Charter-Change sa pamamagitan ng Pasistang Revolutionary Government ang pakay ni Duterte
Senyales ng desperasyon at tumitinding pagkahiwalay sa mamamayan ang pakanang pagratsada ni Duterte ng Cha-Cha gamit ang kanyang militar at mga alipuris niya sa Kongreso at Senado sa pamamagitan ng “Constituent Assembly”. Pinangangambahan niyang mawala sa poder kung siya’y mapatalsik ng mamamayan o mamatay sa kanyang sakit. Sa pagratsada ng Cha-Cha, layunin niyang itayo ang pasistang diktadurang ala-Marcos at makuha ang basbas ng kanyang imperyalistang among Estados Unidos kapalit ang 100% dayuhang pagmamay-ari at kontrol sa lupa, walang sagkang dayuhang pamumuhunan at largadong pandarambong ng rekurso ng bansa. Sa pamamagitan ng walang taning niyang paghahari o ng kanyang tagapagmana, matatakasan niya ang masakdal at makulong sa kanyang mga krimen mula sa taksil na pagbenta ng soberanya ng bansa, malawakang korupsyon at maramihang pagpatay.
Tulad ng kanyang ginawa bago tumakbo sa pagkapangulo, pinalalabas niyang tinatanggihan niya ang pagpapalawig ng kanyang termino kahit sa totoo’y ito ang kanyang hinahangad. Sa katunayan, nalantad ang panibagong paghahanda ni Duterte na baguhin ang Konstitusyon matapos nitong pulungin ang liderato ng Kongreso at ilang mga upisyal ng militar noong Disyembre 2020 para idisenyo ang pagtutulak ng naturang panukala.
Dahil hindi suportado ng taumbayan, kinailangan niyang kabigin ang aktibong suporta ng militar at pabor ng bagong pangulo ng Estados Unidos na si Joe Biden sa pagtutulak ng Cha-Cha. Ginamit niyang batayan ang pagdurog sa CPP-NPA sa tabing ng pagtanggal sa sistemang party-list upang protektahan ang gubyerno sa mga nais magpabagsak rito. Ginamit niya ring tabing ang pagrekober sa pandemya upang itulak ang ‘Economic Cha-Cha’ at alisin ang umano’y mga ‘restriksyon’ sa daloy ng dayuhang pamumuhunan at pagkulimbat ng yaman ng bansa.
Bagamat tulad rin ng nagdaang mga rehimen, higit na mapanganib ang mga hakbangin ni Duterte dahil sa posibilidad na palitan o baguhin ang Konstitusyon sa pamamagitan ng isang ‘rebolusyonaryong gubyerno’. Matatandaang sa nasabing pulong ay pinagbantaan niya ang Kongreso na kung sakaling mabigo itong mabuo bilang isang constituent assembly ay tiyak niyang ipauubaya ang Cha-Cha sa militar. Mabigo man ang Kongreso na maipasa ang Cha-Cha, tiyak si Duterte na may alternatibong hakbangin pa upang makapagpalawig ng poder, liban pa sa pakanang malawakang pangungurakot at pandaraya sa eleksyong 2022 upang ipuwesto ang kanyang anak na si Sara.
Maaari niyang gawin ang rebolusyonaryong gubyernong ito bilang isang transitoryo subalit pangmatagalang gubyernong militar na naglalayong repasuhin ang Konstitusyon upang tuluyang ipataw ang pasistang diktadura at pahintulutan ang ganap na dayuhang kontrol sa ekonomya ng bansa. Walang kaduda-dudang kikitlin ang mga karapatan, kalayaang sibil at katiting na puwang ng demokrasyang nakasaad sa kasalukuyang Konstitusyon.
Isang malaking panlilinlang ang pagsangkalan ng ‘Economic Cha-Cha’ upang paunlarin ang ekonomya. Hindi kasalanan ng Konstitusyon kung bakit nananatiling bansot at atrasado ang ekonomya ng bansa. Tahasang ipinagkait ng lahat ng nagdaang rehimen sa sambayanang Pilipino ang pagsasakatuparan ng saligang mga nilalaman nito. Mula nang maratipika ang Konstusyong 1987, iba’t ibang mga neoliberal na patakaran mula structural adjustment programs, Philippines 2000, globalization, US Partnership for Growth at PH-Progreso sa ilalim ni Duterte ang nagpapatunay hindi lang ng pagluwag, kundi matagal nang pangingibabaw ng dayuhan sa ekonomya ng bansa.
Nananawagan ang NDF-Bikol sa mamamayang Bikolano: sa harap ng banta ng papatinding pandemya’t terorismo ng estado, dapat tutulan ang Cha-Cha at anumang pakana ni Duterte upang makapanatili sa kapangyarihan. Masdan na lamang ang Kabikulan na pinuno ng kaliwa’t kanang dayong pamumuhunan mula Palanog Cement Factory, Filminera Mining at Masbate Ecotourism Zone at iba pang mga proyektong BBB. Sa kabila ng mga ito, bakit nananatili pa rin ang Kabikulan bilang isa sa mga pinakamahihirap na rehiyon?
Sa halip, dapat nating igiit ang ating karapatan sa buhay, trabaho, lupa, edukasyon, disenteng sahod at kabuhayan, libreng serbisyong panlipunan, at kalusugan na ilinatag ng Konstitusyong ito. Higit sa lahat, dito rin nakapaloob ang ating tungkuling gamitin ang kapangyarihan nating mamamayan upang magpabagsak ng isang diktador at mapaniil na rehimen. ##