Duguan ang kamay ng AFP-PNP-CAFGU
February 29, 2020
Mapanghati at mapanlilang ang mga pahayag nina Presidential Peace Adviser Gen. Carlito Galvez, Jr., AFP SolCom Chief Lt. Gen. Antonio Parlade, Jr. at 31st IBPA Commanding Officer Lt. Col. Eric Culvera. Matapos ang matagumpay na operasyon laban sa rebolusyonaryong taksil na si Antonio Benzon, Jr, alias Hazel, pinalutang nila ang tanong na bakit kailangang patayin ng BHB ang isang taong nais mamuhay nang payapa. Ito ay tusong pagpapakalat ng takot na pinapaslang ng BHB ang sinumang pinilit sumuko o napwersang pumapaloob sa ECLIP.
Una, napakalayo sa hinagap na ihalintulad ang mga rebolusyonaryong taksil sa mga pilit pinasusuko ng militar at pinapalabas lamang na BHB. Mulat ang rebolusyonaryong kilusan na gatasan lamang ng mga upisyal-militar ang ECLIP. Hindi nito itinuturing na kaaway ng mamamayan ang masang pinilit, tinakot at inabuso upang magsabing kasapi ng CPP-NPA-NDFP.
Ikalawa, hindi ninais ni Antonio Benzon, Jr. alias Hazel na “mamuhay nang payapa”. Umalis siya sa Pulang hukbo dahil hindi niya naatim ang mga aksyong disiplinang ipinataw sa kanyang pagsuway sa mga alituntunin ng hukbo at mga patakaran ng Partido. Mulat niyang ipinagkanulo ang rebolusyonaryong kilusan at ang masa para sa kanyang personal na pakinabang. Pinili niyang maging masugid na bahagi ng death squad ng mga militar at pulis. Pinataw ng Pamprubinsyang Hukumang Bayan ang parusang kamatayan sa kanya matapos ang masinsing pagsusuri sa kanyang mga kasalanan sa taumbayan at sa rebolusyonaryong kilusan. Ito ay tapat na pagpapatupad sa mga alituntunin at patakaran ng demokratikong gubyernong bayan.
Kaya kung mayroon pa ngang dapat pangambahan ang mga sumuko o pumaloob sa ECLIP, ito ang hayok-sa-dugong AFP-PNP-CAFGU. Mahaba na ang kasaysayan ng militar at pulis sa pagsasangkalan at pagpapahamak ng sarili nilang mga elemento at asset kapag hindi na nila ito nakikitang kapaki-pakinabang.
Noong Abril 8, 2019, pinaslang ng militar ang asset nilang si Rolando Epil at tatlo pa nitong kasamahan sa Brgy. Buri, Mandaon, Masbate. Pinalabas na ito ay engkwentro sa pagitan ng BHB at ng 2nd IB, 9th ID at PNP. Walang BHB sa lugar noong panahong iyon.
Upang palabasing nakabingwit naman sila ng malalaking isda, pinagbibihis nilang BHB ang sarili nilang tropa. Noong Setyembre 2019, lumabas naman ang balitang sumuko si Joselito Naag, na di umano’y kadre ng BHB at isa sa “Most Wanted Persons” sa Albay. Elemento ng AFP si Naag at walang kinalaman sa BHB.
Sunud-sunod ang mga pekeng engkwentro kung saan sinasabak ng matataas na upisyal ng militar at pulis ang kanilang mga elemento. Sa kada pekeng pinasusuko, higit na kumakapal ang kaning mga bulsa. Sarili na nilang tropa at mga asset ang lumalapit sa BHB upang mag-ulat tungkol sa pambabarat ng mga upisyal-militar sa kanilang sweldo o allowance.
Mahigpit na nananawagan ang NDF-Bikol sa mamamayang Bikolano na manatiling kritikal sa mga mapanghating pahayag ng AFP-PNP-CAFGU. Wala itong ibang layunin kung hindi pahinain ang pagkakaisa at ilayo ang loob ng mamamayan sa rebolusyonaryong kilusan. Panagutin ang mga mayroong tunay na inutang na dugo at ninakaw mula sa taumbayan. Sa
diwa ng demokratikong rebolusyong bayan, makakamit ng nagkakaisang mamamayan ang tunay na mapayapang pamumuhay.
Duguan ang kamay ng AFP-PNP-CAFGU