Di-umanong P9 Bilyong Suporta ng Masa sa CPP-NDF-NPA, Hindi Lalayo sa Kitang Buwis ng Reaksyunaryong Gubyerno sa Kabikulan noong 2017


Sana ay magdilang-anghel si Col. Paul Regencia at ang 9th IDPA sa pagpapahayag na umabot sa siyam na bilyong piso ang natanggap na suporta ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon para sa taong 2017 hanggang 2018. Ayon mismo sa datos ng Bureau of Internal Revenue (BIR)-Bicol1, P10.7 bilyong piso ang nakolekta ng kanilang ahensya para sa taong 2017. Sa ganitong lohika, hindi nagkakalayo ang suportang tinatanggap ng CPP-NPA-NDF Bikol mula sa buwis na pumapasok sa reaksyunaryong gubyerno. Kung gayon, tila inamin na rin ni Regencia ang lakas at lawak na inaabot ng rebolusyonaryong kilusan, isang bagay na paulit-ulit din naman nilang iginigiit na hindi totoo.

Anong pahayag ngayon ang paninindigan ng 9th IDPA – mahina na at wala nang sapat na lakas ang rebolusyonaryong kilusan o igigiit nila ang siyam na bilyong pisong suportang nagpapatunay lamang ng impluwensya ng rebolusyonaryong kilusan at mahigpit na pagyakap ng mamamayang Bikolano rito? Alinman sa dalawa, hindi maitatanggi ng 9th IDPA ang desperasyon nitong linlangin ang masa at ikubli mula sa publiko ang tuluy-tuloy na paglakas ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon. Sa kahuhugot ng militar ng kwento sa hangin, lalo lamang sila nabibilaukan sa sarili nilang mga salita.

Kung tutuusin, higit pa sa siyam na bilyong piso ang natatanggap na suporta ng rebolusyonaryong kilusan mula sa masa. Hindi matutumbasan ng anumang halaga ang buong-lugod na pagtangkilik at pag-angkin ng masang Bikolano sa demokratikong rebolusyong bayan. Sa loob ng 50 taon, ibayong pinanday at pinatatag ang pagkakaugat ng rebolusyonaryong kilusan sa hanay ng mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan. Sa kabila ng sukdulang karahasan at panunupil ng reaksyunaryong estado, patuloy na ihinahandog ng rehiyon ang pinakamahuhusay niyang anak ng bayan upang maglingkod sa interes ng nakararami. Buong kapasyahang isinusulong ng bawat salinlahi ng mga rebolusyonaryo ang digmang bayan na ipinundar ng mga naunang kasama.

Maluwag sa kalooban ng masang suportahan ang rebolusyonaryong kilusan dahil alam nilang ang mga programa at serbisyo ng demokratikong gubyernong bayan ay tunay na naglilingkod sa kanila. Sa araw-araw na nakasasalamuha nila ang mga kasama, napapatunayan mismo ng masa ang mahigpit na pagtangan ng mga kasama sa disiplina ng simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka. Iniaalay ng mga rebolusyonaryo ang kanilang panahon, husay, talino at lakas sa pagsisilbi sa bayan nang walang hinihintay na kapalit.

Napakalaking pagkakaiba nito sa mga berdugong militar at pulis na walang pagdadalawang-isip na nagwawasiwas ng karahasan kapalit ng sahod, gantimpala at promosyon. Para sa kasalukuyang taon, magbubuhos ang reaksyunaryong gubyerno ng P107 bilyong piso2 para sa pondo ng militar na gagamitin lamang para sa kontra-mamamayang gera ng rehimeng US-Duterte at pagpipyestahan sa kurakot ng mga upisyal. Samantala, bilyun-bilyon ang pondong kinaltas sa mga ahensya tulad ng Department of Education (DepEd), Department of Agrarian Reform (DAR) at Department of Agriculture (DA)3.

Naninindigan ang NDF-Bikol sa talas ng mamamayan at sa kakayahan nilang suriin ang tunay na kalagayan ng lipunan. Anumang kasinungalingan ang ipamarali ng militar, hindi kailanman malilinlang ang masa. Kilala nila ang tunay na hukbong nagsisilbi sa kanila. Sa pagtindi ng pasista at neoliberal na atake ng rehimeng US-Duterte, hindi nakapagtataka kung patuloy na tatamasahin ng rebolusyonaryong kilusan ang mainit na suporta ng masa.

1 Calipay,C. (2018, February 14). BIR-Bicol exceeds 2017 tax collection target. Retrieved from Philippine News Agency Web site.
2 Expenditure Program for year 2019. (2018). Retrieved from Department of Budget and Management Web site.
3 Ibid.

Di-umanong P9 Bilyong Suporta ng Masa sa CPP-NDF-NPA, Hindi Lalayo sa Kitang Buwis ng Reaksyunaryong Gubyerno sa Kabikulan noong 2017