EDSA36 – Umaalingawngaw pa rin ang panawagan: “Tama na, sobra na! Wakasan ang tiraniya!”
Ang daan-daan libong mamamayang nagmartsa noon sa EDSA, 36 taon na ang nakararaan, ay pinagkaisa ng layuning tapusin na ang diktadura at palayasin ang pasistang si Ferdinand Marcos. Ngayon, patuloy pa ring umaalingawngaw ang sigaw ng mamamayan: “tama na, sobra na! Wakasan ang tiraniya!” Lalong lumakas ang panawagang ito sa papalapit na pagtatapos ng termino ng tiranong si Rodrigo Duterte. Nagkakaisa ang malawak na sambayanan sa adhikaing tapusin na ang lahat ng mukha ng pasismo at diktadura – mula noon hanggang sa ilalim ni Duterte.
Hinding-hindi makapapayag kapwa ang nakatatandang henerasyon ng mga nanguna at ang nakababatang henerasyon ng mga tagapagmana ng People Power na magpatuloy ang lagim ng diktadura sa bansa. Ang pinakamataas na paggunitang kanilang iginagawad sa makasaysayang People Power ay ang mahigpit na pagtangan sa laban upang hindi mapaupo ang mga heredero nina Marcos at Duterte sa Malacanang.
Tulad noon, paulit-ulit na itataya ng mamamayan ang kanilang mga buhay mahadlangan lamang ang paghahari ng mga pasista at diktador. Malaon na silang naniningil ng katarungan para sa libu-libong mamamayang pinaslang, dinukot, ikinulong at linabag ang mga karapatan. Ang ultimong katarungang dapat mapasakamay ng mamamayan ay ang maparusahan ang mga berdugong kriminal at matuldukan na nang tuluyan ang terorismo ng estado.
Sa Bikol, malinaw ang tanaw ng mamamayang Bikolano – hustisya para sa lahat ng mga biktima ng diktadura, kapwa nina Marcos at Duterte. Tulad ng pagharap nila sa bangis ng diktadura ni Marcos, hinaharap ng mga Bikolano nang buong tapang at tatag ang marahas na tiraniya ni Duterte. Ubos kaya rin nilang hinahadlangan ang pag-upo ng mga tulad nina Bongbong at Sara sa pwesto.
Umaasa ang NDF-Bikol na sa muli, maipapakita ng mga Bikolano ang kanilang tatag at matibay na pakikibaka. Dapat magsilbing inspirasyon at hamon ang mga nauna nang naipagwaging laban ng mamamayan sa pagpapatalsik ng mga diktador tulad ni Marcos upang mapabagsak ang tiraniya ngayon ni Duterte. Marapat ding pataasin ang antas ng laban na ito hanggang sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Ang tagumpay nito ang maghuhudyat sa tuluyang pagwawakas sa pag-iral ng marahas at reaksyunaryong estadong nagsisilbi lamang sa iilan at pagkapuksa ng mga salot ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismong sumasakmal sa buong bansa.