Doble-dobleng pagbabadyet ng NTF-ELCAC para sa 62 barangay, aabot sa kabuaang P768 milyon

Read in: English

Sa ilalim ng General Appropriations Act ng 2021, nakakuha ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ng ₱16.4 bilyon para sa tinatawag nitong Barangay Development Program (BDP). Sa programang ito, naglista ang NTF-ELCAC ng 822 barangay na “wala nang presensya ng BHB” na siyang makakatanggap ng ₱20 milyon kada isa kung saan ₱12 milyon ay partikular na inilaan para sa mga proyektong daanan, at ang natitira ay para sa mga gusali ng eskwelahan at iba pang programa.

Ngunit sa pagbusisi sa 2021 GAA, napag-alaman ng Kawanihan sa Impormasyon ng PKP at ng Ang Bayan na hindi bababa sa 62 o 7.5% ng mga barangay na nakalista sa BDP ng NTF-ELCAC ay mayroon nang mga proyektong daanan o tinatawag na “farm to market roads” na may nakalaang ₱921 milyon sa ilalim ng 2021 GAA. <Kumpletong listahan: Download>

Sampu sa mga barangay na ito ay nasa Davao Occidental at siyam ay nasa Davao City. Ang pinakamalaking konsentrasyon ng dinobleng badyet na mga barangay ay sa Paquibato District sa Davao City na mayroong lima. Lahat-lahat, ang mga barangay na nilaanan ng dobleng badyet ng NTF-ELCAC ay nasa 22 prubinsya at syudad, kung saan 10 ang nasa Davao Occidental, siyam sa Davao City, lima sa Negros Occidental, tig-apat sa Benguet at Rizal, at tatlo sa Abra, Agusan del Norte at Bukidnon (tingnan ang talahanayan sa ibaba para sa distribusyon).

Sa kabuuan, ang dobleng pagbabadyet ng NTF-ELCAC ay aabot sa hindi bababa sa P768 milyon, kung ₱12 milyon ang nakalaan para sa mga proyektong daanan. Maaari pa itong lumaki kung ang proyektong daanan ay idedeklarang higit sa P12 milyon. Sa paglalaan ng doble-dobleng badyet, maaaring ideklara ng NTF-ELCAC ang isang proyektong daanan na popondohan o kasamang pinondohan sa ilalim ng BDP kahit hindi ito maglabas ng pera dahil magmumula na ang pondo sa ahensyang nilaanan ng pera ng GAA. Sa pakikipagsabwatan sa mga upisyal at iba pang ahensya at kontraktor, habang iwinawasiwas ang “whole of nation approach”, maaaring kunin ng NTF-ELCAC ang mga pondong ito, itago o kaya’t gastusin sa iba pang gugustuhin nila.

Ang ganitong porma ng korapsyon ay madalas ginagawa sa pamamagitan ng mga aytem na lump-sum tulad ng sa NTF-ELCAC, na nauna nang binigyang-babala ng ilang senador noong mga pagdinig sa badyet. Mas nagiging malubha ang ganitong porma ng korapsyon dahil kinasasangkutan ito ng mga upisyal ng militar at pulis na nabibigyan ng mga ekstraordinaryong kapangyarihan sa pagtatalaga ng rehimen sa “kontrainsurhensya” bilang sentrong kampanya.

Dapat kundenahin kung paanong dinarambong ng NTF-ELCAC ang ilandaang milyong piso ng pampublikong pondo habang nagsasagawa ito ng malupit at nakamamatay na kampanya ng maramihang mga pagpaslang at maramihang mga pag-aaresto para gipitin ang lahat ng porma ng kritisismo at paglaban.

20210316.double-budgeting-pil-2
20210316.double-budgeting-pil-3
Doble-dobleng pagbabadyet ng NTF-ELCAC para sa 62 barangay, aabot sa kabuaang P768 milyon