Dapat Isatelebisyon ang rebolusyon, ibalik sa ere ang ABS-CBN!
Lubos na nakikiisa ang Apolonio Mendoza Command – New People’s Army – Quezon (AMC – NPA- Quezon) at buong rebolusyunaryong kilusan sa lalawigan sa laban ng ABS-CBN, mga progresibong mamamahayag, mga manggagawa sa larangan ng midya at mamamayan para sa malaya at patas na pamamahayag, pagsasalin ng mga wastong impormasyon sa publiko at paglalantad sa totoong pangyayari sa kasalukuyang takbo ng lipunan.
Anim na dekada nang matapang na nagsisiwalat ang ABS-CBN sa mapang-aping kumpas ng mga papet at pasistang rehimen mula pa noong diktadurang Marcos hanggang sa kasalukuyan.
Gera ang tugon at pamamaraan ni Duterte upang gipitin ang kaniyang mga kritiko, mga pwersang lumalaban at nagnanais ng pagbabago sa ilalim ng kaniyang paghahari. Hindi totoong wala siyang galit sa “midya” at “kung kanino man”. Sarado ang isip niya sa kritisismo ng kahit sino. Tila isang bata si Duterte na nagagalit kapag hindi nakuha ang gusto at napagsabihan ng publiko.
Isa ang Pilipinas sa pinakadelikadong bansa para sa mga alagad ng midya sa buong daigdig. Naitala ang halos 16 na mamamahayag na ang pinaslang simula nang maupo sa pwesto si Duterte, kinakasuhan ang mga brodkaster at mga peryodista’t manununulat na naglalantad sa kabulukan ng reaksyunaryong gubyerno. Ang ilan sa mga ito ay ang Rappler laban kay Maria Ressa at sapilitang pagbenta sa Inquirer sa komprador na si Ramon Ang. Paano pa kaya ang mga maliliit na kawani ng midya at masang nagnanais mailagay sa frontpage ang kahilingang makakain sa araw-araw?
Parang sirang plakang paulit-ulit na pinaniniwala sa kasinunalingan ang sambayanan. Hindi lang sa mundo ng tri-media maging sa social media dinala niya ang panlilinlang sa madla upang itali ang hibang na katotohanan sa kaniyang bakal na kamay. Gamit ang kaniyang mga makinarya (mga tagapagsalita. cyber trolls, bloggers, Public Relation at mga pasistang tropa AFP-PNP) sa pagpapalaganap ng mga pekeng balita. Mas mabilis pa ang mga balita ng karahasan kaysa sa mabilis at komprehensibong solusyon sa harap ng krisis dulot ng pandemyang COVID-19.
Laman ng bawat pahayagan ang pasismo ng rehimeng US-Duterte. Bidang-bida ang konseptong Martial Law na lockdown at Enhanced Community Quarantine (ECQ) ng AFP-PNP, ang pagpaslang dahil sa gera kontra-droga, pekeng pagpapasuko ng mga di-umano’y NPA, paglabag sa karapatang pantao bunga ng matinding nakapokus na operasyong militar (FMO) at mga pakitang taong tulong at ayuda sa mamamayan.
Hindi tayo dapat manahimik.
Manawagan tayo sa muling pagbabalik sa ere ng ABS-CBN upang maituloy nito ang pamamahayag sa tunay na kalagayan ng lipunan, pang-aapi ng rehimeng Duterte at paglaban ng mamamayan.
Ito ang siguradong HINDI fake news — ang NPA at buong rebolusyunaryong kikusan sa Quezon ay palaging magsisilbing boses ng masang api’t pinagsasamantalahan upang ipahayag ang tunay na interes ng mamamayan para sa ganap na pagbabago ng lipunan.#