Dalawang sibilyan, panibagong biktima ng Tokhang style-EJK ng 2nd IBPA sa isla ng Ticao
Mariing kinokondena ng JRC-BHB Masbate ang nagpapatuloy na Tokhang style-EJK sa bayan ng San Fernando, Masbate na ikinamatay ng dalawang sibilyan na kagagawan ng mga berdugo at mersenaryo ng 2nd IBPA sa ilalim ng Peace and Development Team (PDT) na nakapakat ngayon sa mga baryo ng Talisay, Altavista, Buenavista, Canelas, Del Rosario at Progreso.
Noong Hunyo 9, 2019, bandang alas 8 ng gabi pinatay ng grupo ni Sgt. Chalas ang Brgy. Tanod ng Brgy. Liong na si Arnie Espenilla sa kanilang bahay. Habang kinahapunan naman ng sumunod na petsa ng Hunyo 10, 2019, mag aalas singko ng hapon ng barilin naman ng grupo pa rin ni Sgt. Chalas si Sando Alcovindaz ng Brgy. Buenavista, san Fernando. Ang dalawang biktima ay pinaghihinalaang mga kasapi di umano ng NPA sa lugar kung kaya pinatay ito nina Sgt. Chalas. Walang katotohanan ang ibinibintang ng grupo ni Sgt. Chalas dahil lehitimong sibilyan ang dalawa.
Alinsunod sa pinakabagong Internal Security Operation Joint AFP-PNP Campaign Plan, ipinapatupad na sa Masbate ang Oplan Kapanatagan sa layuning wakasan ang insurhensiya sa lalawigan bago matapos ang termino ng diktador at teranikong pangulong si Rodrigo Duterte. Pangunahing target ng operasyong tokhang style-EJK ang mga organisasyong pinaghihinalaang sumusuporta raw sa NPA. Ligal na binuo ang mga “death squad“ upang inyutralisa o sampahan ng mga gawa-gawang kaso ang mga pinaghihinalaan.
Sa ganitong banda, kailangang magkaisa ang mamamayang Masbatenyo na ilantad at labanan ang Oplan Kapanatagan ng pinagsanib na AFP at PNP. Nananawagan ang JRC-BHB Masbate na huwag magbulag-bulagan at magbingi-bingihan sa mga aktwal na pangyayari at kalagayan na patuloy na niyuyurakan ang karapatang pantao ng mga Masbatenyo.
Sa mga lingkod bayan naman na nangangako tuwing eleksyon na tutulong sa mga Masbatenyo ay ito na ang oras para patunayan niyo na kaisa kayo ng aping mamamayan na makamit ang hustisya at ipaglaban sila kontra pang-aabuso ng mga kasundaluhan at kapulisan.
Panawagan din sa lahat ng mga mamamahayag na huwag niyong hayaang gamitin ang inyong hanay sa anumang pagbubulid ng kasinungalingan ng AFP at PNP. Pagsumikapan niyong alamin ang puno’t dulo ng mga balitang ibinibigay sa inyo ng mga tagapagsalita ng AFP at PNP nang sa ganun ay hindi kayo magamit na kasangkapan sa paghahatid ng mga pekeng balita na siyang kabisadong gawin ng mga kasundaluhan at kapulisan. Hinikayat namin kayong mga nasa ikaapat na estado na magsuri at mag-aral sa tunay na sitwasyon na kinakaharap ng mamamayang Masbatenyo sa ilalim ng mala-kolonyal at mala-pyual na kaayusang panlipunan.
Digmang bayan ang sagot sa karahasang ginagawa ng AFP at PNP!
Mamamayan, isulong ang Digmang Bayan hanggang sa tagumpay!
Kamtin ang Hustisya sa mga biktima ng karahasan ng rehimeng US-Duterte!