Gunitain ang ika-50 anibersaryo ng Diliman Commune

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Ginugunita natin ngayong araw ang ika-50 anibersaryo ng Diliman Commune, isang Diliman, Quezon City. Ang Diliman Commune ay bahagi ng malawakang mga welga at protesta laban sa pagtataas ng presyo ng gasolina, imperyalistang kontrol sa ekonomya at brutalidad ng pulis sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Bahagi ang pag-aaklas ng nagpapatuloy na daluyong na pambansa-demokratikong kilusang masa ng mga estudyante at manggagawa mula sa nakaraang dekada. Sumiklab ito isang taon matapos ang Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970 na sumaksi sa libu-libong nagmartsa sa lansangan para isigaw ang pagwawakas sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo at paghahangad para rebolusyonaryong pagbabago.

Pinasiklab ang pag-aaklas ng panunupil ng pulis laban sa mga mag-aaral na nagtungo sa lansangan para makipagkaisa sa protesta ng mga manggagawa at tsuper laban sa pagtaas ng presyo ng gasolina at para tuligsain ang imperyalistang kontrol sa ekonomya. Mula Pebrero 1 hanggang 9, nagtayo ng mga barikada ang mga mag-aaral ng UP Diliman, sinakop ang mga gusali at dormitoryo ng pamantasan, kinontrol ang lokal na istasyon ng radyo at palimbagan, naglunsad ng maramihang mga pag-aaral at nagtayo ng mga organisasyong masa.

Nilabanan nila ang mga pwersa ng pulis at militar at mga helikopter sa paglulunsad ng mga militanteng protesta, barikada at mga molotov. Inatras ni Marcos ang mga pasistang pag-atake at sa kinilala ang “responsibilidad” ng unibersidad na pangasiwaan ang mga usaping pangkampus, na gayo’y nagbigay ng tagumpay sa mga mag-aaral at komunidad ng UP para sa kalayaang pang-akademiko.

Habang itinutulak ang mga kahilingang pang-ekonomya ng bayan, inilunsad ng mga mag-aaral ng pamantasan ang rebolusyon sa kultura sa loob ng kampus. Isinahimpapawid nila sa radyo ang mga rebolusyonaryong awitin at naglabas ng mga sulating nagtataguyod sa pambansang demokrasya. Pinag-aralan nila ang rebolusyonaryong teorya, itinaguyod ang pamumuno ng uring manggagawa, at hinimok ang mga petiburgesya at magsasaka na kumilos sa ilalim ng bandila ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Nanawagan sila sa malapad na hanay ng masa na lumahok at sumuporta sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa kanayunan.

Ikinasa ng mga mag-aaral ng pamantasan ang pag-aaklas nang may buong paggagap sa mga limitasyon ng kanilang kapangyarihan, na hindi makakamit ang rebolusyong panlipunan sa kanilang mga aksyon lamang. Bubuwagin nila ang mga barikada at tatapusin ang komuna nang may malinaw na tanaw sa rebolusyonaryong landas.

Ang ilampung lumahok sa Diliman Commune at ilandaang higit pa mula sa daluyong ng pambansang demokratikong kilusang estudyante ay magmamartsa tungo sa kanayunan para sumapi sa Bagong Hukbong Bayan. Nagsilbi silang mga kumander at instruktor sa pulitika ng hukbong bayan at tahasang lumahok sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Marami rin ang nagpatuloy na makipagkaisa sa kilusang manggagawa at tumulong sa pagbubuo ng mga unyon.

Ang mga beterano ng daluyong ng pambansa-demokratikong kilusang estdyante noong dekada 1960 at maagang bahagi ng 1970 ay kabilang sa pinakamatatatag na mandirigma para sa kalayaan at demokrasya laban sa diktadurang US-Marcos at mag-aalay ng kanilang buong buhay sa demokratikong rebolusyong bayan. May ilan sa kanilang nananatiling aktibo sa rebolusyonaryong kilusang lihim gayundin sa ligal na demokratikong kilusan.

Inspirado ng kanilang halimbawa, patuloy na tatahakin ng sumunod na mga henerasyon ng mag-aaral ang pamansa-demokratikong landas ng militanteng pakikibaka. Katuwang ang kilusang welga ng mga manggagawa, ang kilusang protesta ng mga estudyante ay muling dadaluyong sa kalagitnaan ng dekada 1970 at babasagin ang paghahari ng takot ng ilalim diktadurang Marcos at tuluy-tuloy na maglulunsad ng malalawak na aksyong protesta hanggang mapatalsik si Marcos noong 1986. Sa nagdaang tatlong dekada, dadaluyong ang mga protestang pangmag-aaral laban sa pagtaas ng gastos sa edukasyon, base miltar ng US, liberalisasyon ng palitan, korapsyon ng gubyerno, laban sa pagpapanumbalik ng mga Marcos, at iba pang isyung pambayan. Ang kilusang protestang pangmag-aaral ay patuloy na bukal ng patriyotiko at demokratikong pwersa gayundin ng rebolusyonaryong armadong mandirigma ng hukbong bayan.

Dobleng mahalaga ang paghalaw ng mga aral mula sa Diliman Commune ngayong panahon matapos na makaisang-panig na wakasan ng Department of National Defense (DND) ang kasunduang UP-DND ng 1989 na nangalaga sa mga kalayaan ng mag-aaral at pang-akademiko sa pagbabawal sa mapanindak at mapanupil na presensya ng militar sa loob ng mga kampus ng UP. Ginagamit ng pasistang rehimeng Duterte ang anti-komunismo para itulak ang imbing layunin nitong bawiin ang mga naipagtagumpay na kalayaan ng mga mag-aaral at payukuin ang UP at iba pang unibersidad sa kanyang tiraniya. Ang ultimong layunin ay pigilan ang mga mag-aaral na makipagkaisa sa malapad na hanay ng masang manggagawa at magsasaka at pagsasakatuparan sa kanilang makasaysayag tungkulin sa mga kilusang panlipunan at digmang bayan.

Gunitain natin ang ika-50 anibersaryo ng Diliman Commune sa pamamagitan ng muling pagpapatibay sa pambansa-demokratikong adhikain ng mamamayan at pakikibaka laban sa pasistang rehimeng Duterte. Dapat patuloy na magmulat, mag-organisa at magpakilos ng masang mag-aaral ang pambansa-demokratikong kilusang estudyante para isulong ang kanilang kagalingan at demokratikong karapatan, ipaglaban ang isang pambansa, siyentipiko at makamasang sistema ng edukasyon at makipagkaisa sa mamamayang Pilipino sa kanilang patriyotiko at demokratikong mga pakikibakang masa.

Hindi dapat mapagod ang mga mag-aaral na ilantad ang imperyalismo bilang pangunahing kaaway ng mamamayang Pilipino–ang malalaking dayuhang monopolyo kapitalistang korporasyon, ang IMF-WB-ADB at iba pang nagpapautang at mga “credit rating agency,” pati ang gubyerno ng US at China at kanilang mga militar. Ang mga imperyalista, sa pakikipagsabwatan sa lokal na reaksyunaryong mga uri ng malalaking burgesyang kumprador at panginoong maylupa ang nagsasamantala sa murang lakas paggawa ng mamamayang Pilipino, dumadambong sa mineral at likas na yaman ng bansa, nagtatambak ng mga produktong sarplas sa kapinsalaan ng lokal na industriya at agrikultura, nagpapanatiling atrasado sa bansa at nakasalalay sa dayuhang kapital at pautang at yumuyurak sa soberanya ng bansa sa pamamagitan ng pakikialam sa pulitika at dominasyong militar.

Ang pambansa-demokratikong kilusang estudyante ay dapat manatiling hindi napapaos na tinig ng paglaban ng mamamayang Pilipino, na naglalantad sa bulok na malakolonyal at malapyudal na sistema at nagwawagayway ng pulang bandila ng pambansang demokrasya.

Muli nating pagtibayin ang pakikibaka ng mamamayang Pilipino para sa pambansang pagpapalaya at katarungang panlipunan sa pag-alaala rin natin sa 500 taon ng kolonyalismo at paglaban. Simula ika-27 ng Abril, sa araw na ginapi ni Datu Lapu-Lapu ang grupo ng pwersang kolonyal ng Spain na pinamumunuan ni Magellan, ipagdiwang natin ang limang siglo ng magiting na pakikibaka ng mamamayang Pilipino laban sa dayuhang agresyon at neokolonyal na pananakop.

Aalalahanin din ng proletaryo at mamamayang Pilipino ngayong taon ang ika-150 anibersaryo ng Paris Commune, na isa rin sa naging bukal ng inspirasyon ng Diliman Commune. Ang Paris Commune ang pinakaunang naitayong gubyerno ng uring manggawa sa kasaysayan, na sa kabila ng pagiging panandalian, ay nagpatunay sa praktika ng pangangailangan para sa uring manggagawa na agawin at tanganan ang kapangyarihang pang-estado para isakatuparan ng rebolusyonaryong transpormasyon ng lipunan at itatag ang sosyalismo.

Gunitain ang ika-50 anibersaryo ng Diliman Commune