General Tokhang/Double Barrel “Bato” de la Rosa pasistang pakawala at tuta ni Duterte sa Senado
Umandar na naman ang pasistang pakawala at tuta ni Duterte sa Senado na si Ronald Bato de la Rosa sa walang tigil na pangungutya at red tagging sa mga progresibong partylist na kabilang sa blokeng Makabayan sa mababang kapulungan ng Kongreso. Sa pagdinig sa Senado kamakailan sa mungkahing budget ng COMELEC sa 2020, tinutulak ni Bato de la Rosa ang COMELEC na idiskwalipika ang Bayan Muna (BM), Gabriela Women Partylist (GWP), Alliance of Concern Teachers (ACT-Partylist), Kabataan Partylist (KPL) at maging ang Anakpawis (AP) kahit wala ito ngayong kinatawan sa mababang kapulungan ng Kongreso dahil ang naturang mga Partylist, sa paniniwala ni Bato, ay legal front ng CPP-NA-NDFP at kaaway ng estado.
Ginagamit ni Bato de la Rosa ang pagdinig sa budget ng COMELEC sa Senado para i-presyur ito na madaliin ang pag-aksyon at pagpasya sa mga nakabinbing kaso ng diskwalipikasyon laban sa mga progresibong Partylist. Itinutulak din ni Bato de la Rosa ang pag-amyenda sa batas kaugnay sa sistemang Partylist sa bansa.
Ang pagtutulak ni Gen Tokhang/Double Barrel Bato de la Rosa sa pag-amyenda sa batas sa sistemang Partylist ay naglalayong ipagbawal ang pag-iral ng mga progresibong partylist sa ilalim ng blokeng Makabayan. Ito ay malinaw na pagsasalaula at lubusang pagtanggal sa tunay na kahulugan at intensyon ng sistemang partylist na magkaroon ng representasyon sa Kongreso ang mga mahihirap at kapuspalad na sektor ng lipunang Pilipino. Nais ni Bato na alisin ang oportunidad at magkaroon ng boses sa reaksyunaryong Kongreso ang mga tunay na kumakatawan sa mga inaapi’t pinagsasamantalahang uri at sektor ng lipunan na ginagampanan ng mga progresibong partylist sa ilalim ng blokeng Makabayan at palitan ito ng isang bagong batas na magpapatatag sa political dynasty at monopolisasyon sa kapangyarihan ng mga oligarkong pamilya sa bansa. Ginagawa ito ni Bato de la Rosa bilang pagtalima sa maitim na balak ni Duterte na tanggalin ang mga natitira pang balakid na ipatupad ang lantarang pasistang paghahari sa bansa.
Samantala, ginagamit ni Bato ang isyu laban sa blokeng Makabayan para ilihis ang atensyon ng publiko sa kinasasangkutan niyang ilegal na pagpapalaya sa 120 bilanggong nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo dahil sa mga karudumal dumal na krimen. Imbes na matapang na harapin niya ang kanyang naging pananagutan at responsibilidad bilang dating Director General ng Bureau of Corrections (BUCOR) sa ilegal na pagpapalaya sa 120 bilanggo, bahag ang buntot at todo hugas kamay ngayon si Bato at ibinaling ang sisi at atensyon sa kamalian ng Implementing Rules and Regulations ng RA 10592 o Good Conduct Time Allowance (GCTA) na binalangkas ng nakaraang administrasyon.
Dapat hindi mawala sa pokus ang taumbayan sa panawagan na paimbestigahan at kasuhan si Bato de la Rosa sa kanyang mga nagawang katiwalian nuong pinuno pa siya ng BUCOR mula Abril 2018 hanggang Oktubre 2018.
Mula nang maluklok si Bato de la Rosa sa Senado, wala na itong ginawa kundi gamitin ang pusisyon para manlinlang, manira, magpakalat ng mga anti-komunistang lason at isterya at magpanukala ng mga mapanupil na batas na kapag naaprubahan ay lalong magpapatalim sa pangil ng pasismo ng administrasyong Duterte na siyang lubusang kikitil sa natitira pang kalayaang sibil at demokrasya sa bansa.
Malinaw na ang dahilan kung bakit pinatakbo at ipinanalo ni Duterte si Bato de la Rosa at iba pang kaalyado nito sa Senado sa pamamagitan ng manipulasyon at pandaraya, ay upang makontrol niya nang buo ang Senado at gamitin itong sandata sa pagpapatalsik sa mga progresibo at oposisyon sa Kongreso tulad ng ginawang pagpapatalsik ng papet na rehimeng Roxas noong 1946 sa pitong Kongresista na nanalo sa Gitnang Luzon sa ilalim ng alyansang Demokratikong Alyansa-Partido Nasyunalista. Sa pagkontrol kapwa sa Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso, madali nang mailulusot ni Duterte, nang walang sagabal, ang kanyang pasistang adyenda at mga anti-mamamayan at anti-demokratikong mga batas kabilang ang batas na magpapalawig sa kanyang termino lagpas sa nakasaad sa saligang batas ng Government of the Republic of the Philippines (GRP).
Gusto ni Duterte na mawala sa loob at labas ng Kongreso ang kanyang mga kritiko at oposisyon lalo na ang mga progresibong organisasyon at partylist na matatag, puspusan at matapang sa paglalantad at paglaban sa mga anti-mamamayan at anti-demokratikong mga patakaran at programa ng pasistang rehimeng US-Duterte.
Naniniwala ang NDFP-ST na mabibigo ang anumang balakin ni Duterte na magpatupad ng higit na mapanupil at malulupit na batas na lubusang kikitil sa kalayaan at pundamental na mga demokratikong karapatan ng taumbayan. Lalong naniniwala ang NDFP-ST na hindi pahihintulutan ng taumbayan na makapanaig ang pakana ng pasistang rehimeng Duterte na ipagbawal ang pag-iral ng mga progresibong organisasyon at partylist sa bansa. Tiyak na sasalubungin ito ng mariing pagtutol at pagkilos ng taumbayan para ipaglaban at ipagtanggol ang kanilang mga sariling organisasyon at partylist laban sa tumitinding pasistang panunupil ng rehimeng Duterte.
Malalim ang pagkakilala at pagkabatid ng taumbayan sa maganda at mahusay na rekord ng mga progresibong organisasyon at partylist sa pagtataguyod at pagsusulong ng kanilang mga interes at kahilingan. Naranasan nila sa mahabang panahon kung paano itinaguyod at ipinaglaban ng blokeng Makabayan ang kanilang mga hinaing at kahilingan sa reaksyunaryong gubyerno sa loob ng parlyamento at maging sa mga pagkilos sa lansangan. Kongkreto nilang naranasan kung paano ipinaglalaban at ipinagtatanggol ng blokeng Makabayan ang kanilang mga karapatang pantao at iba pang demokratikong karapatan. Kung ganuon, hindi nakapagtataka kung sakaling sumiklab ang puot at galit ng taumbayan at humantong ito sa malakihang pagkilos upang biguin ang sinumang magtatangkang lubusang ipagbawal ang pag-iral ng mga progresibong organisasyon at partylist na tunay na kumakatawan sa mga api’t pinagsasamantalahang uri at sektor ng lipunang Pilipino.
Kinikilala at sinusuportahan ng NDFP-ST ang anumang mga gagawing pagkilos ng taumbayan para hadlangan ang anumang balakin ng pasistang rehimeng Duterte na magpataw ng higit na mapanupil at malulupit na batas sa bansa. Umasa ang taumbayan na gagawa ang rebolusyonaryong kilusan ng sarili nitong mga pamamaraan at hakbangin para mapanagot at maparusahan ang mga may kasalanan sa patuloy na pagyurak at paglabag sa karapatang pantao ng mamamayan.###