Dinastiyang Marcos, binabaluktot ang kasaysayan sa tulong ng rehimeng Duterte
Sagadsaring reaksyunaryo at rebisyunista ang muling pamamayagpag ng pamilyang Marcos na baguhin ang mga aral ng kasaysayan ngunit ang rebolusyonaryong pwersang Pilipino ang muling makikibaka para ituwid at hadlangan ang kanilang mga maniobra.
Sa pagpasok ng taong 2020, matapos ang bigong panukala noong nakaraang taon na ipangalan sa kriminal-diktador na si Ferdinand Marcos ang Mariano Marcos State University sa Ilocos Norte, muling umaatungal si Bongbong Marcos na dapat palitan ang itinuturo sa mga libro ng kasaysayan sa dahil biktima sila diumano ng kasinungalingan. Hindi makakalampas sa pagsusuri ng mamamayang Pilipino ang desperadong hakbang na ito nina Bongbong at Imee Marcos. Una sa lahat, sa panukala pa lamang ng senadora noong 2019 na palitan ang pangalan ng nasabing mayor na pamantasan, malinaw nang hindi simpleng pangalan ang gustong babuyin ng mga Marcos. Kaakibat nito ay ang layuning ipasa sa mga kabataang estudyante ang isang nirebisang bersyon ng kasaysayan.
Sa pamamagitan ng pangkolehiyong edukasyon at ng ‘iwinastong’ mga aklat ng kasaysayan, nalilikha ng mga Marcos ang pagkakataon para sistematikong ‘linisin’ ang kanilang pangalan. Sinimulan na nila ito noong Diktadurang Marcos, kabilang ang paglilinis sa pangalan ng lolo nilang si Mariano Marcos na kilalang nakipagsabwatan sa mga mananakop na Hapones kung kaya pinarusahan ng mga rebolusyonaryong Pilipino. Ngunit hindi mapagtakpan ng mga institusyon at imprastrukturang ipinangalan sa kanya ang kanyang kataksilan, lalo dahil tuloy-tuloy ang pagsasamantala ng kanyang angkan sa malawak na masa ng Ilocandia.
Bigong pakana din ng pamilya ng magnanakaw na likhain ang ilusyon ng isang Solid North sa pamamagitan ng dalawang pamantasan, isa sa Ilocos Norte at isa sa La Union, na nakapangalan sa pamilyang Marcos. Ngunit matagal nang nabasag ang ilusyong ito. Bukod sa iba’t ibang pampulitikang dinastiya ang umiiral at nagbabanggaan sa rehiyon ng Ilocos, tumitindi at lumalawak ang paglaban ng mamamayang Ilokano sa pamilyang Marcos na nagdulot at patuloy pa din nagdudulot ng pangekonomyang kahirapan at pampulitikang panunupil sa kanila.
Pangalawa, kasabay ng mga pagsisikap na ito ng mga Marcos, sunod-sunod na ibinasura ng Sandiganbayan noong 2019 ang mga plunder case laban sa kanila. Pinakahuli dito ang Php200 bilyong kaso na panglima sa inabswelto ng Sandiganbayan sa loob ng limang buwan. Ang pahayag ng mga Marcos na napatunayan nang ‘inosente’ ang kanilang pamilya ay isang malaking insulto sa milyon-milyong biktima ng kanilang pandarambong.
Matagal nang malinaw sa mamamayang Pilipino na mailap ang katarungan sa isang lipunang bulok at pinaghaharian ng iilan. Hindi sinasalamin ng mga desisyon ng Sandiganbayan ang katotohanang nasa 10 bilyong dolyar ang ninakaw ng pamilyang Marcos at kanilang mga kroni mula sa kabang bayan noong panahon ng diktadurang Marcos. Lalong hindi sinasalamin ng mahinang ebidensya ng Presidential Commission on Good Government ang maigting na pakikibaka ng mamamayang Pilipino para mapanagot ang pamilyang Marcos—hindi lamang sa usapin ng pandarambong kundi maski sa paglabag nito sa karapatang pantao ng laksang masa kabilang na ng rehiyon ng Ilocos. Hindi katotohanan at katarungan ang sinasalamin ng mga kapasyahang ito, sampu ng pagpanig ng rehimeng Duterte sa kanyang kapwa pasista-kriminal, kundi ang pagsisikap ng pamilyang Marcos na palabasing sila ang biktima ng kasaysayan.
Pangatlo, patuloy ang paggigiit ng talunang si Bongbong na makaupo bilang bise-presidente ng bulok na gobyerno sa pamamagitan ng isang electoral protest. Kung papaboran ng Korte Suprema, tuluyan nang makakapanumbalik sa pwesto ang pamilyang Marcos kung saan pinakapaborable ang posisyon para pabanguhing muli ang kanilang apelyido.
Malinaw na malaki ang kagyat at pangmatagalang ganansya ng pamilyang Marcos sa pakikipagkaibigan nito sa rehimeng Duterte. Sa kabilang banda, may signipikante din namang mapapala si Rodrigo Duterte sa pagbabalik ng pamilyang Marcos sa kapangyarihan, pinakamahalaga na ay ang garantiyang hindi siya malilitis sa kanyang mga kasalanan kung papalit bilang pangulo ng bansa si Bongbong Marcos.
Mahigit tatlong dekada bago ngayon, pinalayas na ng masang Pilipino ang diktador na si Ferdinand Marcos. Niloloko ng pamilyang Marcos at ni Duterte ang kanilang mga sarili kung iniisip nilang hindi magbabalikwas ang mamamayan laban sa kasalukuyan nilang mga pakana. Sa mismong rehiyon ng Ilocos, kung saan ipinipilit ng mga Marcos na mayroong Solid North, marami ang bumabatikos sa kanilang pampulitikang dinastiya. Halimbawa, maraming pamilyang nagtatanim ng tabako ang tumutuligsa sa pandarambong ni Imee Marcos sa pamamagitan ng pork barrel na P-IMEE o Programang Ikauunlad ng Mamamayan Ekonomya at Ekolohiya. Kasabay nito, hindi wastong naipapamahagi sa mga magsasaka ang excise fund mula sa buwis sa tabako, gayundin ang calamity fund para sa mga biktima ng sunod-sunod na bagyo noong nakaraang taon. May sariling tatak ng pandarambong ang kasalukuyang henerasyon ng mga Marcos.
Pilit na binubura ng mga Marcos at ni Duterte ang mga aral ng kasaysayan ngunit nakahanda ang masang Pilipino na bigyan sila ng leksyon. Sasalubungin ng pagkilos ang bawat pagpabor ni Duterte sa pamilya ng idolo niyang pasista-diktador. Magpapatuloy ang mga protesta para bigyang-linaw ang bawat kasinungalingang lumalabas sa bibig ng pamilyang Marcos. Bubuhos sa kalsada ang laksa-laksang mamamayan para tutulan ang kalokohang makatapak muli sa Malacañang ang pamilyang tumatangging pagbayaran ang kanilang mga kasalanan sa taumbayan. At sa tiyak na ganting panunupil ng rehimen laban sa mamamayan, nakahanda ang Bagong Hukbong Bayan na paputukin ang mga taktikal na opensiba para iguhit ang aral na may rebolusyonaryong hukbo na magtatanggol sa masang Pilipino.
Malinaw na naiguhit sa kasaysayan na lagi’t laging hahakbang ang mamamayan para wakasan ang pandarambong at paglabag sa kanilang mga karapatang sibil at pantao. At sa pangalawang pagkakataon, hindi mangingiming ulitin ng masang Pilipino ang aral na ito para tuluyang makamit ang katarungan na hanggang ngayon ay kanilang kolektibong ipinaglalaban. ###