-tuloy na pasistang atake sa mamamayan at pambansang minorya. Ito ay dinaluhan ng mga kasapi mula sa mga kabataan, kababaihan, at mga nirerespetong nakakatatanda ng iba’t ibang komunidad, mga drayber at operaytor, at mga maliliit na manininda.
Sa nagdaang mga taon matatag na kinukumpronta ng masang anakpawis sa mga sentrong bayan at mga syudad ang tumitinding pang-aapi at pagsasamantala ng malakolonyal at malapyudal na lipunan dulot ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo.
Bago pa man ang pandemya ay nararanasan na ng mga manggagawa at mala-manggagawa ang tumitinding kapabayaan at kahirapan mula sa gubyernong nagsisilbi sa kanyang imperyalistang amo at mga ahente nitong malalaking kumprador at panginoong maylupa.
Ipinatupad ang pagbabawal sa pag-aalaga ng baboy sa mga bakuran ng mga komunidad upang bigyan daan ang pamumuhunan ng mga pribadong kumpanya’t kapitalista. Ang nasabing polisiya ay nagdulot ng signipikanteng pagbawas sa kakarampot na pangkabuhayan ng mga maralitang taglungsod.
Ipinagpatuloy ang mga hakbang sa pagpapatupad ng pagphase-out sa mga pampublikong sasakyan gaya ng jeepney, van, tricycle, at maliliit na bus upang bigyan daan ang peke at maka-imperyalistang modernasisyon. Ang nasabing polisiya rin ay tinatayang may higit 6,000 mga drayber, operaytor at kanilang pamilya ang mawawalan ng kabuhayan.
Patuloy ring lumaki ang bilang ng mga manggagawang kontraktwal sa mga minahan, pagawaan, at mga establisyemento. Ang paglaganap ng kontraktwalisasyon ay nagdudulot ng tuwirang paglabag sa mga batayang karapatan ng mga manggagawa gaya ng karapatan sa pag-uunyon, makatamasa ng makatwiran at nakakbuhay na sahod, regular at ligtas na trabaho at iba pa. Ang iskemang kontraktwalisasyon ay nagmumula sa kagustuhan ng mga kapitalista na magkamal na super ganansya.
Sa pagharap sa pandemya, pinalala pa ng militaristang tugon ni Duterte at ng mga pinunong ng lokal na ehekutibo sa rehiyon ang kalagayan ng mga mala-manggawa.
Tinatayang nasa mahigit 1,000 manininda at kanilang mga pamiya ang pansamantalang nawalan ng pangkabuhayan at naka-ambang maging permanente ng ipagbawal ang pagtitinda. Hindi rin sapat at nakakabuhay ang ayudang kanilang natanggap.
Sa halip na tulungan ang mga drayber at operyator na nawalan ng pangkabuhayan dulot pandemya, nagpatuloy ang mga hakbang sa pagpapatupad ng peke at maka-imperyalistang modernisasyon sa mga pampublikong sasakyan.
Maraming mga manggawa ang nawalan ng trabaho dulot ng pansamantalang pagsasara ng mga establisyemento na naka-ambang maging permanente.
Nagpatuloy rin ang pagpapatupad ng mga anti-mamamayan at maka-imperyalistang proyekto gaya ng planong rehabiltasyon ng pampublikong pamilihan at ang puwersahang pagpapatupad ng cashless na pagbabayad gamit ang card na kinakraghan ng salapi. Ang mga nasabing proyekto ay pangunahing magsisilbi sa mga kapaitalista at dayuhang korporasyon.
Kasabay ng nagpapatuloy na atake sa kabuhayan, tumitindi rin ang mga paglabag sa karapatang pantao ng mamamayan sa pamamagitan ng Executive Order 70 at Anti-Terrorism Law. Ang tuloy-tuloy na pgalabag sa karapatang pantao at pandarahas ay naglalayong supilin at patahimikin ang mga lumalakas na diskuntento ng mamamayan.
Sa halip na pangibabawan ng takot at mawalan ng pag-asa lalo lamang naitutulak ang masang anakpawis na tahakin ang demokratikong rebolusyong bayan. Sa nagdaang taon, ang rebolusyonaryong kilusan ng mga mala-manggagawa ay patuloy na sumulong sa kabila ng matindi at mahirap na kalagayan dulot ng pasismo at pandemya. Tunay na walang maasahan ni kaunting ginhawa ang mga mala-manggagawa sa kasalukuyang sistemang panlipunan. Ang matagal na pagtiis sa matinding kahirapan ay napapalitan ng kapasyahang lumaban. Dagdag pa, higit na nagiging malinaw sa masang anakpawis na tanging ang armadong rebolusyong ininululunsad sa kanayunan ang solusyon sa kanilang kahirapan. Ang pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyon lamang ang papapawi sa pagsasamantala at pang-aaping kanilang nararanasan. Sa pamamagitan lamang ng pagtatayo ng sosyalistang lipunan matatamasa ng mamamayan, partikular ng masang anakpawis, ang tunay na demokrasya at karapatan.
Lumahok sa Demokratikong Rebolusyong Bayan!
Masang Anakpawis, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
Ipagtagumpay ang Digmang Bayan!
Itatag ang sosyalistang lipunan!