Dinakip na residente sa Brgy. Batbat, Guinobatan, hindi kasapi ng NPA-Albay, Biktima ng Anti-Terror Law

,

Pinasisinungalingan ng Santos Binamera Command – Bagong Hukbong Bayan Albay ang paratang ng 9th Infantry Division Phil. Army at PNP Region V na isa umanong mataas na lider at aktibong kasapi ng NPA ang inarestong magsasakang si Ronaldo Ogama y Oliquino, 74 taong gulang sa kanyang residensya sa Purok 1, Brgy. Batbat, Guinobatan. Inakusahan si Ogama bilang umano’y No. 4 Regional Most Wanted at may patong sa ulong nagkakahalaga ng P2.2 milyon para sa kanyang pagkakaaresto. Matagal nang walang kaugnayan sa organisasyon si Ogama matapos kumilos ng ilang panahon noong dekada 1980. Mismong mga residente ng Brgy. Batbat, Guinobatan ang makapagtetestigo sa lehitimong katayuan nito bilang sibilyan.

Ang pag-aresto kay Ogama ay isang halimbawa ng bounty corruption sa hanay ng militar at pulis kung saan ginagawan ng kaso ang isang sibilyan at pinabibigat ang krimeng nagawa nito upang tumaas din ang halaga ng makukurakot na reward. Kahina-hinalang ngayon lamang dinakip si Ogama sa kanyang residensya samantalang magtatatlong dekada na itong matiwasay na nagsasaka sa kanilang baryo! Ilang Oplan militar na ang natapos sa loob ng 5 presidente at ilang buwan na ring inooperasyon ng militar ang kanilang baryo sa ilalim ng pinabangong SOT na RCSP subalit ngayon lamang ito naisipang dakipin at masahol, pinalitaw pa bilang isa umanong pinakawanted sa buong Bikol at higit P2M pabuya sa makakadakip! Ni hindi nga nagtago ang naturang magsasaka sa mga militar. Ganito rin ang kinahantungan ni Baltazar Naparato na iligal na inaresto noong Setemybre 7, 2020 sa Brgy. Mamlad, Pioduran matapos paratangan bilang No. 7 Regional Most Wanted ng PNP V.

Higit rito, ang pag-aresto kay Ogama, Naparato at daan-daan pang sibilyang pinaratangang kasapi o suportador ng NPA ay patunay nang napakabuktot na sistema ng hustisya sa bansa. Pamalagiang nadidiktahan ang Korte ng sinumang nakaupong administrasyon at hindi kailanman naging independyente. Tahasang nilabag ang karapatan ni Ogama sa due process. Taong 2002 pa ang mga kaso subalit wala ni isang subpoena na natanggap ang biktima. Hindi man lamang pinatawag o pinadalo si Ogama sa anumang pagdinig. Sa pagsasabatas ng Anti-Terror Law, tuluyan nang nalumpo at nawala ang ilusyon ng independyenteng otoridad ang Korte dahil kontrolado na rin ito maging ng AFP at PNP.

Walang kinikilalang kalamidad ang 9th Infantry Division Phil. Army at PNP-Bicol sa panunupil at pagpapatupad ng pasistang Anti-Terror Law sa masang Albayano at pagkubra ng kurakot sa ilalim ng kampanyang kontra-insurhensya. Tiyak ding ginamit ng 49th IB ang palabas na pag-aresto kay Ogama upang igiit pa ang presensya ng militar sa naturang baryo. Layunin nilang bigyang-matwid ang pagtatayo ng detatsment sa lugar at masahol, maging security sa nakaambang pagpapalayas sa mga residente upang bigyang-daan ang malaking proyektong kalsada sa lugar. Ito ay sa gitna ng daing ng masa para sa matitirhan matapos wasakin ng mga nagdaang bagyo ang kanilang kabahayan.

Nananawagan ang SBC-BHB Albay sa mga huwes at maging sa munisipal na LGU at pulis sa prubinsya: manindigan kayo sa inyong independyenteng otoridad. Sa halip na maging mga instrumento ng militar sa patuloy nitong kampanyang pandarahas sa kabila ng umiiral na epekto ng kalamidad sa inyong mga komunidad, ituon na lamang ninyo ang inyong panahon at pagsisikap para tulungang makaahon ang inyong mga habitantes sa kalbaryong dulot ng nagdaang mga bagyo.#

Dinakip na residente sa Brgy. Batbat, Guinobatan, hindi kasapi ng NPA-Albay, Biktima ng Anti-Terror Law