Garapalang Katiwalian sa AFP at PNP para sa paghaharing Duterte-Duterte
Sa desperasyong makapagpalawig sa kapangyarihan, kasuklam-suklam na pinalalakas ni Duterte ang AFP at PNP sa pamamagitan ng pagbusog sa mga upisyal sa militar at pulis ng kurakot mula sa hungkag na modernisasyon ng AFP, kontra-insurhensyang NTF-ELCAC at madugong gera kontra droga.
Gamit ang pasismo at terorismo ng estado, walang habas na dinambong ng rehimen ang kaban ng taumbayan. Malawakang karahasan, paglabag sa karapatang-tao ang tuntungan at kapalit ng pagkagahamang ito. Daan-daan libong buhay ang kapalit ng pagtustos ni Duterte sa katakawan ng kanyang mga alagad.
Patunay dito ang higit P2.5 bilyon pondong kinuwestyon kamakailan ng Commission on Audit mula sa mga maanomalyang transaksyon ng AFP at PNP. Kabilang ang P6.6 milyong kwestyonableng ginastos ng PNP Region V sa ilalim ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) liban pa sa kahina-hinalang distribusyon ng mga armas at armored vests sa naturang rehiyunal na yunit. Isinawalat ang mga ito ng COA matapos ang serye ng mga aksidenteng kinabilangan ng mga sasakyang panghimapapawid ng AFP.
Sa Bikol, pinagpipyestahan ng Joint Task Force Bicolandia at Bicol Task Force-ELCAC ang dambong mula sa hindi maubus-ubos na pekeng surrenderee sa rehiyon, mga huwad na proyekto sa ilalim ng Barangay Development Program (BDP) at pondo para sa mga operasyong Retooled Community Support Program (RCSP) at Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operations (SACLEO). Liban pa rito ang kikbak na nakukuha mula sa pagbabantay ng malalaking operasyong mina, proyektong imprastruktura at ekoturismo sa rehiyon. Limpak-limpak na kurakot ang kanilang nakukulimbat sa bawat masang dinakip, dinala sa detatsment at pwersahang pinasuko, sa bawat iligal na inaresto at pinatay.
Ang malaganap na demoralisasyon sa hanay ng kasundaluhan ay idinulot ng kanilang pagkasuklam sa sumasahol na kabulukan ng kanilang pinagsisilbihang institusyon. Kinukundena nila ang korupsyong nagtulak sa pagbili ng mga pinaglumaan at depektibo subalit mamahaling armas at sasakyang militar. Pinangangambahan nilang maulit pa ang sunud-sunod na pagbagsak ng mga kakaragkarag na eroplanong gaya ng bumagsak na C-130 plane sa Sulu. Lampas 70 sundalo at sibilyan na ang namatay mula Hulyo 2020 hanggang 2021 dahil sa mga insidenteng ito. Sa rehiyon, inamin mismo ng ilang mga civil-military operations (CMO) units ng 9th IDPA sa mga inooperasyon nilang komunidad ang panlolokong nasa likod ng kampanyang pagpapasurender at RCSP. Batid din ng mga militar at pulis ang iringan ng kani-kanilang mga upisyal sa kikbak mula sa mga operasyong mina at iba pang proyekto.
Hinding-hindi papayag ang sadlak sa krisis na masang Bikolano na gawing lunsaran ng terorismo ng estado at gatasan ng kurakot ang kanilang mga komunidad. Hinding hindi sila papayag na magpakabusog sa dambong at kapangyarihan si Duterte habang sila’y ilinulugmok sa walang kaparis na kagutuman, kahirapan at karahasan. Nananawagan ang NDF-Bikol sa mamamayan: ang pagsuporta at paglahok sa armadong rebolusyon ang pinakamatibay nilang armas upang singilin, panagutin at tuluyang pabagsakin ang hari ng korupsyon, mamamatay-tao, taksil at pasistang rehimeng US-Duterte.