Duterte, tuta ng kano! Muling pinagtibay na VFA, labanan
Matapos ang kanyang pulong kay US Defense Secretary Lloyd Austin noong Hulyo 29, pinatunayan ni Duterte ang pagiging tuta ng imperyalismong US sa pagtitibay ng bagong Visiting Forces Agreement (VFA) at pagbawi sa bantang abrogasyon nito.
Ang VFA ay isa sa mga di-pantay na tratadong militar sa pagitan ng US at Pilipinas. Isang kasunduan ito na nagpapahintulot nito na maglabas-pasok sa bansa ang mga tropang Amerikano at mga kagamitang pandigma, kailanman at saanman nila gustuhin. Pinapahintulutan din nito ang paglulunsad ng mga ehersisyong militar ng US sa teritoryo ng bansa.
Binigyang-daan ng VFA ang interbensyong militar ng US sa bansa na garapalang yumuyurak sa soberanya at teritoryal na integridad ng Pilipinas. Mayor ang papel ng mga tropang Amerikano sa mga operasyong militar at pulis ng AFP-PNP laban sa CPP-NPA at Bangsamoro. Lantad ang aktibong papel ng US sa Marawi Siege (2017) at Mamasapano Massacre (2015).
Samantala, ilang mga sundalong Amerikano ang hindi napanagot sa kanilang mga krimen sa mamamayang Pilipino kabilang sina Lance Corporal Daniel Smith na gumahasa sa Pilipinang si “Nicole” at US Marine Joseph Scott Pemberton na karumal-dumal na pumatay sa transgender woman na si Jennifer Laude.
Nagsisilbi rin ang VFA na pananggalang ng pwersang militar ng US para hindi panagutan ang paninira sa kalikasan. Noong 2012, sinadsad ng USS Guardian ang Tubbataha Reef sa West Philippine Sea (WPS). Ginagawa ring tapunan ng basura ng US ang mga karagatan sa Pilipinas.
Ginawang sangkalan ng rehimen at mga ahente ng US sa loob ng rehimeng Duterte ang umiigting na tunggalian sa WPS upang maibalangkas ang bagong VFA. Ipinagyabang ng mga ito na kailangan ang VFA para maging epektibo ang Mutual Defense Treaty (MDT) at maipagtanggol ng US ang Pilipinas laban sa atake ng China sa WPS.
Subalit hindi totoong ipagtatanggol ng US ang Pilipinas laban sa China. Sa likod nito, kinakailangan ng US ang mga di-pantay na tratadong militar upang maipwesto ang mga pwersa nito sa Indo-Pasipiko at pangalagaan ang hegemonya rito. Nais ng US na kontrolin ang mga estratehikong posisyon para sa ekonomya, militar at geopulitikal na impluwensiya nito sa rehiyon. Bilang imperyalistang bansa, kailangan din ng US ang Pilipinas na manatiling malakolonya nito para paghuthutan ng mga hilaw na materyales at bagsakan ng mga yaring produkto.
Ang pagpapatibay ni Duterte ng bagong VFA ay bahagi ng pakana nitong manatili sa kapangyarihan lagpas 2022. Nais niyang makuha ang basbas ng imperyalismong US upang patuloy na makapaghari at makatakas sa pag-uusig at pananagutan sa kanyang mga krimen sa bayan. Bahagi ito ng kanyang pagpapalapad ng papel sa US upang mailuklok ang kanyang ninanais na papet sa darating na eleksyon 2022 at supilin ang mga banta sa kanyang walang-taning na paghahari pangunahin ang rebolusyonaryong kilusan.
Isang sarswela ang urong-sulong na pagbuwag ni Duterte sa VFA. Pakana lamang ito para makapiga ng mas maraming pabor sa US. Tulad ng ginawa ni Duterte sa China, kapalit ng VFA ang mga armas pandigma, suporta’t pagsasanay, pondo at bakuna. Noong nakaraang Hunyo, nagpadala ang US ng P183 milyong halaga ng armas pandigma sa AFP. Nagsara rin ang gubyernong Duterte ng $2.43 bilyong (P121.5 bilyon) arms deal sa US, ang pinakamalaking kontrata sa pagbili ng mga armas pandigma sa pagitan ng dalawang gubyerno. Udyok ng imperyalismong US ang pagpapatupad ng kontra-rebolusyonaryong gera para kumita. Bukod pa rito, nakatanggap na ang Pilipinas ng mga bakuna mula sa US at nangako ang gubyernong Biden na dadagdagan pa ito.
Nananawagan ang CPP-ST sa mamamayang Pilipino na ipaglaban ang pambansang soberanya ng Pilipinas at buwagin ang mga di-pantay na kasunduang militar sa US kabilang ang VFA, MDT, Mutual Logistics Support Agreement at Enhanced Defense Cooperation Agreement. Kailangang palayasin ang mga base militar ng US na nakapwesto sa loob ng bansa. Sa Timog Katagalugan, itinayo ang mga base militar ng US sa Ulugan Bay, Puerto Princesa City, Palawan at ginagamit ang mga pasilidad sa Sangley Point sa Cavite at Fernando Air Base sa Lipa, Batangas. Nagdulot ito ng perwisyo at paghihinagpis sa mamamayang biktima ng pagpapalayas at atrosidad ng mga sundalong Amerikano at AFP.
Nasa unahan ang CPP-NPA-NDFP sa pakikibaka ng bayan para ipagtanggol ang pambansang soberanya laban sa dayuhang panghihimasok. Ipagpapatuloy ng rebolusyonaryong kilusan ang laban para palayasin ang mga base militar ng US sa bansa.
Hinihikayat ng CPP-ST ang mamamayang Pilipino na lumahok sa pambansa-demokratikong rebolusyon bilang natatanging solusyon para labanan ang panghihimasok ng mga imperyalistang kapangyarihan. Kailangang ipagwagi ang demokratikong rebolusyong bayan upang makalaya ang bansa sa kuko ng imperyalismo at kamtin ang tunay na kalayaan at demokrasya. Sa pagtatagumpay ng rebolusyon, itatayo ng mamamayan ang tunay na gubyernong bayan na magsisilbi sa interes ng malawak na mamamayang Pilipino.###