Diktadura ang tugon ng pasistang Duterte sa lumalalang krisis panlipunan
Sa harap ng kalamidad at krisis pang-ekonomiya, lockdown at kamay-na-bakal na solusyon ang sagot ng pasistang si Duterte.
Ibinandera niya noong Marso 11 ang kanyang pasistang hangarin: kontrolin ang pagpasok at paglabas ng tao sa Maynila, ipakulong ang kabataang lumalabas at gumagala, pahirapan ang masisipag ngunit dahop na manggagawa. Ngunit, napatunayang ang palabrang enhanced community quarantine sa buong Luzon ay lockdown sa katotohanan, mula pa mismo sa bulok na bibig ni Duterte.
Resulta ito ng higit na pagpapasahol ng reaksyunaryong rehimen ni Duterte sa krisis ng neoliberalistang rehimen sa Pilipinas. Itinulak na magtrabaho sa NCR ang malaking bilang ng mga manggagawa dahil sa malalang disbalanse ng sahod sa iba’t ibang mga rehiyon. Barat pa rin sa umento sa sahod kahit na matindi na ang pagtaas ng presyo ng bilihin sa buong bansa.
Mas naging matingkad ang kalagayang ito nang pumutok ang Bulkang Taal. Naging inutil ang pasistang si Duterte sa pag-abot ng tulong sa mga naapektuhan, karamihan ay mga manggagawa at magsasaka. Nanaig ang pagkakaisa ng sambayanang Pilipino upang makaluwag ang mamamayan sa nakasusulasok na kahirapan.
Nang maglunsad ng biglaang lockdown sa paligid ng bulkan, naging pahirap ang rehimen sa mga magsasakang hindi makapagpakain ng kanilang mga hayop. Umabot pa ng halos dalawang buwan ang paglalabas ng calamity fund para sa mga naapektuhan. Nananatili ang banta ng pagpapalayas sa mga mangingisda at magsasakang walang pamamaraan ng hanapbuhay labas sa Volcano Island.
Sa harap ng epidemya ng Corona Virus Disease-2019, parehong naging mabagal ang naging pagtugon sa krisis at sa halip militaristang solusyon ang tugon nito. Sa halip na suportahan ang pananaliksik ng mga siyentistang Pilipino, hinayaan niya pa ito at umasa pang makakuha ng pautang galing China.
Kahit ang inutil na dating Kalihim ng DOH na si Janette Garin ay walang sampalataya sa kakayahan at kagalingan ng siyentistang Pilipino. Nilagyan pa niya ng pagdududa ang resulta ng siyentipikong pananaliksik ng ating mga dalubhasa, ngunit mistulang nais lamang makakuha ng kotong sa mga imported at pinatungan ng malaking halaga na mga test kit.
Hanggang ngayon, limitado lamang sa mga nakabibisita sa mamahalin at pribadong mga ospital ang mga naitalang kaso ng CoVID-19. May ilan pang mga istorya ng paghihigpit ng mga ospital sa mga may mga sintomas na at hinihinalang may CoVID-19. Sa matinding kakulangan ng mga test kits at mga manggagawang pangkalusugan dulot ng kawalan ng suporta ng reaksyunaryong gobyerno, tiyak na ilang beses na mas mataas pa sa 111 ang kumpirmadong kaso ng CoVID-19 sa bansa.
Anti-maralita ang “enhanced community quarantine”. Hinihimok pa ng Department of Trade and Industry ang mga manininda at mala-manggagawa na magtrabaho na lamang sa labas ng Metro Manila upang mapagpatuloy ang kanilang hanapbuhay. Ngunit, malamang ay hindi na sila muling payagang bumalik sa kanilang panirahan, mawala man ang CoVID, at sagpangin ang panahon para sa malawakang demolisyon ng maralitang komunidad.
Tinutulak naman ang mga manggagawang mula pa sa Bulacan, Laguna, Cavite, at Rizal na manirahan muna sa NCR upang hindi maging abala ang araw-araw na inspeksyong aabutin tiyak ng siyam-siyam. Ngunit, wala namang sinisiguradong proteksyon ang DTI o ang DOLE para sa tiyak na pagkalugi ng mga manggagawang gagastos pa para sa pansamantalang panirahan.
Dagdag pa, walang anumang paghimok ang DOLE sa mga kapitalista na bigyan ng kaukulang mga kagamitan o tulong medikal ang mga manggagawang araw-araw na nasa risgong mahawa ng CoVID.
Sa pangangarap ng isang pambansang diktadura, isinantabi na ni Duterte at ng kanyang mga alipores na kakalat at kakalat ang coronavirus hanggang may tao itong makakapitan at mapaparamihan, kontrolado man o hindi ang kanyang kilos at galaw.
Pinakikilos ng reaksyunaryong gobyerno ang AFP at PNP upang palitawing nakokontrol nila ang sitwasyon. Ngunit kahit sila ay kulang na kulang sa safety equipment, at sukbit pa rin ang mga baril at kagamitang militar sa mga inspeksyon. Sila rin mismo ay magiging tagapagpalaganap ng virus na nais nilang ikontrol.
Pasista, inutil at buktot na pag-iisip lamang ang mananaig sa isang buwang pagsasara sa Metro Manila. Ayon mismo kay Gen. Debold Sinas, arkitekto ng Oplan Sauron sa Negros at ngayo’y hepe ng NCR Police Office, aarestuhin nila ang sinumang hindi sumunod sa mga patakarang ipinapataw ng mangyayaring lockdown.
Sa gayon, anti-mamamayan ang mangyayaring lockdown: isang pailalim na crackdown. Ipinopronta ni Duterte ang isang pambansang health emergency bilang dress rehearsal para sa pinapangarap na pambansang Batas Militar. Mahihinuha na sa mga deklarasyon ng mga ahensya ng reaksyunaryong gobyerno na labas sa pagkontrol ng galaw ng bawat tao sa Metro Manila, nais na rin nilang ipataw ang kalagayang katulad ng Batas Militar noong 1972.
Nakikiisa ang RCTU-NDF-ST sa lahat ng mga manggagawa’t maralitang tiyak na maapektuhan ang kalusugan at kabuhayan ng patuloy na paglaganap ng CoVID-19. Dapat lamang na mag-ingat ang lahat upang maiwasang magkasakit.
Kahit na malaki ang tyansang gumaling ang isang taong may CoVID-19, malulugi naman sa napakalaking gastusin ang taumbayan. Kontraktwal na nga ang hanapbuhay, pribado pa ang serbisyong pangkalusugan at panlipunan.
Sa panahon ng krisis, lantad ang reaksyunaryong rehimen ni Duterte sa kriminal na pagpapabaya sa kalagayan at kapakanan ng mamamayan. Dapat tayong magkaisa bilang isang uri kung paano natin haharapin ang panibagong delubyo sa ating kalusugan at kabuhayan.
Sa bawat araw na lumilipas, lalo lamang na nalalantad ang kainutilan at kabuktutan ng pasistang rehimen ni Duterte. Ito na ang pinakamasahol at pinakabuktot na reaksyunaryong rehimeng kinakatawanan ng mga pinakabulok na elemento ng naghaharing-uri.
Sa matinding kapabayaan at kabulukan, walang ibang kahihinatnan si Duterte at ang kanyang mga alipores kundi ang pagpapabagsak sa kanila ng sambayanang Pilipino.
Kung diktadura ang tugon ni Duterte sa lumalalang krisis panlipunan, ang ating pinakamahusay na panapat ay ang pagsulong ng digmang bayan. #