Espiya ng AFP sa Sorsogon, pinarusahan
Isinakatuparan ng mga mandirigma ng NPA ang sentensyang kamatayan na inihatol ng Probinsyal na Hukumang Bayan ng Sorsogon kay Jonatahan Escolano alyas Marvin, 37, nitong Agosto 10 sa Barangay Sangat, Gubat. Iniutos ng rebolusyong hukuman ang pagpaparusa sa kanya sa kasong pagtataksil at pang-eespiya sa rebolusyonaryong kilusan.
Si Escolano ay dating kasapi ng NPA na sumuko sa reaksyunaryong estado noong 2019. Mula noong sumuko ay naging ahente siya ng 96th Military Intelligence Company (MICO) at naging aktibo sa mga operasyong paniktik laban sa rebolusyonaryong kilusan laluna sa mga bayan ng Gubat at Barcelona at sa Sorsogon City. Siya ang pangunahing pinakilos ng 96th MICO at 31st IBPA para sindakin at sapilitang “pasukuin” ang mga sibilyang kapitbahay niya sa Sangat at mga katabing baryo ng Gubat na pinagbintangang kaanib ng rebolusyonaryong kilusan. Siya ang nagtanim ng ebidensyang baril at granada na isinangkalan para arestuhin ang dating NPA na si Ruel Escullar sa Barangay Herrera, Gubat noong nakaraang Marso. Si Escullar ay matagal nang umalis sa Hukbo at namumuhay bilang sibilyan.
Ginawang hanapbuhay ni Escolano ang pag-hunting sa sinumang mapagbibintangang NPA. Bukambibig niya sa mga inuman ang halagang makukubra niya sa bawat isang maipadakip o “mapasusuko” niya. Pinakahuling operasyon ng 96th MICO at Gubat PNP na nilahukan niya ang pagdakip kay Nilo Enconado, isang dating Pulang mandirigma, sa Alabang, Muntinlupa City nitong nakaraang buwan. Sinampahan si Enconado ng walong gawa-gawang mga kaso.
Ang pagpaparusa kay Jonathan Escolano ay bahagi ng tuluy-tuloy na pagsisikap ng NPA na kamtin ang hustisya para sa masang Sorsoganon na ginigipit ng mga ahente ng pasistang rehimeng Duterte.