Emarlo Gamba at Salvador Gracilla, mga panibagong biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang ng 31st IBPA
Mariing kinukundena ng Celso Minguez Command ang mga pagpaslang ng 31st IBPA sa mga sibilyan mula sa bayan ng Irosin at Bulan.
Nitong Setyembre 27, 2018 bandang alas-6 ng gabi sa Brgy. Recto, Bayan ng Bulan, habang nakikikain ang isang squad ng NPA na mula sa gawaing pag-oorganisa sa bahay ni Salvador Gracilla, 36 na taong gulang, mangingisda, ay walang habas na pinaputukan ng mga elemento ng 31st ang bahay ni Gracilla. Nasa loob ng bahay nuong panahon na iyon ang kanyang asawa na si Mylene Nonsol at kanilang mga anak na 12 taong gulang (lalake), 8 taong gulang (lalake), 5 taong gulang (babae), 3 buwan na sanggol (babae).
Agad na inagapan ng mga mandirigma ng NPA ang mga sibilyan na nasa loob ng bahay at sa proseso ng pagligtas sa buhay ng 5 taong gulang ay agad na tinamaan at namatay si Ka Aljun. Si Gracilla, habang nanghihingi ng tulong dahil sa natamaan sya, ay walang awa naman pinagbabaril sa harap ng kanyang mga anak. Ligtas namang nakatakas ang mga mag-iina habang inaalalayan ng mga kasama palabas ng bahay.
Pagkatapos ng pangyayari ay ninakawan ng mga sundalo ang bahay ni Gracilla at kinuha ang 1 cellphone, atm sa 4Ps at pera. Matinding trauma at takot ang nararanasan ngayon ng pamilya ni Gracilla dahil sa pangyayari.
Ang ganitong walang awang pamamaslang ng 31st IBPA ay hindi na bago, nuong Setyembre 26, 2018 bandang alas-3 ng hapon ay pinaslang naman si Emarlo Gamba o mas kilala sa tawag na “Karlo”, 28, isang tricycle driver, tubong Barangay San Julian, Irosin, Sorsogon. Habang nagpapasada ng kanyang tricycle ay bigla syang binaril ng 2 lalaking nakahelmet at nakasakay sa motorsiklo sa boundary ng Brgy. San Pedro at Brgy. San Julian.
Pinabubulaanan ng Celso Minguez Command ang alegasyon ng 31st IBPA na NPA si Gamba at si Gracilla.
Malinaw na sa ilalim ng Oplan Kapayapaan at mala-Martial Law na rehimen ni Duterte, kahit sinong sibilyan ay mistulang target ng pamamaslang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP). Lantaran din ang kanilang paglabag sa CARHRHIL na malinaw na nagsasaad na hindi dapat maimbwelto ang mga sibilyan sa gitna ng digmaang sibil na nagaganap sa pagitan ng hanap ng CPP-NPA-NDF at AFP-PNP-CAFGU. Bahagi ng matinding desperasyon at karuwagan ang tumarget ng sibilyan kapag walang makitang lehitimong NPA. Higit kailanman, ang planong kalahatiin ang kasapi ng NPA sa mga susunod na buwan o taon ay pawang ilusyon lamang ng pasistang rehimeng US-Duterte at mga kasapakat nitong berdugong AFP-PNP.
Dapat ay magkaisa, ilantad at labanan ng mamamayang Sorsoganon ang tumitinding panunupil at pasismo ng mga berdugong 31st IBPA. Maaring manawagan sa mga istasyon ng radyo at telebisyon ng mga pangyayaring katulad nito at Ilantad ang kanilang pasistang pagturing sa mamamayan. Higit pa man, tanging sa kolektibong pagkilos ng mga Sorsoganon, magagapi ang tiranikong pasismo ng rehimeng US-Duterte.
Hustisya para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao!
Militar sa kanayunan, palayasin!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!