Engkwentro sa Tuaca, Walang Katotohanan!
ekeng balita ang ipinagkakalat ng PNP Mobile Force-Camarines Norte hinggil sa engkwentro sa Brgy. Tuaca, Basud, Camarines Norte noong Marso 3. Walang katotohanan ang pahayag ni PSupt. Godofredo Tul-o na nagkaroon ng limang minutong labanan sa pagitan ng pwersa ng pulis at ng Armando Catapia Command (ACC)-BHB-Camarines Norte na nagresulta umano sa pagkakapaslang sa isang hindi kinilalang kasapi ng BHB. Ayon sa ulat na natanggap ng NDF-Bikol mula sa ACC-BHB-Camarines Norte, walang naganap na labanan at walang presensya ng mga kasama sa naturang lugar sa panahong nabanggit.
Nakababahala ang naturang pahayag dahil bagamat walang labanan na naganap ay mayroong pinatay na indibidwal ang pwersa ng pulis. Dapat kagyat na maimbestigahan ng lokal na gubyerno kasabay ang mga organisasyong tagapagtaguyod ng karapatang-tao, kagawad ng midya at mga taong-simbahan ang kasong ito. Kung pagbabatayan ang madugo at brutal na kasaysayan ng pulis at militar, malaki ang posibilidad na isa na namang sibilyan ang kanilang pinatay at saka ipinaradang kasapi ng BHB.
Walang tigil ang kasinungalingan ng militar at pulis. Sa unang kwarto ng taon, dalawang beses silang nagpakalat ng balita ng mga pekeng engkwentro sa naturang prubinsya. Gayundin, kamakailan lang ay nagpahayag ang 9th IDPA na umabot umano sa siyam na bilyong piso ang pinansyal na suportang natanggap ng rebolusyonaryong kilusan sa Bikol para sa taong 2017 hanggang 2018.
Alam ng 9th IDPA at ng PRO 5 na sa kabila ng kanilang pagyayabang na mahina na ang rebolusyonaryong kilusan ay napakalaking banta pa rin ito laban sa lubusang pamamayagpag ng kanilang armadong panunupil. Hindi sila makabawi mula sa tuluy-tuloy na pagyanig sa kanilang hanay ng mga anihilatibong taktikal na opensiba ng Pulang hukbo.
Ginagamit na tuntungan ng pulis at militar ang naturang balita ng mga pekeng engkwentro upang bigyang-matwid ang kanilang dagdag na presensya at higit na masinsing operasyong militar sa kanayunan. Sa paglapit ng eleksyon, kinakailangan nilang mabuo ang klima ng kaguluhan upang malayang makapanghimasok ang militar at pulis sa pandaraya at pakikialam sa halalan. Nagsisilbi ito sa pampulitikang maniobra ng kanilang among si Duterte na iluklok ang mga pulitikong masugid niyang alipures at titiyak sa kanyang pasistang diktadura.
Sa kagyat, hinihikayat ng NDF-Bikol ang mga makabayan at progresibong pwersa na magsagawa ng mga fact finding missions at panagutin ang mga yunit at upisyal ng AFP-PNP-CAFGU na salarin sa pamamaslang at sunud-sunod na abusong militar laban sa mga sibilyan. Nananawagan ang NDF-Bikol sa masang Bikolano na magkaisa laban sa tumitinding militarisasyon at malawakang operasyong saywar ng militar at pulis. Hindi maaaring palampasin ng sambayanan ang lantarang pagyurak sa lahat ng karapatang sibil at demokratiko sa ilalim ng total war ng rehimeng US-Duterte.