Buwagin ang inutil at palpak na IATF-EID! Itayo ang Task Force na pinangungunahan at binubuo ng mga dalubhasa sa syensya at medisina sa bansa!
Kaisa at sinusuportahan ng NDFP-ST ang malakas na panawagan ng taumbayan na dapat nang buwagin ang Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at palitan ito ng bagong Task Force na pinamumunuan at binubuo ng mga medical practitioners na dalubhasa sa larangan ng syensya, medisina at mga nakahahawang sakit.
Dati nang pusisyon ng rebolusyonaryong kilusan sa pagsisimula pa lamang ng pandemya na ang kailangan ay isang solusyong medikal na nakabatay sa syensya at hindi militaristang lockdown—at kailangang mga dalubhasa sa medisina at syensya ang ilagay sa kontra-Covid-19 Task Force. Nanawagan din ang rebolusyonaryong kilusan ng libreng mass testing, panglahatang ayuda sa mga nawalan ng trabaho at kabuhayan dahil sa lockdown at pagsasara ng ekonomya, at ng pagpapalakas ng mga imprastruktura at pagmomobilisa ng buong sistema ng pampublikong kalusugan at syentipikong pagharap sa pandemya upang sawatain at kontrolin ang pagkalat nito. Nanindigan ito na kailangang mobilisahin ang lahat ng rekurso para sa pagbili ng bakuna para sa maramihan at ligtas na pagbabakuna sa populasyon para makamit ang herd immunity bago pa man ang pagbubukas ng malaking bahagi ng ekonomiya.
Subalit dahil haling ang rehimeng Duterte na gamitin ang pandemya at krisis sa pampublikonng kalusugan para kontrolin ang populasyon, supilin ang mga kritiko at kitlin ang oposisyon sa kanyang anti-mamamayang patakaran, ipinuwesto ni Duterte sa anti-Covid-19 Task Force ang mga retiradong heneral, mga teknokrata at miyembro ng gabinete na nagdudunong-dunungan na may alam sa syensya.
Napatunayan ang kainutilan at kawalang kakayahan ng kasalukuyang bumubuo ng IATF-EID, na dominado ng mga utak pulburang retiradong heneral, mga pulitiko at economic managers na masugid na tagapagpatupad ng mga patakarang neoliberal ng imperyalismong US sa bansa, para pamunuan at pangunahan ang paglaban sa nakamamatay na pandemya. Sa loob ng isang taong pag-iral ng IATF-EID, sa pamumuno ni Duterte, lalo lamang nilang isinadlak ang bansa sa labis na kagutuman at kahirapan. Isang napakalaking trahedya at sakuna ang tumama sa bansa sa dami ng mga nagkakasakit at namamatay sa Covid-19. Bunga ito ng kawalan ng gubyerno ng isang komprehensibo, sistematiko at puspusang planong anti-Covid-19 na pangunahing nakabatay at umaalinsunod sa syensya at medisina. Patuloy nitong isinantabi at binalewala ang matagal nang kahilingan ng mga grupo ng mga medical professionals at dalubhasa na dapat magpatupad ang gubyerno ng malawakan o libreng mass testing, agresibo at epektibong contact tracing and isolation, maramihang pagtatayo ng isolation facilities, maramihang hiring ng mga medical frontliners na nakatatanggap ng makatwirang sahod at regular na suplay ng mga protective gears at iba pa nilang mga pangangailangan. Higit na kailangan ngayon ang serbisyo ng mga syentipiko at eksperto sa mga variant at mutation ng mga bayrus tulad ng sa NCov-2 dahil sa mga nagsulputang variant ng Covid-19 sa bansa.
Ngunit sa halip na sundin ang mga payo at panukala ng mga grupong medikal at dalubhasa sa bansa, patuloy na pinatupad ni Duterte at IATF ang kontra-mahirap at malupit na militaristang lockdown na siyang pinakamahaba at pinakamahigpit na tipo ng lockdown sa daigdig. Patuloy nitong itinuring ang paglaban sa pandemya bilang usapin ng “peace and order” sa halip na problemang medikal at krisis sa pampublikong kalusugan. Gumamit pa ang IATF ng iba’t ibang termino ng lockdown (GCQ, MGCQ, ECQ, MECQ at GCQ+Bubble) para makapanlinlang at palabasing may ginagawa ang gubyernong Duterte sa pagsugpo sa Covid-19. Walang kahihiyan namang ipinagyabang ng payasong si Secretary Roque na “excellent” ang grado ng gubyernong Duterte pagdating sa paglaban sa Covid-19.
Makalipas ang isang taon, bumalik sa simula ang gubyernong Duterte sa pagsansala sa Covid-19. Sa isang iglap, binura ang mga nauna nang pagsisikap at pagsasakripisyo ng mamamayan. Walang kaduda-dudang nabigo ang gubyernong Duterte na mapigilan ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit at namamatay sa pandemya. Nabigo itong mapababa man lamang (flatten na curve) sa antas na kakayaning pangasiwaan ang mga nagkakasakit sa Covid-19 sa bansa. Bagkus, nitong buwan ng Marso, biglang sumirit ang arawang pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit sa Covid-19 lalo na sa kalakhang Metro-Manila. Naitala noong Marso 4-10 ang 25,009 na mga bagong impeksyon. Noong Marso 22, 2021 pumalo naman sa 8,019 ang tinamaan ng sakit sa isang araw. Ito na ang pinakamataas na rekord ng arawang nagkakasakit ng Covid-19 sa nakalipas na isang taon.
Samantala, ngayong araw, nadagdagan muli ng 6,666 ang nagka Covid-19 habang 1,072 ang gumaling at 47 ang karagdagang namatay. Dahil dito umabot na sa 684,311 ang kabuuang tinamaan ng sakit, 579,518 ang gumaling at 13,039 ang mga namatay. May bilang na 91,764 ang aktibong kaso ng Covid-19 sa bansa—ang pinakamataas sa nakalipas na isang taon.
Batay sa prodyeksyon ng Octa Research, kung hindi maaagapan ng gubyernong Duterte ang mabilis na pagsipa ng mga nagkakasakit sa Covid-19 na mga Pilipino, maaaring umabot sa 10,000 hanggang 12,000 ang arawang magkakasakit sa Covid-19 pagsapit ng Abril, 2021.
Ang Pilipinas ngayon ang nangunguna sa pagdami ng impeksyon ng Covid-19 sa buong rehiyong Asya-Pasipiko. Ang bansa din ang may pinakamasahol na perpormans sa larangan ng ekonomya sa buong ASEAN.
Maiuugnay ang mabilis na pagsirit ng impeksyon ng COVID-19 sa kating-kating mga economic managers ni Duterte na buksan at maibalik sa normal na takbo ang ekonomya sa bansa sa layuning makabawi ang mga kapitalista’t kroni ni Duterte sa nawawala nilang kita, kurakot at tubò mula nang manalasa sa bansa ang pandemya. Isinagawa ang pagbubukas ng mga negosyo at iba business entitities, na pansamantalang tumigil ang operasyon, nang walang sapat na garantiya sa kagalingan ng mamamayan sa harap ng paglitaw ng impeksyon ng higit na mabagsik na bagong mga variant sa Pilipinas tulad ng UK, South African, Brazilian at Philippine variants. Hilong talilong ang gubyernong Duterte sa paghahanap ng paraan para subaybayan ang dami ng nakukumpirmang impeksyon mula sa bagong mga variant dahil sa kakapusan ng mga kagamitan para gawin ang genomic sequencing at palpak na contact tracing.
Samantala, mula ng simulan noong Marso 1 ang pagbabakuna sa mga medical frontliners, umabot pa lamang sa 508,332 ang ligal na nababakunahan. Kung ganito ang tantos ng mga nababakunahan sa bansa, imposibleng matugunan ng gubyernong Duterte na mabakunahan ang 70 milyong Pilipino sa pagtatapos ng 2021. Bukod dito, hindi pa man umaarangkada ang pagbabakuna sa mga medical frontliners ay katakot-takot na ang mga nagsusulputang balita na mga upisyal ng gubyerno, na wala sa prayoridad, ang nasa unahan ng pila sa pagpapabakuna laban sa Covid-19. Ang mga donasyong bakuna pa lamang na dumating sa Pilipinas—ang isang (1) milyong dosis ng Sinovac mula China at ang 525,600 sa ilalim ng COVAX facility ng United Nations (UN)—ang kasalukuyang ipinambabakuna sa mahigit sa 1.7 milyong medical frontliners sa bansa. Wala pang katiyakan kung kailan darating ang karagdagang bakuna na bibilhin sa iba pang malalaking kumpanyang parmasyutikal.
Makatwiran at may kakagyatan ang panawagan ng taumbayan na buwagin ang kasalukuyang IATF-EID at magbuo ng bagong Task Force ng mga competent medical practioners na dalubhasa sa larangan ng medisina, syensya at eksperto sa mga nakahahawang sakit. Sila ang mga mga taong nararapat na manguna at mangasiwa sa paglaban ng bansa sa Covid-19 at hindi ang mga pulpol at utak pulburang mga retiradong heneral, mga mangmang na pulitiko at mga anti-Pilipino at maka dayuhang economic managers ni Duterte.
Samantala, ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyong Timog Katagalugan ay hindi nagbababa ng alerto ni naging kampante sa paglaban sa Covid-19. Patuloy nitong pinatutupad ang mga binalangkas nitong health protocols para protektahan ang sarili at ang masang araw-araw nitong nakakasalamuha. Araw-araw din nitong pinapaalala sa masa ang mahigpit na pagtupad sa mga health protocols para proteksyunan ang sarili, pamilya at komunidad mula sa Covid-19.
Hindi rin naglulubay ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon sa pagbibigay ng edukasyon sa hanay ng masa kaugnay sa paglaban sa Covid-19. Patuloy nitong isinasagawa ang mga pagsasanay medikal at regular na kampanya sa kalusugan at sanitasyon. Malaganap at masigla ding ikinakampanya ng rebolusyonaryong kilusan sa hanay ng masa sa rehiyon ang kahalagahan ng pagpapabakuna bilang epektibong paraan sa paglaban sa Covid-19. Inililinaw sa kanila na ang bakuna ay tagumpay ng sangkatauhan at syensya sa larangan ng pananaliksik at pag-aaral sa kalikasan sa pamamagitan ng syentipikong eksperimento. Kaalinsabay nito, ipinanawagan ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon ang libre, ligtas na bakuna para sa lahat.####