Lehitimo ang Command-Detonated Explosive Devices ng NPA


Pinabubulaanan ng Leonardo Pacsi Command ang paratang ng PNP na lumalabag sa Rules of War at International Humanitarian Law ang NPA sa paggamit ng mga Improvised Explosive Devices (IED) sa serye ng taktikal na opensiba na inilunsad nito laban sa pinagsanib na puersa ng PNP-Cordillera at 54th IB Phil Army noong Marso 29, Marso 31 at Abril 2 sa mga kabundukan ng Bauko at Tadian, Mt. Province.

Ang mga nagamit na improvised explosive devices sa mga ipinatupad na harassment at pananambang ng NPA, sa partikular ay mga Command-Detonated Explosive Devices (CDX) na lehitimo at sadyang para sa target na kaaway. Para sa kabatiran ng PNP at AFP, ang mga command-detonated explosive devices na ito ay man-detonated o kontrolado ng tao. Maayos na ipinupuesto ang mga ito sa mga takdang killing zones lamang. Saka lamang sasabog ang mga ito kung pinindot ang detonator at dine-detonate lamang kung nakatapat na ang lehitimong target na kaaway. Hindi sumasabog ang mga ito kahit pa matapakan, matisod o masipa. Maayos na nakakawad ang mga ito sa mga de-manong blasting machine at tinitiyak ng mga Pulang mandirigma na sasabog lamang kung nakapasok na ang target sa killing zone. Maingat na minamanupaktura ang mga ito ng mga yunit-ordnans ng NPA upang tiyaking hindi makaaksidente at makapinsala sa mga sibilyan, at hindi rin basta-basta iniiwan o ikinakalat.

Para sa dagdag na kaalaman ng PNP at AFP, ang malinaw na ipinagbabawal ng 1997 Ottawa Treaty ay ang mga target-detonated anti-personnel landmine, o mga pasabog na sadyang nakadisenyong sumabog kapag natapakan o nasagi ng sinoman. Hindi ipinagbabawal ng Ottawa Treaty ang paggamit ng mga command-detonated anti-personnel, anti-vehicle at anti-tank landmine.

Dagdag pa, ang mga umiiral na estado lamang ang nakapaloob sa Ottawa Treaty kung kayat hindi saklaw ang PKP at BHB dito, at hindi rin kabilang ang Ottawa Treaty sa mga pangkaraniwang kasunduan na sumasaklaw sa mga nasasakop ng internasyunal na batas. Gayunpaman, kinikilala at iginagalang ng PKP at BHB ang batas ng Ottawa Treaty na nagbabawal sa paggamit ng mga target-detonated anti-personnel landmine. Kung kayat tinitiyak ng BHB na ang mga ginagamit nitong eksplosibo ay direkta, eksklusibo at siguradong nakapuntirya lamang sa mga tiyak at lehitimong target na kaaway. Hindi katulad ng mga paraan ng pambobomba at istraping ng kaaway na walang tiyak na puntirya at nagdudulot ng mga malawakang pinsala sa buhay at kabuhayan ng mga sibilyan.

Sa pagsisiwalat sa publiko ng mga paratang na ito, tinatabunan lamang ng PNP at AFP ang kanilang pagkatalo sa mga labanan at pilit na inaagaw ang simpatiya ng masa sa kanilang mga kaswalti. Naglabas sila ng fake news na nakarekober sila ng mga IED sa mga lugar ng labanan sa mga nabanggit na petsa upang linlangin at takutin ang mamamayan at hadlangan silang gamitin ang mga natural na rekurso ng kanilang ansestral na lupain. Binabaluktot nila ang katotohanan gayong sila ang lansakang lumalabag sa Comprehensive Agreement on Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL), sa International Humanitarian Law at Rules of War sa pamamagitan ng paggamit ng mga sandatang labis na nakakapinsala o mga weapons of mass destruction tulad ng cluster bombs, white phosporous, moab at iba pang katulad ng ginamit ng AFP at ng kanyang among imperyalistang US sa pangwawasak sa Marawi, at sa iba pang imperyalista, kontra-mamamamayan at kontra-rebolusyonaryong digma nila sa iba’t ibang panig ng Pilipinas at sa iba pang bansa. Gumamit din ang AFP ng mga katulad nitong mga bomba sa Cordillera, halimbawa noong binomba nila ang mga kabundukan ng Malibcong, Abra noong 2017. Sa mga nakaraang operasyon ng AFP at PNP dito sa Cordillera, nambomba, nanganyon at nag-istraping sila sa mga kagubatan, sakahan, komunidad, at kahit sa mga maliliit na minahan upang puersadong ipatupad ang mga kontra-mamamayang patakaran ng DENR at protektahan ang mga malalaking minahan, logging at mapanirang proyektong hydropower. Lumikha ang mga ito ng matinding trauma, panganib sa buhay at pinsala sa kabuhayan ng mamamayan.

Ang CPP at NPA ay mahigpit na tumatalima sa Rules of War at International Humanitarian Law. Tinutupad nito ang mataas na pamantayan ng mga internasyunal na makataong batas sa paglulunsad ng armadong pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya. Pinatunayan ito sa pormal at upisyal na pagsunod sa mga Geneva Conventions at 1977 Protocol, gayundin sa pakikipagkasundo sa GRP upang buuin ang CARHRIHL.

Dahil dito, ang mamamayan ay sa NPA patuloy at mahigpit na sumasalig bilang tunay nilang Hukbo at tagapagtanggol. Napatunayan ito sa nakaraang 50 taong pagsulong ng armadong pakikibaka para sa pambansang demokrasya hanggang sa pagkakamit ng sosyalismo.

Lehitimo ang Command-Detonated Explosive Devices ng NPA