Gunitain ang ika-35 taon ng pag-aalsang EDSA nang may determinasyong isulong ang panlipunang rebolusyon
Read in: English | Hiligaynon
Ginugunita natin ngayong araw ang ika-35 anibersaryo ng pag-aalsang EDSA. Sa loob ng apat na araw, milyun-milyong Pilipino ang nagtungo sa mga lansangan para tuluyang wakasan ang 14-taon ng brutal na paghahari ng batas militar ng diktadurang Marcos.
Ang pag-aalsang EDSA ang sukdulang kinahantungan ng ilang taong mahirap at buhay-at-kamatayang pakikibaka ng mamamayang Pilipino. Kaya marapat lamang alalahanin ang libu-libong bayani at martir na nag-alay ng kanilang buhay sa pakikibaka laban sa diktadurang US-Marcos.
Sumibol ang pag-aalsa sa matabang lupa na diniligan ng dugo ng sakripisyo ng ilampung libong Pilipinong matapang na lumaban sa pasistang paninibasib ni Marcos. Isinulong nila ang adhikain ng mamamayan para sa kalayaan at demokrasya sa pamamagitan ng lahat ng porma ng pakikibaka: mula sa kilusang lihim, hanggang sa mga piket sa pagawaan, tungong mga welga sa kampus at sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa kanayunan.
Ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), kasama ang malawak na hanay ng mga pambansa-demokratikong organisasyong manggagawa, magsasaka, malaproletaryado, estudyante at iba pang sektor ay kabilang sa pinakamalaki, pinakamatatag at pinakadeterminadong pwersang naglunsad ng pakikibaka laban sa diktadurang US-Marcos. Sila rin ang naging pangunahing target ng kampanya ng panunupil ng rehimen sa ilalim ng batas militar.
Ang paghahari ng takot na ipinataw ng batas militar ay mababasag ilang taon matapos itong ideklara noong 1972. Pumutok ang mga welgang manggagawa noong kalagitnaan ng 1970 na humantong kalaunanan sa mga demontrasyon ng ilampung libong mamamayan sa sumunod na mga taon. Sa kanayunan, lumakas ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) bilang pambansang hukbo ng mamamayan at naglunsad ng mas madalas at mapangahas na mga reyd, ambus at ibang taktikal na opensiba.
Pinasigla ng lakas ng Partido at BHB, gayunin ng demokratikong kilusang masa ng batayang mga uri at sektor ang buong bansa at ginawang posible ang pag-usbong ng isang malapad na nagkakaisang prente laban sa diktadurang US-Marcos sa anyo kapwa ng impormal na pagtutulungan at pormal na mga alyansa. Nang paslangin ang ang lider ng oposisyon na si Sen. Benigno Aquino, nasindihan ang daluyong ng protestang masa kung saan kumilos ang malapad na hanay ng mga pwersang anti-diktadura.
Hindi tugma sa kasaysayan at mali ang pinalalabas ng burges na midya na ang pag-aalsang EDSA ay purong ispontanyong tugon sa mga panawagan ng simbahan at mga lider sa pulitika. Ang pag-aalsang EDSA ay produkto ng mga pagsisikap ng malapad na nagkakaisang prenteng anti-Marcos kung saan nagsilbi ang mga pwersang pambansa-demokratiko bilang bahagi ng pinakadeterminadong bag-as ng mga demonstrasyong masa. Araw at gabi, dumagsa ang mga organisasyong manggagawa at estudyante sa EDSA at nagmartsa tungong Mendiola at Malacañang para itulak ang pagpapatalsik kay Marcos.
Subalit, ang pag-aalsang EDSA ay hindi isang panlipunang rebolusyon. Nagdulot ito ng pagbabago sa anyo ng pamumuno ng rekasyunaryong uri mula sa pasistang diktadura tungong huwad na demokrasya. Naipanumbalik nito ang mga burges-liberal na karapatan ngunit sa limitadong antas lamang. Tiniyak ng mga rehimeng sumunod kay Marcos ang pananatili ng sistemang malakolonyal at malapyudal at mga interes ng imperyalismong US, ng malalaking burges-kumprador at malalaking panginoong maylupa sa kapinsalaan ng pambansang soberanya at patrimonyang pang-ekonomya. Ipinagpatuloy nito ang mga patakaran sa ekonomya na palaasa sa utang at dayong kapital. Patuloy na nagpakasasa sa yaman ang mga burukratang kapitalista sa pamamagitan ng korapsyon at pandarambong. Kawalan ng lupa pa rin ang pinakamalawak na suliranin sa kanayunan. Ang malubhang kalagayang sosyo-ekonomiko ng mamamayan ay patuloy na pinatitindi sa pamamagitan ng mga anti-manggagawa at anti-mamamayang batas at mga patakaran, at sa todong liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon sa ilalim ng kaayusang neoliberal.
Nananatili sa pundasyon ng naghaharing estado ng Pilipinas ang pasitang makinaryang nilikha ni Marcos. Wala ni isa sa mga kriminal na nasa likod ng mga masaker, tortyur, at iba pang brutalidad at krimen ng batas militar ang naparusahan sa ilalim ng reaksyunaryong estado. Taliwas dito, ang mga susing personahe ng batas militar ni Marcos ay nanatili sa kapangyarihan at nasa ubod ng mga institusyon sa seguridad at depensa. Ang mga tagatortyur at berdugo ng batas militar ay umangat ang ranggo sa militar at pulis, naging mga senador at kinatawan sa kongreso at itinalaga sa iba’t ibang mga ahensya ng reaksyunaryong estado. Hindi lamang hindi nareporma ang armadong pwersa at pulis, pinatindi pa ang kanilang brutal at mapanupil na oryentasyon, laluna sa indoktrinasyon, pagsasanay at suporta ng US. Walang hupa ang pasitang mga krimen at pag-abuso sa karapatan. Patuloy na sinusupil ng armas ang kahit anong inisyatibang masa ng mga manggagawa, magsasaka at ibang mga sektor para itaguyod ang kanilang pambansa at demokratikong mga adhikain.
Ang terorismo ng estado at tiraniya ng rehimeng US-Duterte ay ang pinakamatingkad na paalala kung paanong nakapagpupunyagi ang mga Marcos at pasitang makinarya nito sa nagdaang mga reaksyunaryong rehimen. Hindi lamang nakatakas ang mga Marcos sa parusa, sila ay nakapanumbalik sa pulitika at patuloy na naglalayong ibalik ang kanilang mga sarili sa tuktok ng reaksyunaryong estado. Tulad ni Marcos, kinakanlong ni Duterte ang AFP at PNP, nagtatalaga ng mga heneral sa susing mga pusisyon sa gubyerno, pinakawalan ang pulis sa gera kontra droga, binigyang-katiyakan laban sa parusa, pinaglaanan ng malaking bahagi ng badyet para bumili ng mas maraming armas at pagbibigay sa militar ng papalaking kapangyarihan na kontrolin ang buong bansa sa pamamagitan ng pang-angat ng kontraisurhensya bilang sentral na patakaran ng kanyang gubyerno.
Nakapag-ipon ng lakas ang mga pwersang pambansa-demokratiko sa takbo ng mga pakikibakang masa laban sa diktadurang US-Marcos sa pamamagitan ng mahigpit na pagtataguyod sa batayang mga interes at demokratikong kahingian ng malapad na masa ng manggagawa at magsasaka. Sa pamamagitan ng EDSA, napatunayan nila na kung mya organisadong lakas at malapad na pagkakaisa, kayang magpatalsik ng mamamayan ang reaksyunaryong gubyerno kahit hindi pa nila kayang ilipat ang kapangyarihang pampulitika mula sa naghaharing uri tungo sa masang inaapi at pinagsasamantalahan.
Gayunding proseso at aral ang natutunan sa ikalawang pag-aalsang EDSA noong pinatalsik ng mamamayan ang rehimeng Estrada noong 2001. Mahalaga para sa mamamayang Pilipino na tanganan ang mga aral na ito sa ngayon sa pagharap nila sa rehimeng Duterte at pagpapatalsik sa kanya.
Para maisagawa ang pundamental na pagbabago sa kalagayang sosyoekonomiko at pulitika ng masang Pilipino, kinakailangan ang tunay na panlipunang rebolusyon kung saan aagawain ng masang api at pinagsasamantalahan ang kapangyarihang pampulitika mula sa mga imperyalista, malalaking burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa. Ito ang pundamental na layunin ng pambansa-demokratikong rebolusyon sa pamumuno ng Partido na isinusulong ng milyun-milyong Pilipino sa buong bansa.
Sa kanayunan, sa gabay ng Partido at pagsisikap ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa at ng BHB, itinatayo ang mga organo ng demokratikong gubyernong bayan sa porma ng mga rebolusyonaryong komite sa antas ng baryo o kulumpon ng mga baryo. Ang mga organo ng paggugubyernong ito ay naglulunsad ng reporma sa lupa, nagpapatupad ng kanyang mga batas at patakaran at nagbibigay ng iba’t ibang serbisyong panlipunan sa mamamayan. Patuloy itong darami sa patuloy na pag-ani ng lakas ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa buong bansa. Sa takdang panahon, ang buong reaksyunaryong estado kasama ang pwersang militar at pulis nito ay tuluyang dudurugin ng Bagong Hukbong Bayan at ng rebolusyonaryong masa, ihahali ang itatayong bagong demokratikong gubyerno at papandayin ang lipunang malaya mula sa imperyalismo at inhustisyang panlipunan at ilalatag ang mga kunidsyon para sa sosyalistang rebolusyon at konstruksyon.