Confidential and intelligence funds ng DICT at iba pang sibilyang ahensya, pondo para sa pasistang panunupil
Garapalang winawaldas ng rehimeng US-Duterte ang kabang bayan para sa huwad na gera kontra-terorismo. Hindi na masikmura kahit ng mismong mga upisyal ng sibilyang ahensya ang garapalang pangungurakot at paggastos ng pera ng taumbayan para sa pasistang panunupil. Noong Pebrero 3, mismong si DICT Usec Eliseo Rio na ang bumitiw sa pwesto dahil sa mga anomalya sa paggastos ng P300 milyong confidential and intelligence funds ng tanggapan.
Saan nga naman gagamitin ng isang sibilyang ahensya ang badyet para sa paniniktik at sarbeylans? Lahat ng sibilyang ahensya, kabilang na ang badyet na nakalaan sa mga ito, ay nakalaan sa layuning magupo ang pakikibaka ng mamamayan para sa tunay na demokrasya, katarungan at kalayaan. Ito na ang kongkretong pagpapatupad ng EO 70 at Whole-of-Nation Approach ng pasistang rehimen.
Noong Agosto 2019 pa lamang ay ipinahayag na ni DICT Sec. Gringo Honasan, bilang Cabinet Officer for Regional Development and Security (CORDS) ng Bikol, na mayroong nakalaan na P300 milyong pondo para sa mga limos na proyektong sosyoekonomiko sa rehiyon. Iba man ito o hindi sa pondong tinutukoy ni Rio, walang makabuluhang pagbabagong natamo ang masang Bikolano mula sa paghahambog na iyon ni Honasan. Bagkus, ibayong tumindi ang paniniktik, sarbeylans at panghaharas sa mga kasapi ng makabayan at progresibong grupo. Sinalakay ng AFP-PNP-CAFGU ang kanayunan at pinagkakitaan ang pagpapasuko sa mga sibilyan bilang mga NPA.
Sa pamamagitan ng EO 70, walang ibang kinahihinatnan ang pambansang badyet kung hindi balon ng korapsyon at pondo para sa pasistang panunupil. Samantala, nananatiling kapos at panandalian ang mga tugon ng reaksyunaryong gubyerno sa mga tunay na isyung kinakaharap ng mamamayang Pilipino – pagdausdos ng agrikultura, kakulangan ng serbisyong pangkalusugan, sumisirit na presyo ng mga bilihin at kawalan ng maagap at pangmatagalang solusyon sa mga kalamidad.
Napakalaking krimeng gamitin ang buwis ng mamamayan para sa gerang yumuyurak sa kanilang mga karapatan. Sa halip na apulahin, higit lamang nitong pinagniningas ang kapasyahan ng mamamayang tuluyan nang wakasan at panagutin ang rehimeng US-Duterte.
Mahigpit na nananawagan ang NDF-Bikol sa mamamayang Bikolano na tanganan ang lakas ng pagkakaisa upang magapi ang pasismo at terorismo ng rehimeng US-Duterte. Hinihikayat din ang lahat na isapraktika ang community journalism, lumapit sa midya, mga tagapagtaguyod ng demokrasya at makabayang lider, upang ilantad ang mga anomalyang nagaganap sa loob ng pasistang gubyerno. Tanging sa pagkakaisa at sama-samang pagkilos makakamit ang tunay na lipunang pagbabago.