Delubyo ng Rice Tariffication Law, Pagsadsad ng Presyo ng Kopra at Pagbagsak ng Agrikultura, Pananagutan ng Inutil na Rehimeng US-Duterte!
Ipinapaabot ng NDF-Bikol ang mahigpit na pakikiisa sa kilusang magsasaka at malawak na hanay ng mamamayan sa kanilang paniningil sa tuluy-tuloy na neoliberal na atake ng rehimeng US-Duterte. Sa gitna ng tumitinding krisis, buong-lakas na ipinapanawagan ng masa ang pangangailangan ng rebolusyong agraryo at ang kawastuhan ng demokratikong rebolusyong bayan. Malinaw sa kanilang tanging sa pagsusulong ng digmang bayan makakamit ang tunay na reporma sa lupa at seguridad sa buhay at kabuhayan. Higit na tumitingkad ang kabulukan at kawalang-kakayahan ng reaksyunaryong gubyernong resolbahin ang suliranin ng lipunang Pilipino. Sa loob ng tatlong taong punung-puno ng mga pangako ng pagbabago, walang lubay ang pagpapatupad ng rehimeng US-Duterte ng mga batas na ibayong lumulumpo sa agrikultura ng bansa at nagtatali sa masang magsasaka sa higit na matinding kahirapan.
Delubyo ang Dulot ng Rice Tariffication Law (RTL)
Sa loob lamang ng anim na buwan makalipas na maisabatas ang RTL, tagos sa buto na ang pasakit na pinasan ng mga magsasaka dulot ng pagbaha ng inangkat na bigas. Sa kasalukuyan, sumadsad na ang presyo ng palay sa 7-8 piso kada kilo. Pinangangambahan ng mga magsasaka ang ibayong pagbagsak nito tungong P3 sa mga susunod na buwan. Samantala, hindi maramdaman ng masa ang ipinangangalandakan ng mga teknokrata ni Duterte na bababa umano ang presyo ng bigas sa pamilihan bunga ng naturang panukala. Hanggang nayon, pumapalo nang hanggang P60 ang presyo ng isang kilong bigas sa ilang pamilihan sa bansa.
Walang ibang pinagsisilbihan ang RTL kung hindi ang interes ng mga dayuhang mamumuhunan at mga lokal na naghaharing-uri. Sa pagkalugi ng libu-libong magsasaka sa bansa, naibubukas sa kumbersyon ng lupa ang malalawak na palayan at lupaing agrikultural. Pakikinabangan at pagsasasaan ang mga lupaing ito ng malalaking negosyo sa real estate tulad ng pagmamay-ari ng pamilyang Villar.
Dagok ng Pagsadsad ng Presyo ng Kopra
Pananagutan din ng rehimeng US-Duterte sa masang magsasaka ang patuloy na pagbulusok ng presyo ng kopra sa merkado. Ibayong nararamdaman ngayon ang dulot ng napakahabang panahong deregulasyon ng industriya ng niyog at kawalan ng suporta ng reaksyunaryong gubyerno sa mga magniniyog. Sa kasalukuyan, sa halip na magsagawa ng mga hakbang upang matulungan ang magniniyog, ipinagkikibit-balikat lamang ng pangkating Duterte ang naturang usapin.
Sa rehiyon, bumagsak na sa P13 kada kilo ang abereyds na presyo ng kopra. Kasabay nito, patuloy na binabalikat ng mga magniniyog ang abereyds na 20-30% bawas sa resiko, awas sa sako, dayaan sa timbangan at iba pang tipo ng pagsasamantala sa kanilang hanay. Sa Sorsogon, inamin mismo ng mga lokal na gubyernong isa sa pinakamalalaking krisis na kinahaharap sa ngayon ng prubinsya ang pagdausdos ng presyo ng kopra.
Higit pang pinasasahol ang kalagayan ng masang anakpawis ng iba pang neoliberal na panukala ng rehimeng US-Duterte. Ilan na dito ang napipintong pagpasa ng ikalawang pakete ng Comprehensive Tax Reform Package (CTRP) at ang patuloy na pagtutulak ng pagbabago ng Konstitusyon. Ang masahol pa, kakambal ng mga neoliberal na atakeng ito ang pasista at teroristang opensiba ng rehimen. Lumulobo ang bilang ng mga magsasakang pinapaslang at biktima ng karahasan ng estado.
Hindi nakapagtataka kung gayon ang patuloy ding paghugos ng libu-libong magsasaka sa mga sonang gerilya upang doon ay isulong ang makatwirang digma ng mamamayan. Tunay ngang walang aasahan ang sambayanan sa isang lipunang ginugutom at pinapatay ang masang siyang lumilikha ng yaman ng bansa. Marapat lamang na ipagtanggol ng masang inaapi at pinagsasamantalahan ang kanilang kapakanan laban sa todo-largang atake ng reaksyunaryong gubyerno.
Isulong ang Rebolusyong Agraryo! Magsasaka, Lumahok sa Demokratikong Rebolusyong Bayan!