Granular Lockdown: pagtalikod ng rehimeng Duterte sa responsibilidad sa gitna ng pandemya
Halos walang pinagkaiba ang kasalukuyang pakanang granular lockdown at ‘alert level system’ ng pasistang rehimeng US-Duterte sa mga naunang tangka nitong piitin ang pagkilos at paggalaw ng tao sa gitna ng pandemya. Ang tanging pagkakaiba nito sa nakaraang mga quarantine protocols ay lokalisado hanggang antas-barangay ang lockdown at pangunahing kakarguhin na ng mga lokal na gubyerno ang pondo para rito. Bukod pa, ang mga ito ay maaaring gamiting paraan ng pinakitid na administrasyon para gamitin ang pandemya sa kontra-rebolusyonaryong programa nito. Sa gagawing pilot testing ng sistemang ito sa Metro Manila ngayong araw, hindi malayong isusunod na rin ang pagpapatupad ng mas mapaniil at mas mahigpit na lockdown sa iba pang mga probinsya kabilang ang Quezon sa mga susunod na araw.
Rabok-rabok na ang mga paliwanag na ikinokoro ng DILG, IATF at ni Roque hinggil sa ikakasang bagong sistema ng lockdown at community quarantine. Pinagmumukhang layunin nilang maibangon ang ekonomya kahit na sa totoo ay mananatiling bagsak ito dahil sa kawalang-aksyon ng reaksyunaryong gobyerno sa mga manggagawang nawalan ng trabaho at sa mga magsasakang luging-lugi na sa baba ng presyo ng kanilang mga produkto. Saan pa kukuha ng pondo ang mga lokal na gubyernong malaon nang dumaraing ng ayuda mula sa pambansang gubyerno? Ibinabandera nilang gagaan na ang sitwasyon ng mga healthcare workers at medical frontliners, subalit nananatiling nakaslista sa tubig ang sapat na pondo para maibigay na ang kanilang idinadaing na hazard pay at special risk allowance.
Hangga’t nagpapatuloy ang militaristang hakbangin ng rehimen laban sa pandemya, tuluy-tuloy lang ang pagdami ng mga kaso ng mahahawaan ng CoViD-19 sa buong bansa. Kung hindi naman tutuunan ng pansin ng administrasyon ang pagpapataas sa vaccine awareness ng mamamayan ng Hilagang Quezon, at ang aktwal na pagpasok ng sapat na bakuna para makamit ang herd immunity, walang katuturan ang mga pakanang lockdown at community quarantine ng reaksyunaryong gobyerno.
Danas ng mamamayan ng Hilagang Quezon ang hagupit ng ‘Duterte lockdown’ na nagpahirap pa lalo sa kalagayan ng mga magsasaka’t mangingisda simula 2020 hanggang sa kasalukuyan. Kulang na kulang ang kinikita ng mga mangingisdang limitado lang din naman ang nahuhuling lamang-dagat. Makahuli man nang mainam, pahirapan ang pagbiyahe sa mga produktong ito para maibenta sa mga talipapa sa Maynila dahil sa lockdown. Pinakamalala ang nangyari sa Polillo Group of Islands (PoGI) kung saan halos patayin na sa hirap ang mga magbabariles (tuna) sa napakababang presyo nito sa merkado. Ang dating umaabot ng P400 kada kilo ay bumagsak tungong P120 nitong 2020. Sa kasalukuyan, nagtitiyaga ang mga mangingisda sa paglalaro ng presyo ng bariles nang P150-P200, habang ang pusit ay umaabot lamang ng P50 kada kilo. Halos wala na ring alagang baboy ang mga magsasaka ng Hilagang Quezon dahil sa paglaganap ng African Swine Fever (ASF) sa mga bayan ng PoGI, Infanta at Real. Kung mayroon man ay hindi na rin nila ito mapakinabangan dahil sa pagbaha ng mahal din namang imported na frozen pork sa merkado. Ang kalunus-lunos na kalagayang ito ay nangyari sa panahong patay ang kalakhan ng mga niyugan at sagingan sa Hilagang Quezon dahil sa pananalanta ng sunud-sunod na bagyo noong huling bahagi ng 2020.
Malinaw man na walang maayos na pamumuhay ang mamamayan ng Hilagang Quezon, kulang na kulang pa ang ayudang nakuha mula sa reaksyunaryong gobyerno. Pinagkasya ng pamilyang may 5 kasapi ang 2 kilong bigas, ilang sardinas at noodles, 1 kape at 1 kilo ng asukal para sa 1 buwan, na hindi rin naman regular na maibibigay sa kanila. Marami ring anomalya ang pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) kung saan hindi lahat ay nakinabang rito. Kahit ang mga senior citizen na walang ibang kakapitan kundi ang mga ayudang ito ay pinahirapan pa. Kaysa ilaan sa pagkain at ayuda para sa mga tao, nilaanan ng mas malaking pondo ang pagpapaganda sa kalsada at mga tulay na tiyak na mapupunta lang din naman sa bulsa ng mga politiko’t kapitalistang sasabak sa eleksyong 2022.
Inaasahang lalo pang palalalain ng granular lockdown ang sinsin ng operasyong militar na ikinakasa ng 1st Infantry Battalion at mga katuwang na CAFGU at yunit ng PNP sa kasalukuyan. Sa tabing ng pandemya, tiyak na tututukan ng berdugong 1st IBPA ang mga lugar na may nakabinbin pang proyektong pang-ekoturismo. Siguradong bababaran din ng mga walang-asal na sundalo ang mga lugar na pinaghihinalaan nilang may presensya ng NPA. Sa biglaan at walang paabisong pagpapatupad ng granular lockdown, aasahan nating kahit ang lokal na gobyerno ay magiging bulag sa galaw ng kaaway sa kanilang mga saklaw na erya. Ipamukha lang na dumarami ang kaso ng CoViD-19 sa pamayanan, may dahilan na para tuluy-tuloy na manggulo at manakot ang uhaw-sa-dugo na mga sundalo’t pulis.
Ang paghuhugas-kamay ni Duterte at ng mga pambansang ahensya sa usapin ng pamamahagi ng ayuda ay bahagi ng ultimong plano ng reaksyunaryong gobyerno na unti-unti nang magpabango para sa sa susunod na eleksyon. Sisisihin ang mga mayor ng mga apektadong bayan sa kawalan ng ayuda kahit na mismong ang pambansang gubyerno ang nagkukuripot sa pondo dahil inilalaan ito sa militar at proyektong pang-imprastraktura. Sa paghihirap ng mga Quezonin, nagpapakasasa naman si Duterte at ang pamilyang Suarez sa kinukurakot nilang kaban ng bayan.
Sa panahong gutom at kulang na kulang ang suportang nakukuha ng mga magsasaka’t mangingisda para mapangtustos sa pang-araw-araw nilang pangangailangan, ang tanging sasaligan ng mamamayan ay ang makatarungang tunguhin ng demokratikong rebolusyong bayan. Lalo lamang na itinutulak ng rehimeng US-Duterte at ng mga pasistang hakbangin nito ang taumbayan na mag-alsa at humawak ng sandata para isulong ang kanilang demokratikong interes at karapatan sa gitna ng krisis pangkalusugan na hinaharap ng buong sambayanang Pilipino.#