#DiMagagapi: Bigo ang rehimeng US-Duterte na durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa Bikol at buong bansa
Nasaan na ang ipinagyayabang ni Duterte na kaya niyang pulbusin ang rebolusyonaryong kilusan sa loob ng kanyang panunungkulan? Dalawang buwan na lamang ang nalalabi sa kanyang termino at sa kabila ng walang humpay na mga deklarasyon ng libu-libong pekeng napasuko, labanan at kung anu-ano pa, sa bibig mismo ng tirano nalalantad na maski siya ay aminado sa kanyang kabiguan.
Ngayong Marso ay halos magmakaawa na si Duterte sa mga kasapi ng BHB na sumuko at ‘magbalik-loob’. Ipinag-utos din niya ang higit pang mahigpit na pagpapatupad ng kampanyang kontrainsurhensya. Ngayong magsisimula na ang lokal na kampanyahan, dadagdagan pa ang dati nang malaking deployment ng pulis sa rehiyon. Ang lahat ng ito ay sa huling pagtatangkang mayroon lamang mabitbit na mistulang tagumpay sa kanyang hambog at lutang na pahayag mag-aanim na taon nang nakararaan.
Ang pagsulong ng digmang bayan sa Kabikulan, sa kabila ng pagiging pokus ng gera kontra-mamamayan ng rehimeng US-Duterte, ang isa sa pinakamalinaw na patunay ng kabiguan ni Duterte na supilin ang demokratikong rebolusyon ng mamamayan. Binigo rin si Duterte ng walang maliw na suporta ng mamamayang Bikolano sa demokratikong rebolusyon. Ang walang habas na kampanya ng pekeng pagpapasurender, militarisasyon at pagpaslang sa mga sibilyan ay lalong nagtulak sa masang Bikolano na lumahok sa rebolusyonaryong paglaban.
Samantala, walang ibang nakamit si Duterte kundi ang ibayong pagkakahiwalay sa mamamayan dulot ng kanyang patung-patong pang krimen sa sangkatauhan. Nauwi lamang sa wala ang bulag na pagsunod ng mga lokal na yunit ng gubyerno sa whole-of-nation-approach. Wala siyang ibang napagtagumpayan kundi ang pagwaldas ng daan-daang bilyong kaban ng bayan para sa hibang na National Task Force to End Local Communist Armed Conflict at pagbili ng mga mapangwasak na modernong armas.
Sa huling salvo, hinahabol pa ni Duterte na mailunsad ang pinakamalaking Balikatan exercises sa pagitan ng mersenaryong AFP at mga tropang Kano. Ikinukundisyon na niya ang mamamayan na handa siyang hatakin ang bansa sa proxy war ng US sa Ukraine laban sa Rusya. Ang pagkalulong na ito ni Duterte sa pasismo at pagpapakapapet ang tiyak na lalo pang gagatong sa pag-aaklas ng mamamayan.
Hindi dapat magpakampante ang mamamayan sa deklarasyon ng kabiguang ito ni Duterte. Hindi ito nangangahulugan ng paghinto ng kanyang brutal at maruming gera. Tanda ito nang pangangailangang ibuhos ang ubos-kayang lakas upang itaas ng mamamayan, laluna ng masang Bikolano, ang antas ng kanilang rebolusyonaryong pakikidigma.