Buwagin ang sugapa-sa-pera at pasistang NTF-ELCAC!
Muling nananawagan ang Melito Glor Command-NPA ST sa mga tunay na lingkod bayan na sundin ang hiling ng taumbayan at ganap nang buwagin ang sugapa-sa-pera at pasistang NTF-ELCAC.
Positibong hakbangin ang ginawa ng Committee on Finance ng Senado na bawasan ng P24 bilyon ang panukalang badyet ng NTF-ELCAC tungong P4 na bilyon lamang para sa 2022. Matatandaang inilusot sa budget hearing sa Kamara ang P28 bilyong badyet ng NTF-ELCAC. Hindi mabale-wala ng mga senador ang lumalawak at umiigting na pagtatakwil ng taumbayan sa anti-komunistang task force. Malinaw itong bunga ng lumalakas at lumalawak na anti-pasistang paglaban ng mamamayan. Sa isang banda, tanda rin ito ng lumalaking bitak sa pagitan ng naghaharing uri na may kanya-kanyang interes lalo ngayong papalapit na ang eleksyon.
Gayunman, hindi sasapat na bawasan lang ang badyet ng NTF-ELCAC. Hanggang umiiral ang ahensya, patuloy itong magiging instrumento ng panunupil, kurapsyon at pagyurak sa karapatang pantao. Dapat na ganap itong buwagin at lusawin sampu ng mga sangay nito hanggang sa pinakamababang antas baryo gayundin sa iba’t ibang sangay ng gubyerno. Sa gayun, magkakaroon ng kongkretong hakbang upang matigil ang pamemerwisyo at panggigipit sa mamamayan ng NTF-ELCAC at mga opisyales nito na langung-lango sa kapangyarihang ipinagkaloob sa kanila ng chairperson ng task force na si Rodrigo Duterte.
Kasunod nito, dapat panagutin ang mga pinuno ng pasistang task force sa paglabag sa karapatan ng mamamayan sa ngalan ng hibang na anti-komunistang panunugis. Dapat din silang singilin sa bilyun-bilyong pisong ninakaw at winaldas sa panahon ng matinding pangangailangan ng bayan bunsod ng pandemya.
Labis ang pagkagahaman ng mga pinuno ng NTF-ELCAC na nagpapasasa sa kasalukuyang P19-bilyong badyet nito. Binulsa nila ang pondo sa mga pekeng proyektong pangkaunlaran ng Barangay Development Program at pinakialaman at nilustay pa ang badyet ng ibang ahensya tulad ng NCIP, TESDA at DSWD. Inilantad ng COA na kulang-kulang, walang akawnting at mahirap beripikahin ang dokumentasyon sa paggastos ng task force sa pondo ng bayan.
Malinaw na ang badyet ng NTF-ELCAC ay ginagawang gatasan at ginagamit na pork barrel ng mga pasistang heneral. Dapat itong buwagin at alisan ng pondo na ginagamit lamang sa panunupil sa mga mamamayan at pang-aabuso.
Marapat panghawakan at pag-alabin pa ng taumbayan ang magiting na paglaban sa NTF-ELCAC at panunupil ng rehimen hanggang sa maibagsak sa poder ang tiranong si Duterte. Ang mga tunay na lingkod bayan at mga demokratikong pwersa ay mahigpit na makakatuwang sa labang ito at sa pangkalahatang anti-pasistang pakikibaka ng bayan. Hindi sila dapat na mahintakutan sa NTF-ELCAC at sa mga hungkag nitong banta.
Ngayong nalalapit na ang eleksyon, hamon ng taumbayan sa mga tunay at tapat na lingkod-bayan na sumama sa panawagan para sa tuluyang pagbuwag sa NTF-ELCAC. Makatarungan at wasto ang paglaban kung para ito sa interes ng inaaping mamamayan.###