Engkwentro sa Labo, Walang Katotohanan Nagdadamayan sa Kalamidad ang Masa at Rebolusyonaryong Pwersa
January 02, 2019
Pinapabulaanan ng NDF-Bikol ang pahayag ng 9th IDPA hinggil sa engkwentro sa Sityo Malapat, Baay, Labo, Camarines Norte noong Disyembre 30. Hinugot sa hangin ang ipinakakalat ng 96th IBPA na pekeng balita ng labinglimang-minutong putukan sa pagitan ng kanilang hanay at ng NPA-Bikol. Walang naganap na labanan at walang presensya ng mga kasama sa naturang lugar.
Matapos ang matagumpay na mga pagdiriwang ng masa at rebolusyonaryong pwersa sa ginintuang anibersaryo ng PKP noong Disyembre 26, kagyat ding naghanda ang mga kasama para sa pagtulong sa masang maaaring mapinsala ng bagyo. Sinisikap abutin ng lahat ng mga yunit ng hukbo ang mga masang naapektuhan ng bagyo sa kani-kanilang mga eryang sinasaklaw upang makapagbigay ng kinakailangang tulong sa paglikas o pag-ayos sa mga komunidad. Hanggang kasalukuyan ay abala ang Partido at Hukbong Bayan sa pagtuwang sa masa sa pag-aayos ng mga nasirang tirahan, kagamitan at pananim, ganoon din ang paggamot sa mga nagtamo ng kapansanan at nagkasakit.
Maraming lugar sa rehiyon ang nagkaroon ng landslides, pagbaha at nasirang mga produktibong lugar sa kanayunan ang hindi nababalita sa media at naaabot ng mga ahensya ng reaksyunaryong gobyerno upang mabigyan ng atensyon. Mataas ang kamulatan sa pagtutulungan ng masa at rebolusyonaryong pwersa sa mga kalamidad na pangunahing dulot nang pagkasira ng kalikasan para sa interes ng kapital at pandarambong ng mga naghaharing-uri. Humigit-kumulang 200 kontrata sa pagmimina ang pumasok sa rehiyon noong 2015 habang naglilipana pa rin sa ilang bahagi ng Bikol at karatig-prubinsyang Quezon ang mga konsesyon sa pagtotroso.
Sa kabilang banda, ang 96th IBPA ay abala sa pasistang panggagalugad ng mga komunidad sa kanayunan. Walang katotohanan ang ipinagmamayabang nilang ang kanilang yunit ay nasa proseso ng relief operations sa panahong nabanggit. Sa mga pahayag ng mga upisyal at tagapagsalita ng 9th IDPA matapos ang sunud-sunod na matatagumpay na taktikal na opensiba ng NPA noong huling kwarto ng taong 2018, sila mismo ang nagpahayag na ipagpapatuloy nila ang red alert status ng lahat ng kanilang mga yunit laluna sa panahon ng anibersaryo ng PKP partikular sa Camarines Norte at sa una at huling distrito ng Camarines Sur. Sinuhayan pa ito ng pagtanggi ng AFP na magdeklara ng katumbas na tigil-putukan sa panahon ng Kapaskuhan at Bagong Taon tulad ng ginawa ng NPA at mag-ooperasyon pa ang kanilang mga yunit upang masalakay ang mga aktibidad ng pagdiriwang ng ika-50 maniningning na taon ng PKP. Malinaw na ang naturang yunit na napasabak umano sa engkwentro ay nag-aakalang mayroon silang masisilong yunit ng NPA sa lugar. Lumang tugtugin na ang pagpapakalat ng 9th IDPA ng mga pekeng balita ng engkwentro at kubkob upang may maipagmayabang ang kanilang mga upisyales sa mga progress reports at makakuha ng insentibo bago magtapos ang taon.
Naghahabol ang 9th IDPA ng maiuulat na tagumpay laluna dahil ilang beses na ipinahayag ng kanilang Commander-in-Chief na si Duterte na kaya nitong tapusin ang rebolusyonaryong kilusan bago matapos ang taon. Isa pa, nagkukumahog silang makabawi mula sa sunud-sunod na tagumpay ng mga taktikal na opensibang ilinunsad ng mga yunit ng hukbo sa lahat ng larangang gerilya ng rehiyon na nagdulot ng pinsala at demoralisasyon sa kanilang hanay. Gagamitin din nila ang mga ganitong balita ng pekeng engkwentro upang lalong igiit ang ligalidad ng total war sa ilalim ng de-facto martial law, ang pagdaragdag ng pwersa ng militar at ang militarisasyon ng lahat ng sangay ng gubyerno sa ilalim ng National Task Force to End Communist Insurgency (NTFECI).
Kinukundena ng NDF-Bikol ang malisyosong pagpapakalat ng 9th IDPA ng mga pekeng balita at ang matinding militarisasyon sa kanayunan. Hanggang ngayon, ang bayan ng Labo ay nakapailalim sa masinsin at sustenidong operasyong militar ng 9th IDPA. Sa loob ng halos siyam na buwan, tuluy-tuloy na panggigipit at pang-aabuso ang dinaranas ng masa mula sa mga militar. Makailang ulit nang nakatanggap ng mga ulat at reklamo ang rebolusyonaryong kilusan sa walang humpay na paglabag ng mga militar sa karapatang-tao ng mga residente ng Camarines Norte.
Para sa mamamayan, higit sa dagliang tulong sa panahon ng sakuna, ang tuluyang pag-alis ng mga tropang militar sa kanayunan at ang pagtigil ng gera-kontra mamamayan ng teroristang rehimeng US-Duterte ang kinakailangan upang makabangon sila mula sa bagyo ng pasismo.
Engkwentro sa Labo, Walang Katotohanan Nagdadamayan sa Kalamidad ang Masa at Rebolusyonaryong Pwersa