Duterte: Makabagong Makapili, Hibang at Taksil sa Bayan
Lantarang kataksilan at tuwirang pagbebenta ng kasarinlan at soberenya ng bansa sa China ang pinakahuling pahayag ni Duterte na pahihintulutan niya ang mga mangingisdang Chino na makapangisda sa ating teritoryo at Exclusive Economic Zone (EEZ) dahil diumano “sila’y mga kaibigan”. Dapat lang itong itakwil at mariing kondenahin ng taumbayan dahil ito’y hakbangin ng isang taksil at taong walang katiting na pagmamahal sa bayan.
Sukdulan na ang paninikluhod ni Duterte sa bansang China. Wala siyang pakialam na ang kanyang ginagawang pagpapahintulot sa China na makapangisda sa loob ng teritoryo ng bansa, na ayon sa mga eksperto sa batas, ay labag sa Konstitusyon ng Pilipinas. Ang higit na mahalaga para kay Duterte ay ang mapanatiling maganda ang relasyon sa China kapalit ng mga ayuda na maaari pang makuha sa China sa anyo ng pagpapautang nito sa bansa—mga pautang na magiging gatasan ng burukratikong korupsyon ng pangkating Duterte. Kaya hindi pa nasapatan si Duterte sa naunang niyang pahayag na isang “maliit na aksidente sa karagatan” ang nangyaring pagsagasa ng barkong Chino sa sasakyang-dagat ng mga mangingisda mula sa San Jose, Mindoro Occidental bilang pagtataggol sa bansang China. Ngayon naman ay malinaw na pinagkakalooban pa niya ng pabuya at lisenya ang mga dayuhang Chino na malayang makapangisda sa teritoryo at dambungin ang yamang-dagat na saklaw ng EEZ ng Pilipinas. Ito’y napakalaking insulto sambayanang Pilipino at sa mga Pilipinong mangingisda na naging biktima ng mga panggigipit at pagtataboy ng China sa mismong teritoryo ng bansa. Walang kahihiyang ipinagkakaloob na ni Duterte sa China ang likas na yaman ng karagatan ng bansa na dapat walang ibang maaaring umangkin at makinabang kundi ang mga mamamayang Pilipino.
Sa mga pahayag ni Duterte, nagmistulang maliit na enkargado ni Xi Jinping si Duterte ng Pilipinas sampu ng mga alipures niya sa gabinete at Kongreso. Lubusan nang nawalan ng pag-asa ang bansa na mapakinabangan pa ang mga teritoryo nito sa West Philippine Sea, partikular ang sovereign rights sa Exclusive Economic Zone nito na naipanalo ng Pilipinas laban sa China sa Permanent Arbitral Court na nakabase sa The Hague, Netherlands kaugnay sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Isinuko at binalewala na ni Duterte ang anumang naging tagumpay ng Pilipinas sa paggigiit at pagtatanggol ng teritoryo at soberenya ng bansa laban sa panghihimasok at agresyon ng bansang China.
Nananawagan ang NDFP-ST sa lahat ng mga makabayan, progresibo, patriotiko at nagmamahal sa bayan na magkaisa at kumilos para ipagtanggol ang integridad ng teritoryo at pambansang soberenya ng bansa laban sa kataksilan ng gubyernong Duterte. Nananawagan din kami sa mga natitira pang mga matitinong opisyal ng AFP at PNP na tumindig at pumanig sa taumbayan sa makabayan at patriotikong adhikain nitong ipagtanggol ang teritoryo at pambansang soberenya ng bansa mula sa lantarang panghihimasok at agresyon ng mga imperyalistang kapangyarihang tulad ng US at China.
Wala na sa katinuan si Duterte. Wala na siyang karapatan pang manatili sa pwesto dahil siya ang makabagong Makapili ng panahon at may hawak ng titulong nangungunang taksil sa bayan. Dapat lang siyang itakwil at kapootan ng taumbayan, ng mga kasundaluhan at kapulisan na may natitira pang pagmamahal sa bayan. Kailangan nang mapatalsik si Duterte sa kapangyarihan. Ang kanyang ikinikilos ay lantarang anti-Pilipino at malinaw na gumagampan siya ng papel bilang nangungunang abugadong tagapagtanggol ng gubyernong Chino mula sa mga nagawa nitong mga kaso at krimen sa bansang PIlipinas. Marami pang magagawang kataksilan at pinsala sa bayan si Duterte hanggat siya’y nasa kapangyarihan. ###