Esabia, biktima ng Tokhang-style EJK ng PNP-CALABARZON
Mariing kinokondena ng NPA-Laguna ang ginawang extra-judicial killing ng PNP-Calabarzon sa sibilyang si G. Christopher Esabia noong Mayo 26, 2019 sa Barangay Palma 2, Alaminos, Laguna. Walang katotohanan ang ipinapamalita ng PNP-CALABARZON na inilathala ng People’s Journal at iba pang pahayagan na si G. Esabia ay miyembro ng NPA Special Partisan Unit (SPARU) dahil walang ganitong yunit ang NPA sa Laguna o alinmang lalawigan sa CALABARZON. Ang SPARU ay kathang isip lamang PNP-AFP. Hindi rin totoo na NPA Hitman si G. Esabia na sangkot sa pagpatay sa mga pulis na sina PS Ramirez, PO1 Ilagan, PO1 Tria at mga sibilyang sina Danilo Yang at Dante Liwag. Gawa-gawa lamang ang kasong ito laban kay G. Esabia para bigyang katwiran ang kanilang karumal-dumal na pagpatay kay G. Esabia. Walang armas si G. Esabia at kagagaling lang sa pagtulog nang siya ay walang awang barilin, sa operasyong ala-TOKHANG, ng mga miyembro ng PNP-CALABARZON.
Si G. Christopher Esabia ay tubong Samar na pumunta ng Maynila para maghanap-buhay. Noong 2004 ay naging bahagi siya ng NPA-Rizal subalit umalis sa NPA noong 2010 para mag-alaga ng maysakit na magulang. Mula noon ay nagsikap siyang mabuhay bilang ordinaryong sibilyan. Nagpalipat-lipat siya ng lalawigan ng Rizal, Laguna at Metro Manila para magtrabaho at mabuhay ng marangal hanggang sa panahon ng siya ay walang awang patayin ng mga pwersa ng PNP.
Ang tokhang style na extra-hudisyal na pamamaslang ng PNP sa mga sibilyang katulad ni G. Esabia ay nagpapakita ng pagiging desperado ng PNP-Calabarzon. Dahil wala silang mapasukong aktibong kasapi ng NPA ay ang mga katulad ni G. Esabia na namumuhay bilang ordinaryong sibilyan at pinagbubuntunan ng PNP-CALABARZON para makamit nila ang quota na ibinigay sa kanila ng binuong ng Rehimeng Duterte na Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) sa bilang ng NPA na papatayin, pasusukuin at kukumbinsihing makipagtulungan sa kanila. Para sa kasalukuyang rehimeng Duterte, ang sinumang dating may kaugnayan sa NPA ay walang karapatang mamuhay nang marangal at dapat na patayin tulad ng mga maralitang biktima ng kanyang gera laban sa droga. Ang mga katulad ni G. Esabia ay bahagi na lamang ng dagdag na istatiska na mga biktima ng extra-judicial killing ng Rehimeng Duterte.
Ang pagpaslang na ito kay G. Esabia ay magsilbing babala sa lahat ng naging bahagi ng NPA at namumuhay bilang ordinaryong sibilyan sa lalawigan ng Laguna. Kailangang seryosohin ninyo ang pangangalaga sa seguridad.Tiyak na kayo ang pagbabalingan ng mga mersenaryong AFP-PNP dahil wala silang mapasukong aktibong myembro ng NPA. Mas mainam na bumalik na kayo sa rebolusyonaryong kilusan. Kung mas piliin niyo na manatili bilang ordinaryong sibilyan ay kailangang doblehin ang inyong pag-iingat. Anuman ang inyong kalagayan, nakahanda ang NPA-Laguna na kupkupin kayo para maligtas kayo sa atake ng mga bayarang AFP-PNP.
Sa mga nagpapahalaga sa katarungan, dapat na itaguyod natin na mabigyang katarungan ang pagpaslang kay G. Christopher Esabia at iba pang biktima ng ala-tokhang na pagpatay ng mersenaryong PNP. Dapat na papanagutin ang mga myembro ng PNP-Calabarzon sa kanilang nagpapatuloy na extra-judicial killing sa mga inosenteng sibilyan.
KATARUNGAN PARA KAY CHRISTOPHER ESABIA!
KATARUNGAN PARA SA LAHAT NG BIKTIMA NG EXTRA-JUDICIAL KILLING NG REHIMENG DUTERTE!