Dumadaluhong na operasyong militar sa kabila ng unilateral ceasefire mapagpasyang hinarap ng Armando Catapia Command sa Camarines Norte
Mapagpasyang hinarap ng Armado Catapia Command-BHB Camarines Norte ang malakihan at tuloy-tuloy na operasyong militar ng 9IB, 92nd DRC Philippine Army bandang ika-siyam ng umaga ngayong ika-23 ng Disyembre sa Barangay Ba’ay , Labo Camarines Norte. Isa ang napatay at anim ang sugatan sa pwersa ng AFP habang ligtas na naipagtanggol ng BHB ang kanilang sarili.
Sa kabila ng unilateral ceasefire na idineklara ng reaksyunaryong gubyerno, patuloy na ginagalugad ng militar ang interyor na bahagi ng kagubatan ng Camarines Norte. Walang ibang mapagpipilian ang BHB kundi ang manatili sa postura ng aktibong depensa upang ipagtanggol ang sarili. Sadyang hindi maiiwasan ang mga labanan kahit sa panahon ng pansamantalang tigil-putukan kapag nanatili ang patakaran ng AFP na walang pakundangang operasyong militar kahit may deklarasyon sila ng Suspension of Military Operation (SOMO). Lagi’t lagi nang idinadahilan ng militar ang pagsasagawa ng di umano’y security patrol, ngunit ang totoo, ito ay ang tuloy-tuloy na tugisin ang mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan at mulat na labagin ang kanilang dineklarang sariling SOMO. Hibang na inaakala ng AFP at PNP na magpapabaya at magpapalinlang ang BHB at lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa kanilang patibong at mga patraydor na atake.
Walang ibang dapat sisihin sa pagkasawi at pagkasugat ng mga elemento ng 9IB at 92nd DRC kundi ang arogansya ng 9IDPA sa walang pagsasaalang–alang na operasyong militar kahit sa panahon ng unilateral ceasefire para sana bigyang puwang ang mapayapang pagdiriwang ng kapaskuhan. Dapat ipakita ng AFP at PNP ang seryosong pagtalima sa deklarado nilang SOMO, ang patuloy na paggalugad sa mga sonang gerilya ay taliwas sa kanilang sariling deklarasyon.
Ang walang habas na pamamaslang kahit sa mga walang kalaban-laban ay naging patakaran na PNP at AFP sa ilalim ng Oplan Kapanatagan at ng Joint Task Force Campaign ng AFP at PNP. Ang nilaboratoryo sa Negros na SEMPO-ng pang-aatake o OPLAN SAURON ay laganap na ngayon sa iba’t ibang bahagi ng bansa at bumibiktima ng maraming inosenteng sibilyan. Kaugnay nito dapat panatilihin ang aktibong postura at pagiging alerto ang mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan at lahat ng rebolusyonaryong pwersa para iwasang mapahamak sa harap ng paninibasib ng AFP at PNP sa ilalim ng “Oplan Kapanatagan” ng papet, diktador at pasistang rehimeng US-Duterte.
Oplan Kapanatagan at Joint AFP-PNP Campaign, BIGUIN!
Rehimeng US-Duterte, IBAGSAK
Digmang Bayan, PAIGTINGIN!