Gina Lopez: Dakilang Kaibigan at Tagapagtanggol ng mga Mamamayan at Kalikasan
Ang National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST) ay lubhang nalulungkot sa pagpanaw ni Regina Paz (Gina) L. Lopez, dating kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at kasalukuyang Tagapangulo ng ABS-CBN Foundation Inc. dahil sa sakit na kanser.
Nais din naming iparating ang aming taos pusong pakikiramay at pakikidalamhati sa mga naiwang pamilya, kaibigan at katrabaho ni Gina Lopez. Nakapanghihinayang at nawalan tayo ng isang Gina Lopez na seryoso, masugid at matapang na kampiyon ng kalikasan at kapaligiran. Nawala sa ating piling ang isang kasama na may mataas na pagpapahalaga sa pangangalaga at proteksyon ng likas na yaman ng bansa at kapaligiran laban sa mga mapanira, mapagsamantala at mandarambong na malalaking burgesya komprador at mga dayuhang namumuhunan lalo na sa industriya ng pagmimina sa bansa. Sa kanyang pakikibaka para sa preserbasyon ng kalikasan, laging laman ng kanyang isip ang kinabukasan ng mga susunod na henerasyon na siyang makikinabang sa isang protektado at preserbadong likas na tirahan (habitat) ng iba’t ibang uri ng nabubuhay na hayop at halaman (wild life).
Bagama’t nagmula sa makapangyarihang angkan ng malaking negosyo, namumukod tangi si Gina Lopez na tinawid ang makitid na interes ng pinagmulang uri upang sinserong hanapin ang kanyang lugar sa piling ng paglilingkod sa mamamayan sa limitado nyang kapasidad at hangaring baguhin ang kalagayan ng masang api’t pinagsasamantalahan sa paraang nakikita nyang kapakipakinabang—ang ipagtanggol ang kapaligiran at kalikasan laban sa mapangwasak na operasyon ng mga dambuhalang kumpanya sa pagmimina na nagdidisloka at sumisira sa kabuhayan at kinabukasan ng kasalukuyan at susunod na mga henerasyong Pilipino. Matatag siyang ginabayan ng kanyang prinsipyo na “mamamayan muna bago ang negosyo at tubo” at hindi niya ito ikinumpromiso sa gitna ng napakalakas na opusisyon ng malalaking korporasyong interes sa loob at labas ng gubyernong Duterte.
Hindi namin malilumutan ang katapangang ipinamalas ni Gina Lopez sa pagtatanggol at pakikipaglaban sa kapakanan ng mga magsasaka at katutubo sa rehiyong Timog Katagalugan. Bago pa siya naging miyembro ng gabinete ni Duterte, aktibo na si Gina Lopez sa kampanya sa pagtatanggol sa kalikasan at lupain ng mga katutubo sa rehiyon laban sa walang habas na pangwawasak dito ng mga kumpanya sa pagmimina. Nuong maging Kalihim siya ng DENR, maraming kumpanya sa pagmimina sa rehiyon ang kanyang ipinasara, sinuspinde ang operasyon at kinansela ang mga permiso dahil sa malawakan, iresponsableng pangwawasak ng mga ito sa mga lupang ninuno at pinagkukunan ng kabuhayan ng mga magsasaka at katutubo. Itinulak din niya ang kampanyang No To Mining in Palawan at nagpatupad ng iba pang mga proyektong naglalayong pangalagaan at ipagtanggol ang inang kalikasan habang nagsisilbing kalihim ng DENR.
Marami pa sana siyang magagawa para sa kapakanan ng mga magsasaka at katutubo dangan lamang na maaga siyang napatalsik bilang kalihim ng DENR bunga ng presyur ng mga kinatawan ng malalaking burgesya kumprador sa loob at labas ng gabinete at gubyerno ni Duterte. Wala ring nakuhang suporta si Gina Lopez mula kay Duterte matapos tanggihan ng makapangyarihang Commission on Appointment (CA) ang kanyang nominasyon bilang kalihim ng DENR. Tunay na nagpapakita lamang na walang puwang sa administrasyong Duterte ang mga upisyal ng gubyerno na katulad ni Gina Lopez na seryoso, masugid at matapang na nagtatanggol sa yaman at kalikasan ng bansa mula sa pagsasamantala at pandarambong ng malalaking burgesya komprador at dayuhang negosyo ng mga imperyalista. At higit sa lahat, walang puwang sa loob ng administrasyong Duterte ang katulad ni Gina Lopez na may malasakit sa kapakanan ng mga mahihirap nating kababayan.
Matapos mawala sa gabinete, bilang tagapangulo ng ABS-CBN Foundation, ipinagpatuloy ni Gina Lopez ang kanyang masugid na adbokasiya sa pangangalaga ng kalikasan sa pamamagitan ng kanyang proyektong Bantay Kalikasan at sa pagtatanggol sa mga karapatan ng bata at kanilang proteksyon sa ilalim naman ng programang Bantay Bata 163.
Itinuturo ng kwento ng buhay ni Gina Lopez na ang kabuluhan ng buhay ay matatagpuan lamang sa sinserong paghahangad ng kabutihan para sa mga dukha. Naunawaan niya ang tunay kalagayan at pangangailangan ng mga kapuspalad sa kanyang ginagawang pakikipamuhay sa kanila. Kaya hindi katakataka na ang kanyang adbokasiya sa maraming bagay ay katugma ng mga layunin at programa ng rebolusyonaryong kilusan.
Sa isang banda, may kabilang leksyon ang kanyang buhay—na gaano man kasinsero ang kagustuhan ng mga katulad nya na baguhin ang kalagayan ng maliliit na mamamayan, ipagtanggol ang kalikasan at likas-yaman ng bansa para sa kapakinabangan ng mga susunod na henerasyon at repormahin ang bulok na mga kalakaran sa gubyerno—hindi kailanman ito magkakaroon ng katuparan sa ilalim ng mapagsamantala at mapang-aping sistema ng lipunang pinaghaharian ng malalaking kumprador-panginoong maylupa at mga burukratang kapitalista na nasa lukob ng dayuhang kapangyarihan. Ito ang naging trahedya ni Gina Lopez sa maikling panahon na naging bahagi siya ng reaksyunaryong gubyerno. Sa bandang huli, nakutsabahan ang iba’t ibang pwersa sa loob at labas ng gubyernong Duterte upang siraan at hadlangan ng Commission on Appointment ang kanyang nominasyon bilang kalihim ng DENR.
Nananawagan kami sa iba pang mga nakakariwasa sa buhay na tularan si Gina Lopez at ilapit ang sarili sa mga dukha’t inaaping sektor ng ating lipunan. Ihanda ang mga sarili sa pagtulong at pagsuporta sa mga ipinaglalaban ng mamamayan para sa tunay na kalayaan at demokrasya. Bilang simula, magsilbing tinig at aktibong maging tagapagtanggol ng karapatang pantao, mga kalayaang sibil at iba pang karapatang demokratiko na unibersal na kinikilala ng lahat ng sibilisadong bansa. Ganundin, hinihikayat namin kayo na sumama at lumahok sa mga kilusang nagsusulong at nangangalaga sa inang kalikasan at sa pagtataggol ng karapatan ng mga bata at kababaihan. Magsagawa ng mga programa at proyektong pangkabuhayan para sa mga kapos-palad nating kababayan. At higit sa lahat nananawagan kami sa inyo na makisalamuha at ihanay ang sarili sa pakikibaka ng uring anakpawis para sa pambansang demokrasya.
Mabuhay ang mga alaalang iniwan ni Ms. Gina Lopez!
Mabuhay ang mamamayang Pilipino!
Paglingkuran ang sambayanan!