Dapat magpabakuna ang mamamayang Pilipino kontra Covid-19 at igiit ang libreng pamamahagi
Basahin sa: English
Hinihikayat ng Partido Komunista ng Pilipinas ang mamamayang Pilipino na magpabakuna laban sa Covid-19. Habang mayroong karapatan ang mga indibidwal na tumangging magpabakuna ayon sa kani-kanyang dahilan, nasa higit na interes ng pampublikong kalusugan at paglaban sa pandemya na magpabakuna ang pinakamaraming mamamayan.
Dapat pangibabawan ng mamamayang Pilipino ang kanilang pagkatakot sa pagpapabakuna bunsod ng pagkatakot sa Dengvaxia ilang taon na ang nakaraan. Ibatay natin ang mga desisyon sa isinapublikong siyentipikong impormasyon gayundin sa mga ulat ng nangagasiwa sa regulasyon, kaugnay ng pagiging epektibo at ligtas ng mga bakunang kontra Covid-19 na pinauunlad ng mga kumpanya sa parmasyutika.
Dapat maglunsad ang lahat ng komite ng Partido at yunit ng BHB ng kampanyang impormasyon para pataasin ang kaalaman ng taumbayan hinggil sa bakuna, kaugnay ng kampanyang pangkalusugan para pigilan ang pagkalat ng Covid-19. Dapat din nilang itaas ang kaalaman ng taumbayan sa krusyal na tungkulin ng estado na magkaloob sa mamamayan ng libreng bakuna para tiyakin na ang malaking mayorya ng populasyon ay makakalaban sa sakit. Nananawagan ang Partido sa mamamayan na igiit ang panawagan para sa libreng bakuna sa lahat.
May ilang bansang may plano na para mamigay ng libreng bakuna kabilang ang China, Japan, US, New Zealand, at Norway. Maging ang hindi gaanong mauunlad na bansa tulad ng Vietnam, Cuba, India, Iran at iba pa ay nakagawa ng sarili nilang mga bakuna at nakatakdang ipamahagi ito ng libre.
Ang bakuna ay kabilang sa pinakamahalagang siyentipikong tagumpay ng sangkatauhan sa paglaban sa sakit at pagpapaunlad ng kalidad ng buhay ng tao. Kaya naman isang malaking kasalanan na ang gubyerno ng Pilipinas ay walang ginawa para pataasin ang kakayanan ng bansa na magsaliksik at lumikha ng bakuna.
Habang milyun-milyong bakuna sa Covid-19 ang naipamahagi na sa buong mundo, wala pa ring kumprehensibong plano ang rehimeng Duterte sa pagbabakuna sa populasyon. Sa katunayan, naglaan ito ng kakarampot na 2.7% sa kinakailangang ₱72 bilyon para mabakunahan ang kahit 60% Pilipino tanda na wala itong balak na isagawa ang mayor na kampanya ng pagbabakuna.
Binalot pa sa kontrobersya ang mga planong pagbili ng bakuna ng pambansang gubyerno dahil sa paglalamangan ng mga upisyal ni Duterte sa pagbulsa ng kikbak sa matatabang kontrata. Ang di awtorisado at sikretong pagbabakuna sa mga security guard ni Duterte at kanyang gabinete gamit ang kontrabandong bakuna, bago pa man mabigyan ng pahintulot ang kahit anong bakuna, ay insulto sa mga manggagawang pangkalusugan at mamamayang Pilipino.
Ang kawalan ng malinaw na plano ng pambansang gubyerno para kumuha ng sapat na bakuna ay lumikha ng mga kundisyon na nagkakanya-kanya ang mga lokal na gubyerno at pribadong kumpanya sa pagbili ng bakuna, habang naiiwan ang ibang kulang sa pondong mga LGU. Dahil dito, nahahati ngayon ang bansa sa dalawang kampo ng mga may pera at wala sa isyu ng bakuna kontra Covid-19.