Census ng AFP-PNP para sa panggigipit, pananakot at korapsyon!
Umpisa pa lang ng implementasyon ng Oplan Kapanatagan sa probinsya ng Kalinga ay may mga inuulat na ang mga masa na “census” na ginagawa ng pinaghalong pwersa ng PNP at AFP sa kanilang mga baryo. Lalong lumala ito at ginagamit para sa red-tagging noong nabuo ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Karaniwang kinukuha ang pangalan ng mga residente, address, numero ng cellphone at may ilang mga kaso na kinukuhaan sila ng litrato, hinahanapan ng ID, tinatanong kung may kamag-anak o ugnay sila sa mga NPA, at ano-anong mga organisasyon ang kanilang sinalihan.
Walang malinaw sa mga masa, opisyal ng barangay at LGU kung para saan ang mga impormasyong kinukuha. Basta census sabi ng mga pulis at sundalo. Nitong 2021 ay para raw sa National ID System ang mga kinukuhang impormasyon. Sa aktwal, Philippine Statics Authority (PSA) naman ang awtorisado na kumuha ng impormasyon at magproseso ng mga datos para sa National ID System kaya obligado pa rin ang masa na magpunta sa mga munisipyo para magparehistro at magpakuha ng biometrics.
Ang malinaw ay ginagamit nila ng mga nakukuhang impormasyon para sa pananakot at panggigipit sa mga sibilyan. Ang pagkuha din ng census ang isang modus operandi ng mga naka-RCSP sa mga baryo para maniktik sa mga masa sa tabing na isa ito sa mga proyekto kanilang ipinatutupad. Ilang ulit ng may naiulat na ginamit ang mga nakuhang datos para sa listahan ng mga surender at mga target pang mapasurrender. Halimbawa, sa isang baryo sa Pinukpuk, ginamit ang mga nakuhang pangalan at iba pang impormasyon mula sa kunwaring census para gipitin ang mga miyembro ng legal na samahan ng masa na magsurender at buwagin ang kanilang organisasyon. May ilang kaso rin na iniimbitahan ang mga masa sa mga pagpupulong di umano at papapirmahin sila sa mga blankong papel na kunwari’y attendance pero iyon pala ay listahan ng mga napasurender na NPA.
Inirereklamo ng mga masa ang mga ganitong maruming pakana ng AFP at PNP para makakurakot ng pondo mula sa mga programa ng NTF-ELCAC at E-CLIP pero nagkibit-balikat lang ang mga opisyal ng pulis at sundalo. Nagpapatuloy ang mga ganitong pakana na nagbabalat-kayong mga proyekto para sa pag-unlad na sa katotohanan ay pinagkakakitaan lang ng mga opisyal at walang kahit anong kapakinabangan sa mga mamamayan. Matatandaan din na nito lang Agosto 5, 2021 ay isiniwalat ni Senator Panfilo Lacson ang maling paggamit ng pondo ng NTF-ELCAC na para sana sa “development projects” pero nauwi sa pagkuha ng “census” sa mga barangay. Dapat imbestigahan ang ibang pang korap na paggamit ng pondo ng Barangay Development Program at NTF-ELCAC. Halimbawa, sa isang barangay na proyektong farm to market road (FMR) ang ipinatupad gayong may mga nakatayo ng kalsada. Nagpapatuloy ang panawagan, pagkilos at pagsisiwalat ng mga mamamaya sa kapabayaan, katiwalian at pasismo ng rehimen. Hindi kailan man mareresolba ng mga repormistang proyekto gaya ng BDP ng NTF-ELCAC ang pundamental na problema ng mamamayang Pilipino. Dapat mapanagot ang mga heneral at alipures ni Duterte sa NTF-ELCAC at maging si Duterte mismo na naglulustay ng kaban ng bayan gayong milyon-milyong Pilipino ang walang makuhang sapat na ayuda sa panahon ng pandemya!